Sunday, October 14, 2012

Umaga, Tanghali, Hapon, at Gabi


minahal ko ang umaga
at lahat ng mga kagandahan nito
hinagkan ang namumukadkad
nitong mga bulaklak
ang mga nangaggigising na ingay
na mga manok gansa at mga pato 
ginusto ko rin ang mga nangaggagalaw 
na mga dahong sumasalo sa mga hamog
na matagal nang pinakahihintay
na mahulog ng matatabang lupa
hinalikan kita
kasabayan ang mga paglabas
ng mga paruparo 
niyakap ang liwanag mong
napakapresko sa pakiramdam

subalit 

hindi naman ito nagtagal
sapagkat pagdating ng tanghali
iniwan naman ako ng umaga
nawala siya nang parang bula
ni hindi man lamang nagpaalam
o kahit mag-iwan ng kahit 
'sang patak ng pagpapaalam
wala naman akong magawa
marahil may nahanap naman
siyang iba na mas mahal
niya kaysa sa akin
marahil ayaw na niya sa akin
oo nga
yaon nga marahil

pagtagal

sa parang napakadaling
paghihilum ng mga sugat
minahal ko ang tanghali
hindi mo naman ako 
masisisi sapagkat napakainit
ng kanyang pagmamahal na
sa aking palagay ay nagpapapuno
ng sakit na iniwan sa akin 
ng umaga
ang aking nakaraan,
ang aking nagdaan,
ang aking pagkatao,
ay kanyang mainit na tinanggap
ng buong buo 
ng walang bahid

subalit 

napakasaklap siguro
ng aking buhay pag-ibig
sapagkat parang isang kisap-
mata lamang ang tanghali
para masira ang pag-aalab
ng mga puso namin sa isa't isa
nasaktan akong muli
na parang nais ko nang
lagutan ang bawat hininga 
na napapaloob sa aking katawang
niloko
pinagtatawanan
ng halos lahat ng mga taong
wala namang pakialam

pagtagal

eto
madaling sumaklolo
ang napakagandang hapon
na pumahid sa aking mga luha
unti unting tinanggal niya
ang nakakapasong init 
ng tanghali na kahit 
ilang beses ko siyang pinagtabuyan
at hinikayat na umibig na lamang
sa iba ay nariyan pa rin siya
nagtagal na nagpapawi ng
paso ng init
nagsasala sa hapdi ng tanghali
pero sadyang mapagmahal siya
inako niya ang lahat ng pait
sa aking loob looban
pinagtanggol ako sa lahat
ng mga mapang-api
hanggang matuto na naman
akong magmahal 

subalit 

pagdating ng takip-silim
hindi ko inaasahan na
hindi pala niya ako mahal
ang lahat pala ay kasinungalingan
ang lahat ay katarantaduhan
o kung ako ba talaga yaon
hindi ko alam
tarantado nga ata ako
upang paniwalaan na totoong
mahal niya ako o nadadala
lamang sa awa ng aking nakaraan
mas masakit pa pala
ang paso ng hapon sa tanghali
mas mahapdi
mas masakit

pagkatapos

mabilis na dumating ang gabi
na tumapos sa takip-silim
oo gabi ang kanyang pangalan
wala na akong makita sa kanya
minsa'y pinababayaan ko siya
kahit alam kong aali-aligid siya
sa aking nasasaktang puso
kahit nariyan lang siya
nangako pa ako na hindi na
kailanmang iibig pang muli.
pero patuloy pa rin siya
kumakapa sa nakapiring kong puso
patuloy na nagpapahinahon
sa magulo kong damdamin
sa dilim
sa kalagitnaan
sa kaloob-looban nagliwanag
muli ang aking puso upang
siya naman ang mamahalin
napakasarap niyang magmahal
kahit napakalamig

pagkatapos

paggising ko
nawala na lamang siya
na parang nagbigay lamang
sa akin ng madaliang kasayahan
masakit oo subalit nawala naman
kaagad sapagkat sa aking pagmulat
napagtanto ko na dumating muli
ang umagang kay ganda
niyakap niyang muli ako ng mahigpit
at sinabi ng puso ko
sa aking sarili na ganito
talaga ang pag-ibig
kailangan matutong bumangon
umiyak paminsan minsan 
pero nagiging matatag
na harapin ang lahat ng sakit
ng mga nang-iiwan
ng mga nanloloko
at ng mga magagandang
tampalasan.

1 comments:

Anonymous Author
July 11, 2017 7:34 PM

nice

Reply

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating