Sunday, December 02, 2012

UMUULAN NA NAMAN SA DAIGDIG MO



umuulan na naman sa daigdig mo
at sa muli ang dilim at kalungkutan ay sisiksik sa sanlibutan
kung saan magsasamang maglalamay ang lahat ng mga pusong sawi,
sawing di mawawala ang alaala ng isa't isa
tulad ng pagpupuyat sa anumang lamay ng totoong bangkay
babantayan ko pa ba ang mga bangkay ng mga pusong sawi
kung sa piling ko'y naglaho nang kay' dali
ang init sa dating nagmamahalan nating mga puso
kung parang abo na sa hangin silang pumalaot
at sasabog para lamang umasa na mapulot pa ng sinumang namamalangkaya
ang dugso ng malalaking alon na siyang hadlang ng karigtang angkin
na katumbas ng sanlibong pating nag-aagawan di mapakali

pero sa huli pagkatapos ng lamay ay may libing
dito ako umaasang ibabaon sa kaibuturan ng paghihinagpis
ang mga pasakit ito ay parang sa mga sandaling 
nagsisimula nang tumila ang ulan upang ako nama'y muling mapangiti
sa sinag ng araw na siyang papawi sa naglalalim kong dibdib.

- Isang Rengga na likha nina Martin Anthony Rios at Christian Tordecillas

Bi Thumb rating