Monday, October 08, 2012

Ang Misteryo ng Tunog ng Kampana sa Isla Gintu (Ang Nakatagong Alamat ng Kagandahan ng Takip-silim sa Manila Bay)

Annotation:
Nagtataka ba kayo kung bakit ang ganda ng takip-silim sa Manila Bay? Ako rin. Kaya ito ang aking naisip.

Palubog na ang araw. Maririnig na naman ang misteryong tunog ng kampana sa Isla Gintu. Sa kung saan ito galing, at kung sino ang gumagawa ng misteryosong tunog ay walang makapagsasabi. Basta ang alam lamang ng lahat ng naninirahan sa isla, ito ang hudyat na magtatapos na ang araw; na maghihiwalay na ito sa dilim. Ito rin ang hudyat na kailangan nang magsiuwian ng lahat.  Mahirap kasing gabihin sa daan lalo pa't pinagbawalan na ng datu noon pa man ang kahit anumang  pagsisiga ng gaya ng mga winalis na mga dahon mula sa mga puno lalung-lalo na ang pagsisindi ng mga tuyong dahon ng niyog bilang ilaw sa dilim dahil maaaring mauwi na naman ito sa hindi mapigilang sunog. Gawa sa nipa at iilang kahoy kasi ang lahat ng kabahayan sa Isla Gintu. Sa kaunting dampi lamang ng anumang masisindihang tuyong dahon ay natitiyak ang kapahamakan ng sunog sa mga tabi-tabing kabahayan. Kaya bawal ang lahat ng uri ng pagsisiga. Kinakailangan lamang na umuwi ang lahat ng maaga bago pa man dumilim. Kung kaya sa oras na marinig ng buong isla ang tunog, mapapansing nagsisitakbuhan na ang lahat pauwi sa kani-kanilang pamamahay. Nagsisimula na ring isara ang mga bintana ng bawat kabahayan. At pagkatapos ay sinisigurado nila na nakauwi na ang lahat pagsapit ng dilim.

Sa pagtigil ng tunog ng kampana, tatahimik na ang buong isla. Ang iba'y taimtim na mag-oorasyon para sa iba't iba nilang anito upang ipanalangin ang susunod na paglabas ng araw. Ang iba nama'y mananahimik na lamang sa pagsasalo ng kanilang hapunan sa dilim at pagkatapos ay matutulog na kaagad. Ganito ang pamumuhay sa Isla Gintu.

Saan nga ba talaga nanggagaling ang misteryosong tunog ng kampana tuwing maghihiwalay ang araw at gabi? Kahit ang pinakamatanda na taga-isla ay walang maisagot dito. Basta ang sabi lamang niya, ganito na talaga ang nangyayari. Pagsapit ng paglubog ng araw ay tutunog lagi ito na maririnig ng buong isla.

Marami na rin ang nagtangka na tukuyin ang kinaroroonan ng kampana o 'di kaya kung makikinig ka sa mga nagdedebateng naggagaling-galingan sa isla ay sinasabing dapat tawagin itong misteryosong tunog lamang. Wala pa naman kasing nakakita rito. Malay raw nila baka hindi naman ito kampana. Baka raw mga malalakas na pangil ng dragon ito na naghahanda sa kanyang paglipad o di kaya'y maligno na naghahanap ng birheng mapapangasawa.

Mga ilang tao na rin ang nagtangka na hanapin ang tunog subalit nauuwi lamang sa wala dahil sa bilis na paghihiwalay ng araw sa dilim. Bawal naman kasi na magsindi ng tuyong dahon ng niyog o anumang klaseng pagsisiga. Bukod sa parusa ng datu, baka magalit din ang mga anito ang sabi naman ng matatanda.

Isang araw, isang grupo ng mga nagdedebate ay nagmungkahi sa datu na payagan sila na tukuyin ang kinaroroonan ng misteryosong tunog. Sana raw ay payagan sila na magsindi ng tuyong dahon ng niyog papunta sa kinaroroonan nito. Kailangan daw nila malaman kung ano at saan nanggagaling ang tunog upang matapos na ang lahat ng mga haka-haka at walang katapusang pagtatalo.

Sa una ay hindi pumayag ang datu. Pero dahil sa nakakarinding mga pagtatalo ng mga nagdedebate sa harap ng kanyang bahay araw araw at ilang napapabalitang mga bulong ng pagpayag ng kanilang mga anito sa kanyang punong babaylan ay napilitan din siya. At para mapabilis ang lahat, pinagpasyahan niya na gawin itong isang paligsahan. Kung sinuman ang makakapagbigay ng linaw sa misteryosong tunog ay bibigyan niya ng isang ektaryang lupang pansaka. Subalit kailangan daw ang matinding pag-iingat sa pagsisindi ng tuyong dahon ng lahat ng mga kalahok.  Kailangan malayo sila sa mga kabahayan. Sumang-ayon naman ang lahat.

Dumating ang araw ng patimpalak. Halos lahat ay nagpalista; bata man o matanda. Ala-singko pa lamang ng gabi ay nagkumpulan na sila sa nakatalagang espasyo malayo sa mga kabahayan. Ang mga tuyong dahon ng niyog ay nakahanda na ring sindihan. Lahat sila'y nag-aabang sa misteryosong tunog.

Sumapit ang paglubog ng araw. Nagkatipun-tipon ang lahat. Naghihintay sa misteryosong tunog. Pagkaraan ng ilang saglit ay tumunog na ang sinasabing kampana. Isang malaking tunog ang dumagundong sa buong isla. Papikit na nakinig ang lahat ng kalahok. Kailangan nilang malaman kung saan ito galing. Nagsimulang magsindi ng sulo na gawa sa tuyong dahon ng niyog ang lahat ng kalahok at mabilis na nagsitakbuhan papunta sa kakahuyan. Hinabol nila ang tunog kung saan ito nanggagaling. Tumakbo sila nang tumakbo at napagtanto nilang lahat na nanggagaling ito sa kaloob-looban ng kagubatan. Subalit maikli lang talaga ang tunog. Hindi pa sila nakakapasok sa kakahuyan ay tumigil na ito. Kung kaya't wala rin silang natagpuan. Ang iba'y nagsipag-uwian na lamang. Lumalalim na kasi ang gabi.
Anila'y ang kagubatan ay lubhang mapanganib sa dilim. May kapre, diwata at kung anuanong engkanto ang nananahan doon. Kung kaya, ang ilang kalahok ay tinandaan na lamang ang huling puwesto nila sa may bukana ng kagubatan. Babalik raw sila roon kinabukasan para sa kasunod na tunog. Ang iba naman ay matapang na namalagi sa loob ng kagubatan gamit ang dala nilang tolda. Doon na sila magpapalipas ng gabi. Natitiyak nila na ang pagsubaybay sa tunog ng ilang gabi ay malalaman din nila ang misteryo.

Sumapit muli ang paghihiwalay ng araw ay gabi, nakinig na naman ang ibang natirang kalahok. Nakiramdam silang muli habang nakahanda na ang lahat ng kanilang mga gamit at pagkain sa susunod pa na mga gabi ng pasubaybay.

Dumagundong muli sa buong isla. Hindi na nagpatumpik-tumpik ang mga kalahok kundi sundan ito. At tama nga sila. Ang tunog ay papasok sa kagubatan. At gaya ng dati, dahil sa ikli ng tunog napatigil muli ang lahat. Marahil sa puso pa ng kagubatan malalaman ang kinaroroonan ng tunog. Nagsiuwian na ang ilan sa takot na baka nga maligno ang gumagawa ng tunog. Mga mangilan ngilan na lamang ang nanatiling matatag. Nagtayo na lamang sila muli ng tolda at buong tapang na sinabi sa sarili na kakayanin nila ito. Kakayanin nila na manatili at maglakbay muli sa susunod na paghihiwalay ng araw at gabi.

Mga ilang araw at gabi na rin ang nagdaan. Paunti na ng paunti ang mga naghahanap sa tunog hanggang sa mabawasan nang mabawasan ito mula sampu hanggang lima, lima hanggang tatlo, tatlo hanggang dalawa, hanggang sa iisa na lamang ang natira. Siya si Dagohoy. Isang binatang anak ni ka-Temyong. Payat ang kanyang pangangatawan subalit kakikitaan ng katatagan baon baon ang pangako sa ama na siya'y magbabalik para sa kasagutan. Sa katunayan, matagal nang pinapangako ng datu na ibigay sa kanila ang kanilang lupaing pataniman. Subalit hindi ito maibigay sa kadahilanang wala na sa kanila ang karapatan sa mga ito. Mga ilang buwan ang nakakaraan ay isang galyon lulan ng mga mestizo ang dumaong sa kanilang lugar dala dala ang isang batang rebulto. Sinasabing ito ang tunay na nagmamay-ari sa lahat ng lupain na agad namang pinaniwalaan ng datu lalo na ng mga taga-kapatagan. Minsan nang sila'y napadalaw sa kanilang datu ay nakakagilalas ang sinasabi niyang kalakasan sa kanyang pagtanggap sa batang rebulto. Siya raw ang panginoon ng lahat ng panginoon na mas malakas pa sa kanilang de-kahoy na mga anito na pinatapon na niya sa labas. Ang batang rebulto raw ang tunay na may karapatan sa lahat ng lupain maging sa kanilang mga buhay. Kung kaya kailangan raw nila magbayad ng buwis. Simula noon ay hindi na sila kaagad nakakagamit ng kanilang pansakang lupain. Kailangan raw muna ng paalam sa batang rebulto kapalit ng iilang pilak na katumbas ng iilang sako ng mga pinaghirapan nilang pananim. Hanggang sa ipakilala sa kanila ang salapi na gawa sa iilang piniping pilak at tanso na siyang kinakailangan upang ibayad sa tinatawag na renta. Dito nagsimula ang kanilang kalbaryo sa pagbabayad dito lalo pa't minsan ay hindi man lamang umuulan. Kaya sa gabing nagpatawag ang datu nila ng patimpalak kung saan mamimigay ng lupang pansaka ay hindi na nagpatumpik tumpik pa si Dagohoy. Ito na ang pagkakataon niya para makapagsaka na walang anumang binabayarang renta.

Sa gabing yaon, sumapit muli ang paglubog ng araw. At gaya ng inaasahan, tumunog muli ang misteryosong tunog ng kampana. Nagpakiramdam si Dagohoy. Tumakbo siya sa bawat puno na parang may hinahabol. Kailangan niyang magmadali dahil alam niyang napakaikli lamang ang tunog. Sa kanyang pagtakbo hindi na siya nag-aksaya ng oras at nagpatuloy sa paghahanap. Hinabol niya ang tunog hanggang sa makarating siya sa isang ilog. Tumigil muli ang tunog. At sa isip niya, isang panibagong gabi na naman ang naghihintay upang mahanap niya ito. Subalit habang siya'y nag-iisip sa tabi ng batis, may nakita siyang isang napakagandang dilag na naliligo roon. Laking gulat niya sapagkat hindi niya malaman kung papaano mabubuhay ang isang dilag sa loob looban ng kagubatan. Dali-dali niyang nilapitan ang dilag. Pulang pula ang kanyang mga labi at pisngi at bakas na bakas ang kagandahan nitong ngayon lamang nasilayan ng binata. Kinausap niya ito at nalamang siya si Prinsesa Susdek na anak ni Datu Karigtan ang may sakop sa kabilang banda ng buong isla. Hindi makapaniwala ang binata na may kaharian pa bukod sa kanila.

Dinala ng magandang dilag si Dagohoy sa kanilang kaharian at pinakilala sa datu. Kapansin-pansin ang karangyaan ng lugar pati na rin ang malayang paggamit  nila ng apoy sa buong kinasasakupan bilang sulo. Hindi ito pinagbabawal sa kanila.

"Ano ang iyong pakay at napadaan ka sa aking kaharian binata?" ang agad na tanong ng datu sa kanya nang magkaharap sila.

"Isa akong manlalakbay sa kabilang parte ng isla kamahalan sa ilalim ng pamumuno ni Datu Umayaw. Hinahanap ko ang kasagutan sa misteryo ng mahiwagang tunog. Isang gantimpala ang nakaabang sa akin sa kasagutan ng misteryo."

Napatawa ng malakas ang datu. Nakisabay na rin ang karamihan. Napangiti naman si Prinsesa Susdek. Napangiti rin si Dagohoy sa kanya. Pinatahimik ng datu ang tawanan ng lahat at nagsalitang muli.

"Dalhin mo ako sa iyong kaharian."

"Bakit mahal na datu? Alam niyo ang kasagutan?"

"Ako ang magsasabi sa iyong datu."

"Subalit, papaano sa akin ibibigay ang gantimpala kung kayo ang magsasabi?."

"Ibibigay ko sayo ang lahat ng iyong kahilingan na higit pa sa iyong hinahangad. Mamili ka, babae, lupa, kahit ano na nandito ay maaari mong angkinin."

Napangiti si Dagohoy at itinuro niya ang daan papunta sa Isla Gintu. Palubog na ang araw nang sila'y dumating. Subalit hindi kasiyasiya ang pagsigaw ni Datu Karigtan sa kanya upang ilabas ang kanyang kinikilalang datu. Nagulat si Dagohoy at tumakbo na lamang papunta sa kanilang pinuno. Hindi na niya pinansin ang mga nagsisilabasan na mga mandirigma ng dalawang kampo. Mabilis namang nagkaharapan ang dalawang pinuno.

"Batid ko ang sagot sa mahiwagang tunog Datu Umayaw." ang sabi ni Datu Karigtan.

"Ano ang kasagutan?"

Tuluyan nang lumubog ang araw kasabay ng pagdagundong ang misteryosong tunog sa isla.

"Ang kasagutan ay may kaukulang halaga Datu Umayaw."

"Ibibigay ko ang isang ektarya kong lupain sa iyong kasagutan Datu Karigtan."

Napatawa ng malakas si Datu Karigtan.

"Hindi ako nag-aasam ng papatakpatak lamang na kayamanan."

"Kung gayon, ano ang iyong nais?"

"Nais kong mapasailalim ka sa aking kapangyarihan bilang iyong Rajah."

"Para na ring ibinibigay ko ang lahat lahat sa isang kasagutang wala namang halaga sa aming pamumuhay. Maaari na kayong umalis."

Sa pagtigil ng misteryosong tunog nagsindihan ng sulo ang mga mandirigma ni Datu Karigtan. Agad na sumenyas si Datu Umayaw at nilabas nila ang kanilang mga sanduko. Nagsimula ang labanan na siyang kinasawi ng karamihan. Nangagsunog ang lahat ng mga kabahayan. Ang mga kababaihan ay nagtangisan. Sa kahulihulihan ay nagapi si Datu Umayaw. Binihag ng mga mandirigma ni Datu Karigtan ang lahat ng mga nakaligtas, bata man o matanda. Pwede raw kasi itong ibenta sa mga dayuhan bilang mga alipin. Subalit hindi nila binihag si Dagohoy na lubhang balisa sa lahat ng naganap. Pati ang kanyang amang si ka-Temyong ay nasawi sa labanan. Wala siyang nagawa kundi umiyak.

Pagdating nila sa kaharian ni Datu Karigtan, hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin. Kinasusuklaman na kasi siya ng kanyang mga kababayan na bihag. Balisang balisa siya hanggang sa mapansin siya ng Datu.

"Tama na ang hinagpis bata. Dahil sa iyo ay mas napalago ang aking kinasasakupan. Dahil diyan, gaya ng aking ipinangako, maari mong hilingin ang kahit ano sa aking kaharian. Babae? Kayamanan? Lupain?"

"Mahal na datu. Batid mo ba talaga ang sagot sa misteryosong tunog?"

Napatawa ng malakas ang datu. Ang ilan ay nakisabay rin.

"Ang totoo'y hindi ko alam."

Biglang namuo ang galit ni Dagohoy. Niloko lamang pala silang lahat nito. Subalit pinigilan na lamang niya ang kanyang sarili at nag-isip kung ano ang kanyang gagawin.

"Bata ano ba ang iyong kahilingan?"

"Mahal na datu, ibibigay mo ba ang kahit ano kong kahilingan?"

"Oo bata."

"Nais kong hingin ang kamay ng iyong anak. Si Prinsesa Susdek."

Nagulat ang datu. Subalit dahil sa kanyang pangako at gusto naman ng kanyang anak ang binata ay pumayag na rin ito. Pagkaraan ng ilang araw, ginanap ang pag-iisang dibdib ng dalawa sa kapangyarihan ng kanilang punong babaylan.

Isang madilim na gabi, sa hindi inaasahang pangyayari biglang nagkasunog sa kanilang isla. Marami ang nasawi sa trahedya kasama si Datu Karigtan. Ito rin ay kinasawi ni Prinsesa Susdek. Lubhang nalungkot si Dagohoy. Sa pagbabangon muli  ng kaharian ay tinagurian nang datu si Dagohoy subalit hindi siya naging masaya. Lubos siyang nagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang kabiyak. Halos araw araw ay umaalay siya sa kanilang mga anito upang ibalik ang buhay ng kanyang pinakamamahal. Hanggang isang araw, nagpakita sa kanyang panaginip si Osana, ang anito ng dagat.

"Dagohoy aking butihing anak. Ano ba ang gusto mo mangyari? , ang sagot ni Osana sa hindi mabilang na pagtawag nito sa kanya.

"Parang awa mo na mahal na Osana. Gagawin ko ang lahat para bumalik ang buhay ng aking kabiyak. Ako ngayo'y nag-iisa! Hindi ko alam kung paano ako mabubuhay na wala siya!"

"Aking anak, ang buhay niya ay nakatalaga nang matapos sa tagpong ito kung kaya't hindi na maaari pa na ibalik ko pa sa iyo ang kanyang nasirang katawan."

"Gagawin ko ang lahat. Lahat lahat kahit mahagkan ko lamang siya. !"

"Batid ko ang iyong daing kung kaya't pagbibigyan ko ang iyong hiling subalit kailangan mo itong paghirapan. Matutupad lamang ang iyong kahilingan kung masasabi mo kung ano ang misteryo ng tunog bukas sa pangalawang pagsapit ng takip-silim."


Nawala na si Osana. Sa tirik na tirik na araw nagising si Dagohoy. Hindi niya alam ang susunod na gagawin.  Sumapit ang paglubog ng araw. Inabangan ni Dagohoy ang tunog at inatasan ang buo niyang hukbo na abangan ang misteryosong tunog. Gaya ng dati, dumagundong ang buong isla. Mabilis na nagsitakbuhan ang buong hukbo ni Dagohoy hanggang sa tumigil ito. Iniulat nila na sa loob ng kagubatan ang tunog.

Nagpalakad lakad si Dagohoy ng gabing yaon at nag-isip. Papasok siya sa gubat. Alam na niya kung saan siya dapat maghahanap. Kinabukasan bago pa man lumubog ang araw ay palihim siyang umalis sa kanyang bahay hanggang sa marating niya ang batis sa loob ng kagubatan. Ito ang lugar kung saan niya nasilayan ang kanyang kabiyak; ang lugar kung saan  niya malapitang narinig ang misteryosong tunog. Sa kanyang paglapit sa batis, nakita niya ang kagandahan ng lugar. Punong puno ito ng makukulay na mga bulaklak. Sa paligid ng batis ay may mga water lily na masugid na iniiwasan ng mga nagsisipaglanguyan na mga gansa. Nakinig si Dagohoy dahil baka sa ilalim ng sapa naroon ang mahiwagang tunog. Subalit wala siyang anumang narinig. Naglakad pa siya nang naglakad. Napapansin niya malapit na lumubog ang araw. Hanggang naisipan niya na umakyat sa pinakamataas na bukid. Mabilis niya itong inakyat hanggang marating niya ang pinakatuktok; isang bangin ito na maituturing kung saan pahalikhalik ang tubig dagat sa ilalim. Tanaw niya mula dito ang kabuuang isla. Subalit wala siyang naririnig pang tunog. Hanggang sa lumuhod na lamang siya at dumapa sa langit.

"Patawarin mo na ako Osana! Oo ako ang may pakana ng sunog. Ginawa ko lamang yaon sa aking paghihiganti sa datu. Masyado ko ring inasam ang kapangyarihan subalit hindi ako naging masaya!"

Palapit  na ang paglubog ng araw kasabay ng malalakas na hampas ng alon sa ilalim ng bangin. At nang ang araw ay palapit na sa kanluran ay may nagsalita mula sa kalangitan.

"Dagohoy, ako ay natutuwa sa iyong pagsisisi. Talagang ang kasakiman ay walang maididulot na mabuti."

"Patawarin mo ako Osana. Ngayon ba ay maari ko nang masilayan ang aking kabiyak?"

"Kung gayon ano ang kasagutan?"

"Hindi ko alam mahal na Osana. Pero palagay ko yaon ay nanggagaling sa dulo ng karagatang ito.”

"Ipagpaumanhin mo Dagohoy, hindi ko na maibibigay sa’yo ang iyong ninanais."

Unti-unti nang lumayo si Osana sa karagatan kahit dinig na dinig niya ang patuloy na panaghoy ni Dagohoy na matugunan ang kanyang kahilingan kasabay ng parang natutunaw na araw na palapit na sa paghalik sa dagat.

"Mahal na Osana! Pakisabi sa kanya na lubos akong nagsisisi. Mahal na mahal ko siya. Handa kong ibuwis ang buhay ko para sa kanya!"

Sa pagkawala ni Osana sa dulo ng dagat, isang tanawin ang tumambad sa harap ni Dagohoy. Tumingkad ang kulay ng langit sa tanawing kahawig ng hinagpis ng isang babaeng nasaktan; isang babaeng naulila ng ama at kabiyak. Subalit kahit ano pa mang hinagpis ito, napakaganda pa rin ng tanawin na sadyang napansin ni Dagohoy. Umaninag sa bandang ibaba ng karagatan ang mapupulang kutis ng kanyang kabiyak.

"Oh aking prinsesa! Napakasaya ko at muli kitang nasilayan! Patawarin mo ako sa lahat ng aking ginawa. Ako ay lubos na nagsisisi mahal ko! Patawarin mo ako!"

Ang sampal ng dagat ay walang pahingang humahampas hampas sa banging kinatatayuan ni Dagohoy na parang nag-aamok; nagtatawag ng galit; ng kakaibang sumpong sa kanyang malakas na hampas. Pagkatapos ng pinakamataas nitong hampas, umawat ang langit. Unti unting humina ang mga hampas ng alon; pahina ng pahina hanggang sa mapapansing umaatras na ang mga agos ng paunti unti; na parang naghihilum na mga sugat. Sa isang iglap tumahan ang dagat kasabay ng pagpula ng kalangitan. Sumabay rin sa pulang kulay ang tubig hanggang sa magsimula na namang marinig ang misteryosong tunog. Naririnig ito ni Dagohoy habang napapansin niyang pinapalutang siya ng hangin habang nakapatong sa mga malalaking nota gawa ng misteryosong tunog. Para siyang hinahatid sa dulo ng karagatan papunta sa kanyang minamahal na naghihintay sa kanya. Sa kanyang paglapit sa pinakapulang parte ng langit, sa dulo ng natatanaw na karagatan, nakita niya si Prinsesa Susdek sa pinakapula nitong kutis. Lumapit siya. Nagkayakapan sila. Isang natatanging pagtatagpo ng langit at karagatan kung saan naging pinakapula ang langit. Pinakapula sa lahat ng pinakapula;  ang kanilang pag-iibigan. Hanggang pagsapit ng ilang sandali, nagsimula nang dumilim. Tumigil na rin ang tunog.

Sa 'di kalayuan, pinababa na ng prayle ang sakristan sa tore ng malaking batingaw ng Katedral ng Maynila. Magsisimula na kasi ang pagdarasal ng Angelus na marahil ay maririnig din sa ilalim ng isang mabatong bangin kung saan nakaratay ang wala nang buhay na si Dagohoy na kahit parang pinipiga ng paunti-unti ng dagat ang kanyang duguang katawan, bakas pa rin sa kanyang mukha ang wagas at walang kaparis na  kasiyahan.#

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating