Thursday, November 29, 2012

Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang



ISANG ARAW NANG MAPADPAD AKO SA KAGUBATAN 
(Isang rebyu ng Dulang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang by Rody Vera, halaw sa The Magic Circle ni Gilda Cordero Fernando)



At totoo na nga talaga na napakabilis pa sa takbo ng kabayo ang deforestation sa mundo.  Sa Pilipinas pa lang, ang porsyento nito ay umaabot sa 203,905 ektarya bawat taon habang ang porsyento ng reforestation ay 9,398 ektarya lamang. Ibig sabihin, sa bawat isang punong tinatanim, 21 aypinuputol. (Halaw sa Manila Bulletin Online; 29 May 2006). Ang mga datus ay patuloy pang magsasalita na ito ay nag-uugat sa patuloy na paglago ng mga pangangailangan ngtao para mabuhay. Wala pa dito ang kanya kanyang depinisyon ng salitang pag-unlad. Ito ay kung may kakayahan sila talagang makapagsalita.

At ngayon, nakakagalak ako na mapagtanto na nabigyang ng boses ang mga punong nabanggit ng pinakabagong dulang napanood ko sa Wilfrido Ma. GuerreroTheater UP Diliman ng UP Playwrights’ Theater : Umaaraw, Umuulan, Kinakasal ang Tikbalang. Napagtanto ko na ito na pala ay ang kanilang pangalawang taon ng pagtatanghal sa naturan. Nakakakiliti man din ang titulo dahil halaw sa isang kasabihan, naisip ko rin na marahil puros ito kakatawanan lamang. At para mawaglit sa isip ko na itong dula ay ganun nga, bumasa ako ng ilan sa mga nakikita ko sa mga pahayagan. Pagkabasa ko pa lang ng ‘kalikasan’, nasa dulo agad ng isip ko ang kalinawan na ito ay isa na namang dula na may kinalaman sa pangangalaga rito.

Ang dula ay tumatalakay sa isang hindi na bagong paksa.

“Sige Oo! Iligtas ang kalikasan; Magtanim tayo ng puno; Huwag natin kalbuhin ang kagubatan; at iba pa na tinanggap ko na rin. Baka naman may ibang twist or rekado ang dula na kakaiba. Kaya pinanood ko na rin siya.

ANG KWENTO
Sa tipikal na anyo ng lipunan na alam ko na, mabilis kong nasagap ang katotohanan na mayroon talagang lebel ng tao sa mundo. Siyempre dalawa lang yan: Ang mayayaman at mahihirap. Gaya ng ibang mga kwento, mas lumalabas palagiang simpatya ng lahat sa mahihirap na kalimitan ay ang mga yaong inaapi atnakakaawa. Ang mga mayayaman naman ang mga nang-aapi – ang mga masasama. Kaya dahil doon, madali kong natutunan ang kabuhayan ng mag-inang si Aling Barang (isang labandera) at Jepoy (anak ng labandera) kasama ang galising aso na si Galis. Nakakapagtaka rin ang kawalan ng “father figure” sa dula kung saan inasahan ko na maaring maungkat rin yaon sa mga susunod na mangyayari.

Malusog na nalahad ng dula ang kuwento ng mag-ina sa paraan na nakakaaliw. Masasabi kong sugal ang eksahirasyon sa isang komedya pero nabato naman ito ng maayos ng dula. Kontemporaryo ang mga hirit ng mga bida na kalimitang halaw sa mga kasalukuyang “Pick up lines” na kumakalat sa internet. Narinig ko na rin ang iba pero nakakabaliw talaga kapag nakikita mo na siya na sinasabi ng karakter. Ang “slow motion” at “echo” na paraan ay nakakamangha rin upang ako ay mapangiti sa mga “comical moves” dahil… sige na nga parang bumabalik ako sa pagkabata. Isipin mo na lang kung ang nanay mo ay mukhang aswang at ang tatay mo (na nawawala) ay mukang kapre. Siguro matatawa ka na rin makita ang isang mukang aswang na naglalaba, at ang kanyang anak na mukang apa raw ng ice cream (sa ibang show naman ay mukang pala raw) na hindi ko naman masasabing totoo dahil okay naman ang itsura ng mga gumanap na Jepoy. Maganda ang pagkakagawa ng konteksto ng mga mangungutyang mga kapitbahay pero di ba sa gubat sila nakatira? O talagang sinasadya ng mga kapitbahay na pumasok sa may gubat para kutyain ang mag-ina? Pero nakakaaliw ang tatlong mangungutyang yun dahil ang mga mukha nila ay inilapat sa tiyan ng mga gumanap. Mapapatitig ka na rin sa pusod nila dahil parang mga bunging ipin nila yaon. Basta nakakatawa. Iisipin ko na lang na, kung si Aling Barang ay mukhang aswang, edi sila naman ay mga mukhang tiyan! Haha! Sa kabilang banda, hindi ko pa nasasabi ang kakaibang tao na nasa loob ng isang kasuotan na pang-aso bilang Galis. Isipin mo na lang may tao palang kayang umarte na aso. Isa itong dahilan kung bakit sadyang nakakaaliw ang Umaaraw.

Mahusay ang pagkakatali ng kwento mula sa kabuhayan nila ng paglalaba sa isang mayamang mapang-aping donya hanggang sa mapadpad si Jepoy at si Galis sa lugar ng mga engkanto. Hindi ko lang mawari ang kahulugan ng “pagkonsentrar” at kung ano ang kaibahan nito sa panaginip. Pero noong sinampal siya ng duwendeng si Aling Paquita nalaman ko na marahil totoo nga ito na nangyayari. Nasa loob na nga siya ng kakaibang mundo.

Napatigil ako saglit at inisip na parang may alam ako na kuwento na hawig dito –  ang Alice in Wonderland. Si Jepoya y parang si Alice na humabol sa isang aso sa halip na isang kuneho. Oo lumusot siya sa napakarami ring mga butas at nakisalamuha sa maraming mga kung sinusinong kakaibang nilalang lalo na noong makita ko si Donya Geronima nakapattern ng karakter sa Alice in Wonderland na Red Queen. Yun nga lang mabait dito si Donya Geronima. Parang nirerebyu ko ang “fairytale”na yaon sa dula habang nanonood. Ang kakaiba lamang ay inayon ito sa mga nababasa/nakukuwento na mga lamang lupa at ang konsepto na kabaligtaran sila sa mundo ng mga engkanto.

Gaya ng aking inaasahan, kokonsiyensiyahin ako ng dula upang pangalagaanang kalikasan. Hindi ko na ito nilunok kasi marami na akong nabasa tungkol dito.Pero masakit din pala na mapagsabihan lalo na kung isa itong kapre.

Marahil, napakahaba masyado ng sinasabi ng kapre sa kanyang monolog. Medyo napahikab rin ako ng kaunti at kinakailangan kong maghintay ng kahit anong mangyayari sa entablado. Pero, wala akong napansing kakaiba. Ang lahat ay nakapwesto lang at naghihintay. Medyo nawala ang sigla ko sa eksenang 'yun.

Pero napatusok sa puso ko ang paghahanap ni Jepoy sa kanyang ama at kung paano niya ipinapaalam sa kapre na kung makita niya ito sa kabilang buhay ay bigyan niya ito ng yakap sa kanya. Napaiyak ako doon. Naalaala ko kasi ang tatay ko. Namiss ko siya bigla. Mahal na mahal ko kasi yun. L

Nalungkot ako ng sobra dahil hindi niya nakita ang tatay niya. Pero kakaiba rin ang kabilisan ng pagbabago ng misyon ni Jepoy na iligtas ang kalikasan versus sa paghahanap niya sa tatay niya. Naniwala na ba agad siya na patay na ang tatay niya?

Ang confetti na nagsilbing ulan sa bandang huli ay maganda. Nanindig balahibo ko at naramdaman ang lahat ng mga nangyari. Parang flashback…Pinakinggan ko ito sa youtube at damang dama ko ang lahat ng mga salita doon. Akmang akma na maalaala mo ang lahat ng mga eksena: malungkot man o masaya. Pero gusto ko rin na idagdag sa kanta ang tungkol sa nawawala niyang ama.

Ang wakas ay naiiwang nakahanger at hindi namin alam kung ano. Siguro hindi rin namin alam kung tapos na dahil wala namang sinasabing konklusyon. Naisip ko na lang na kami ang sinasabi ni Jepoy na tutulong sa kanya. Pero paano? ‘Yan ang hindi ko alam. Aalamin ko pa. Siguro naman may mga simpleng paraan para mapangalagaan ang kalikasan. Hindi ko na eelaborate. I-search mo lang sa internet. Bibigyan ka noon ng sagot. Ang problema lang ay kung gagawin mo siya o sapat na sayo ang FYI mentality.

ANG MGA TAUHAN

Apat na beses ko na pinanood ang dula at laking pasasalamat ko dahil nasaksihan ko ang ilan sa mga maituturing kong magagaling na nagsipagganap sa kanilang karakter. Para maging maayos ang lebel ng aking pagbibigay ng komento, hayaan niyo akong bigyan sila ng puntos: 10 ang pinakamataas at 1 angpinakamababa.

GALIS
Opaline Santos = 10
Kakaiba ang pagpapakita niya ng pagiging aso. Sa tayo at galaw pa lang niya batid na batid ko na talaga na “ASO KA” “ASO SIYA” “HINDI SIYA TAO”. Perpekto ang pagwagayway niya ng kanyang pwet bilang buntot at pag-ugoy ng kanyang ulo na parang isang turuang bantay. Isa lang ang totoo: hindi ko kayang gayahin ang kanyang boses na aso. Kung mapanood mo try, subukan niyo. Mahirap talaga.

Ji-ann Lachica = 8
Masasabi kong isa siyang napakasweet na aso bilang Galis. Kung sa tao ay sweet 16 siya. Siguro dahil sa mahaba niyang eye lashes o sa boses na rin. Ang kahol naman niya ay wala namang problema pero hindi ko masasabing natural ang pakiramdam. Parang may hinahanap ako na klase ng kahol na mahina na parang nanggagaling sa loob ng lalamunan na hindi ko narinig sa kanya. Magaling ang pagsasayaw ni Ji-ann lalo na ang eksena ng pagsasayaw niya habang natutulog ang mag-ina. 

JEPOY
FITZ BITANA = 10
Naniniwala ako na hindi na kailangang i-arte pa ang pagpapatawa. At kay Fitz nagampanan niya ito ng buong husay. Mula sa pagmaniobra niya sa puppet sa simula ng dula naramdaman ko kaagad na siya si Jepoy, ang batang makulit… ay hindi… ubod ng kulit. Nakakakiliti pa lalo kung makita mo siyang takot na takot sa nanay niya. At sinasabi ko na bihira ka lang makakita ng nakakatawang tao kung matakot. Isa sa mga alam ko ay ang gumanap na Ronald Weasley sa HarryPotter.

STEPHEN VINAS = 3.5
Iba kung alam mo lamang ang mga linya pero kung bitawan mo na ito dapat lumabas na natural at didiretso sa bewang ng mga manonood para kilitiin kami. Pero hindi siya naging successful bagkus naging isang parang ordinaryong linya lang ito na binabasa bilang konteksto na kailangan niyang sabihin. Lubhang napapalakas rin ang kanyang boses na may halong enerhiya na mataas nga pero parang pilit na pinapalakas. Ang emosyon rin niya ay mataas ang lebel pero hindi niya nabigyan ng hilot. Siguro mas mainam na inarte niya ang Jepoy bilang taas at pababa na slope. Sa kabuuan, hindi ko naramdaman ang Jepoy sa kanya.

ALING BARANG
Lucky de Mesa-Olie = 8
Naaalaala ko si Pokwang noong nagsisimula pa lang siya sa kanya. Medyo hilaw pa ang pagpapatawa pero nadadaan naman sa boses niya. Nasa mata naman niya ang pagiging Barang pero parang may kulang sa kanyang pangingiliti.

Ang nagustuhan ko ay ang pagiging natural ng kanyang pagiging nanay. Hindi OA. Just a plain nanay sa mga mata pa lang niya. Swabe ang pagbibitaw niya ng mga linya na mararamdaman ko na oo mabunganga siya at pinapagalitan ang anak pero mahal na mahal niya ito.


Skyzx Labastilla = 7
Epektibo ang kanyang pagbibitaw ng mga linya sa pagpapatawa pero parang nasobrahan ang pag-absorb ko ng enerhiya galing sa kanya bilang nanay ni Jepoy. Laging nanlalaki ang mga mata niya na parang hindi na nagpapahinga. Parang Aling Barang "In Extreme" ang kanyang feel na siyang hindi ko maintindihan kung bakit. Siguro nasa utak ko lang na basta nanay, dapat nasa 'mild' na reaksyon lang. O kung magagalit man, pagtaas ng 'slope' ng pagkagalit eh bababa rin kaagad agad dahil nga mahal niya ang anak niya. 

PACQUITA
Karenina Haniel = 10
Sa una, inaamin ko. Akala ko, talagang unano siya! Ginulat niya ako na nakakatayo pala siya! Oo madali lang lumuhod, pero kung aarte ka na nakaluhod at gumalaw na parang unano, naku ibang usapan na ‘yun. Kagaling! Sa bawat lakad niya naroon ang enerhiya at galaw ng isang unano. Wala pa dito ang nakakabaliw niyang tawa na pinipilit kong gayahin nang gayahin pero hindi ko talaga kaya. Sobrang nakakaaliw siya!

DONYA GERONIMA
Jef-Henson Dee = 5
Parang hirap siya. Naawa ako sa kanya kasi parang hindi niya gusto ang damit na pinasuot sa kanya. Sa mata niya ang parang binully ng kaeskwela.Siguro di siya komportable kaya medyo matamlay na donya ang nakita ko sa kanya. Sinalba lang siya ng kagandahan ng desenyo ng damit niya. Hindi ako natawa sa kanyang mga adlib. Kung katawa tawa man, mapapangiti lang ako.

Jules dela Paz = 10
Donyang donya ang kanyang mga lakad. Matindi rin ang kapangyarihan na nakikita ko sa kanya na dapat lang dahil siya ang reyna ng engkanto. Para siyang grand winner sa isang gay beauty contest. Ang galing ng boses niya at nakakatawa kong bababaan niya ito. Ang mga hirit niya ay effortless! Ikaw na!



DESENYO NG ENTABLADO
Dahil sa ito ay dulang pambata, bukod sa paksang pangkalikasan inasahan ko rin na ang mga makukulay na mga damit at set ng entablado. At hindi nga sila nabigo na mabusog ang aming mga mata sa kakaibang set.

Metikuloso ang detalyado na napapalibutan ang entablado ng mga rattan na korteng mga ulap at nababalutan ng puting sinamay. Isang puntos sa pagpipili ng midyum na may pintok ng mga gawang kamay ng mga Pilipino. Hindi ko mawari kung gaano nila katagal ito ginawa dahil nakakamangha talaga ang kabuuang saya lalo na kung mapatungan ang mga sinamay ng ilaw na makakapaniwala sa isipan ng manonood na ito ay parte ng mundo ni Jepoy sa labas kung saan may langit, mga ulap, at bukirin na kay lawak. Malas lamang ng mga nakaupong manonood sa harap dahil hindi nila ito masyadong mapapansin. May araw na nanood ako at pinili ko talaga ang “Bleacher Side” ng ticket. Yaon ang perfect spot sa mga nais mahumaling sa mahikang nagawa ng Umaaraw. Maiinis ka nga lang sa malakas na ilaw na magiging katabi mo. Hindi ko alam kung para saan yaon pero siguro ito ay ginagamit nilang ilaw para sa ibang effects ng dula.

Magtataka rin ang lahat kung paano nalalagay sa harap ng entablado ang isang napakalaking buwan na minsan pa ay may nagliliparang paniki sa loob nito. Isang napakagandang mahika ng teatro! Wala pa dito ang naramdaman ko nang umungol si Galis na kaharap ang buwang nabanggit. Creepy....

Sa ilaw, napaglaruan nila ang UV light na nagbigay ng kakaibang malaengkantong experience sa entablado. Mapapamangha ka kung paano umilaw ang mga damit ng lahat halos ng mga karakter. At dahil diyan, nabuhat niya kami lahat at napaniwala na OO… nasa isang “mystical place” na kami at napadpad si Jepoy at Galis doon.


PANGKALAHATANG NARAMDAMAN SA DULA

Masasabi kong nanatili ang aking baon na nakatuntong pa rin sa ulo ko na ang dula ay parang “saving mother earth before bedtime”. Cliche’ ang dula sa paksang ito pero may suntok naman na kay sakit sa tagiliran.  Tama nga na hindi maipagkakaila na mas talamak na ang pamumutol ng mga puno maging ang paggawa ng iba’t ibang paraan upang mapunan ang ating mga pangangailangan o maparami ang pinagmulan ng ating kikitain. Sinusunog natin ang kagubatan upang palitan ang kumpol ng mga malalaking puno upang i-convert ito isang malaking pataniman, minahan o ‘di kaya maging isang real estate na komunidad sa isang liblib na kagubatan kung saan mura ang presyo ng lupa. Hindi naman ito bago sa lahat. Kaya nirereserba ko ang punto na ganun nga. Subalit ang suntok ng dula ang nagpasama sa pakiramdam ko bilang tao malamang habang natatandaan ko noong nagpagawa kami ng bahay sa Aklan ay pinutol namin ang mga dambuhalang punong nakaharang. Ganun na ba talaga ako kasama? Dapat ba na pigilan ko ang mga trabahador na putulin ang puno? Binabalik ko lang ang nakaraan lalo na sa tagpong nalaman ko na sa dula ay naging pagala gala ang kapre dahil sa pagputol sa tinitirhan niyang punong kamagong. Masakit sa loob na isipin ko ang mga ganoong bagay kaya umasa rin ako na marahil may mabibigay silang solusyon na mapanghahawakan ko; na konkreto sa paraan na makatotohanan sa panahon ngayon napalago na nang palago ang populasyon. Sa dulo ng dula, iniwan nila sa amin ang aksyon. Kaya umuwi kami na tangan ang mga dambulang rebulto ng responsibilidad na pangalagaan sila. Marahil paggising ko makakalimutan ko rin ang mga yaon. Mananatili na lamang silang mga inaagiw na rebulto at makukuntento na tumatak sa isip namin na may kailangan kaming gawin. Hindi nga lang namin alam kung kailan namin gagawin. O siguro hindi na lang. May pasok pa ako bukas.

Sa kabilang banda, bumulwak rin sa alaala ko ang mga sinambit ng isa kung kaibigan ukol sa konsepto ng mga engkanto. Ang engkanto raw ay mga nilalang na bumaliktad sa Diyos at kung anuman ang kanilang naging katauhan sa kailaliman ay isang kaparusahan sa kanilang nagawa. At dito ko masasabi na ang ilan sa mga kaibigan ko na may kaukulang kaalaman sa banal na aklat ay hindi maniniwala na yakapin ang konsepto ng pagiging pantay ng mga engkanto sa tao. Sapat na marahil sa kanila ang malaman ang hangarin ng dula na pangalagaan ang kalikasan pero ang ipagpantay ang mga engkanto/hayop/halaman sa tao ay taas kilay nilang babalangkasin kung bakit. Ilan sa mga tanong nila: Paaano mo masasabi na pantay ang tao sa pinya? Ang tao sa mananaggal? Ang tao sa ipis?  

Ngayon, halimbawa kung hangarin man ng dula na paniwalaan ako na pantay nga ako sa isang pinya, hindi sila naging epektibo. Kung mapaniwala man nila ako, siguro hindi ko na makakaya pang tusukin ang mga mata ng pinya, balatan at kainin ito ng buhay. Hindi na rin ako kakain ng escabecheng lapulapu (aalagaan ko na lang raw sila sabi ni Jepoy). 

Bilang respeto naman sa paniniwalang pangrelihiyon (na ang tao ay pinakaespesyalna gawa ng Diyos), pinalampas ko na lang ang konteksyong yaon sa isip ko at iniwan sa teatrong pinasukan ko.  Subalit paglabas naman, sa isang iglap, isang katanungan na naman ang umusbong kung totoo nga ba ang mga lamang lupa o hindi. Hindi ko rin naman yaon masagot. Wala rin naman talagang makakasagot. Malay natin totoo. Malay natin gawa gawa lang bilang panakot sa mga makukulit na mga bata noong araw para umuwi na sila ng maaga mula sa maghapong paglalaro. Pero ang nangyari, pinarating sa kabuuan ng dula na sila ay totoo, nahahawakan, nakakausap, at may damdamin. Kung sa riyalidad ang pagbabasehan ko, mas nanaisiin ko na tapusin nila ang dula kung saan si Jepoy ay nagising sa matagal na pagkakahimlay; na ang lahat ay mula lamang sa kanyang imahinasyon mula sa kwento ng mga nakakatanda. Dito mahahati ng dula ang isipan ng manonood kung ano ang pantasya; kung ano ang totoo.  #


Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang Umaaraw Umuulan Kinakasal ang Tikbalang

1 comments:

Anonymous Author
December 06, 2012 8:20 PM

Great review! I think I will watch this....

Reply

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating