Tuesday, October 09, 2012

Ang Pangatlong Tagpo ng Paghahanap ko sa Itim kong Salwal


Narito ang mga nakaraang mga tagpo (kung sakaling di mo nasubaybayan)
PART1
PART 2

At bumukas nga ang gate na bumulaga sa akin na suot suot ng mama ang pinakamamahal ko; ang pinakaingat-ingatan kong itim na salwal na naging buhay ko na. Tama nga ako na siya ang kumuha ng aking salwal at sa tagpong iyon, hindi ko na kailangan pang magtago kaya agad akong tumayo mula sa halaman at naglakad palapit sa mama na abala na ngayon sa paglalagay ng kandado sa kanyang gate. Tumakbo na ako. Hindi ko na napigilan ang aking sarili para kabigin ang kanyang braso at itulak pabagsak sa kanyang sariling gate. Dumagundong. Napalakas ata ang tulak ko sa kanya. Pero wala akong pakialam. Ang mahalaga ay malaman niya na isa siyang walang hiyang tao para magnakaw ng salwal ng iba. Alam ko nasaktan siya dahil hindi niya alam kung paano niya maiunat ang parang nabali niyang balikat sa pagkakasalpok sa matibay na gate. Pero hindi siya nagsalita. Unti unti siyang tumayo. Pinagpag ang ilang alikabok sa katawan at nasimulang huminga ng malalim. Nagigiit ako sa galit. Parang naiisip ko sa sa loob loob niya ay humahalak halak siya ng napakalakas; na ako ay isang napakatangang nilalang na magtulak sa isang taong hindi ko naman kilala. Pero nanatili ako sa aking pwesto. Hinintay ko siya. Alam kong magsasalita siya. At tama ako. Bumuka ang kanyang bibig sabay hawak sa suot suot na niyang itim kong salwal.


“Talagang hindi ka nahihiya ano?,” ang mahinahon na sabi ng mama. Nakakapagtaka sapagkat sa sobrang tulak ko sa kanya ay siguro maiisip ko na gusto niya akong gantihan. Pero hindi. Mahinahon pa rin siyang sumagot at inayos ang pagkakandado ng kanyang gate.

“Gago ka! Akin na ang salwal ko!”

“Wala ka bang ibang salwal at ang akin ang pinagdediskitahan mo? Tumingin ka muna sa salamin.”

Nagulat ako sa sinabi ng mama at biglang inikot ang aking sarili sa harap ng katabing bahay na may salamin ang harap. Mula sa malayo, nakakahiyang naaninag ko ang aking sarili na may damit subalit walang suot na anumang salwal. Kitang kita ang white briefs ko lamang na suot suot. Pero wala akong pakialam. Kahit kailan ay wala naman talaga akong pakialam kung wala akong salwal. Dahil inagaw niya ito sa akin! Ang mahalaga ngayon ay maibalik niya ang salwal ko! Kaya sinubukan ko siyang muling itulak pero agad niya akong pinigilan. Hanggang sa siya mismo ang tumulak sa akin pabalik. Hindi naman ako natumba pero alam ko na ang lakas na iyon ay sapat na para malaman ko na malakas rin siya at kayang kaya akong saktan.
“Ayoko ng gulo,” ang sabi ng mama na hindi ko inaasahan na sasabihin niya sa akin ‘yun pagkatapos niya akong itulak.

“Kung ayaw mo ng gulo, ibalik mo na ang salwal ko!”

“Talaga bang gusto mo na ako ang bumalik sa kanya?”

“Ikaw ang nagnakaw. Ikaw ang bumalik!”

“Kahit kailan wala akong ninanakaw sa iyo. Kusa siyang pumunta sa akin.”

“Sa tingin mo maniniwala ako na kusa siyang pumunta sa’yo? Alam ko na kinuha mo siya sa akin! Ang kapal ng mukha mo!”

“Magalit ka ng lahat pero sinasabi ko sayo hindi ako nagsisinungaling.”

“Ibabalik mo ba ang itim na salwal ko o hindi?”

“Gusto mo ba talaga na ibalik ko siya sa’yo?”

“Akin na siya!”

“Sige. Sandali.”

Tumalikod ang mama sa akin. Bumulong siya ng dahan dahan sa itim na salwal. Medyo mahaba ang bulungan na hindi ko naman naintindihan hanggang sa mapansin ko na umiyak ang mama; mga iyak na marahan lamang at hindi gaanong kapansinpansin. Pero wala akong pakialam. Kailangan niyang isuli ang itim kong salwal. Akin siya! Wala siyang karapatan para suotin ito!

At tama nga ang aking inisip. Dahan dahan niyang hinubad ang itim na salwal. Pagkatapos tanggalin ang mga laman ng bulsa nito, unti unti niya itong itinupi na parang kanyang sariling alahas na pinakamamahal. Mangiyak ngiyak niya itong ginawa hanggang sa maiporma sa kanyang palad ang pulidong pagkakatupi ng salwal. Iniabot niya ito sa akin.

“Ayan na ang itim na salwal. Ayoko na ng gulo. Sayo na siya.”

Hindi na ako nagsalita at hinablot ang itim kong salwal. Niyakap ko siya ng napakahigpit. Salamat! Salamat at nagkasama tayong muli. Salamat at narito ka na naman. Salamat salamat salamat.

Pagkatapos kung matanggap ang damit ay agad akong tumalikod sa nananangis na walang salwal na mama. Hindi ko na siya kailanman nilingon. Basta ang mahalaga ay mauuwi ko na ang itim kong salwal. Mahigpit ko siyang hinawakan at sinabi ko sa aking sarili na kahit kailan ay hindi ko na ito iwawala. Kahit kailan ay hindi ko na ito hahayaang nakasampay sa labas. Kahit kailan ay lagi ko itong susuotin.

Pumasok ako ng bahay at agad na dumiretso sa aking kwarto. Nagulat ang lahat ng aking ibang mga damit. Sa isip ko nagpapalakpakan silang lahat sa pagbabalik ng aking itim na salwal pero ang totoo lahat sila ay tahimik. Muling tumubo ang mga mata sa kanila para titigan ang pagdating ng dati nilang kasama; ang aking pinakapaborito at pinakamamahal na itim na salwal. Nilabas ko agad ang natatanging hanger na nakalaan sa salwal at isinibit ko siya roon. At sa napakatagal na panahon, parang nagpawi ako ng mga iilang agiw sa sulok sa dulo ng aking kabinet para malagay ang itim kong salwal. Kay ganda talagang pagmasdan! Sa wakas narito ka na aking pinakamamahal. Hinding hindi ka na mapupunta kaninuman.

Sa pagkakahiga ko ng gabing yaon, hindi ako nakuntento sa pagkakakita ko ng ilang mga gusot na parte ng salwal ko kaya bumangon ako para ayusin ang plantsahan at spray para tuluyang mapakita ang kabuuang ganda ng salwal. Sa pagkatagal tagal na paghihintay ko, muli na naman akong nagkabuhay sa paghagod sa pagplantsa ng bawat hibla niya mula beywang niya hanggang paa. Ginawa ko ito ng dahan dahan at paulit ulit kahit ako pa ay mapagod. Sa pakiramdam ko, alam ko na kahit ano pa ang pagod na yaon, katumbas naman ito ng aking kaligayahan na masuot siyang muli kinabukasan o kahit habambuhay.

Naligo ako kinabukasan. Buong giliw kong kinuskos ang aking mga binti at sinigurado na malinis ang aking kasingitan. Dalawang beses pa nga ako nagsabon at pagkabanlaw ko nang maigi ay pinunasan ko ang aking buong katawan ng malinis na tuwalya. Dumiretso agad ako sa kwarto at nagsuot ng pinakabago kong briefs. Nagpunas ng basang ulo at isinampay ang tuwalya. At pagkaharap ko sa kabinet, naisip ko na sa wakas! Masusuot na rin kitang muli! Ang aking itim na salwal! Ang aking pinakamamahal!

Lumapit ako sa kabinet. At kinuha ng dahandahan ang pinakamagandang hanger na pinagsasabitan niya. Unti unti kong kinuha ang itim kong salwal na napansin ko agad na wala ni isang gusot. Napangiti ako dahil alam ko na talagang naplantsa ko siya ng mabuti. Alam ko na napakaganda itong suotin. Hindi ko na siya pinagpag dahil alam ko na wala siya ni isang alikabok. Isinuot ko siya ng dahan dahan; nang may pag-iingat; nang may pagmamahal hanggang sa isang saglit na pagsuot ko nito, bigla akong napatigil. Sa pag-angat ko sa kanya sabay sarado ng butones nito napansin ko ang kakaibang luwag; ang luwag luwag na ng salwal sa akin! Pumayat ba ako? Bakit anluwag luwag na nito? Ano ang nangyari! Ano ang nangyari sa itim kong salwal!

Narinig ko bigla ang tawanan ng mga kasama kong polo shirts pati ang hiyawan ng mga maong na jeans sa gilid ng kabinet kahit ang totoo naman ay ako lang naman mag-isa sa kwarto. Pero hindi ko sila pinansin. Wala akong pakialam sa kanila. Hinablot ko na lang ang isa kong sinturon at doon ko itinali ang napakaluwag ko na itim salwal. Pagkatapos, humarap ako sa salamin. Tangina para akong nakapalda sa luwag niya! Ano ang nangyayari sa akin! Bakit ganito ang itsura niya sa akin? Hindi ko talaga maintindihan hanggang sa ilang sandal biglang gumalaw ang salwal ko. Gumalaw siya sa may bandang pwetan hanggang sa maisipan ko na silipin ito sa isang malaking salamin katabi ng aking kabinet. Ang itim kong salwal ay unti unti nagkamukha sa bandang yaon hanggang sa maaninag ko ang kanyang bibig at mga matang parang nagmamakaawa sa akin.

“Parang awa mo na. Ibalik mo na ako sa kanya.”

Gulat na gulat ako sa aking nakita. Hindi ko alam na ang isang salwal ay makakapagsalita. Pinilit kong isipin na hindi ito totoo. Sinampal sampal ko pa ang pisngi ko na baka nga sakaling panaginip lang ito. Pero hindi. Totoo nga. Sa harap ng salamin sa bandang pwetan ng suot kong salwal ay may mukha at nagsasalita. Wala na rin akong ibang nagawa kundi kausapin ito. Kahit hindi kapani-paniwala; bahala na.

“Bakit ka nagmamakaawa. Ako ang bumili sayo. Ako ang unang nakagamit sayo. Hindi ka ba kuntento na inaalagaan kita noon? Ano pa ang kulang sa akin? Sabihin mo.”

“Alam ko ‘yun. At dahil diyan, napakalaki ang aking pasasalamat sa pag-aalaga mo sa akin. Minsan nga nahihiya na ako sayo dahil parang pati ang sarili mo ay kaya mo na ibigay para sa akin.”

“Ano ba ang problema mo sa akin? Sabihin mo.”

“Ang totoo wala naman akong problema sa’yo. Sa katunayan nga, napakasarap na maging salwal mo na parang napakaperpekto ang mundo ko pero ako rin naman ay naghahanap ng mga beywang at binti na akma sa kung saan ang puso ko masaya.”

“Ano ang ibig mong sabihin?”

“Hayaan mo na akong umalis.”

“Ha? Huwag! Parang awa mo na. Huwag mo akong iwan. Ikaw lang ang salwal ko. Paano kung umalis ka na paano na lang ako. Ayoko maging hubad. Ayoko malamigan. Ayoko maging mag-isa!”

“Nahihirapan ako. Minsan ba naiisip mo rin ang sarili kong kapakanan? Ang aking sariling kaligayahan?”

“Sandali. Ganito na lang. Sabihin mo kung ano ang gusto mong gawin ko para hindi mo ko iwan. Masyado bang madiin ang pagplantsa ko sayo? Masyado bang mabasa ang pagspray ko sayo ng tubig? Masikip ba ang kabinet para sayo? Ano? Sabihin mo lang gagawin ko ang lahat para huwag ka lang umalis!”

“Kalimutan mo na lang ako. Hayaan mo na akong umalis.”

“Dahil ba sa mamang iyon? Ano ba ang meron siya na wala ako? Inaalagaan ka ba niya? Parang hindi naman.”

“Hindi naman kailanman natuturuan ang puso. Kung pwede lang sana pinili na kita.”

“Please! Ako na lang please. Ako na lang. Parang awa mo na…”

“Hindi mo talaga ako maintindihan. Siguro balang araw malalaman mo rin.  Kailangan ko na talagang umalis.”

Untiunting lumuwag ang sinturon ko at kusa na humubad ang itim kong salwal sa aking beywang. Napakalakas ang iyak ko pero parang hindi naman niya narinig. Pero batid ko na sa loob loob niya, nananangis rin siya; hindi niya lang pinapakita sa akin. Hanggang sa pangalawang pagkakataon, nang may pamamaalam niyakap niya ako ng napakahigpit. Niyakap ko rin siya. Hanggang sa unti unti na siya bumitaw sa akin at gumapang na parang may pwersa ng hangin para lumutang siya palabas ng pinto hanggang sa hindi ko na siya nakita. At pagkatapos, hubo’t hubad ako umiyak sa aking higaan na aking palagay ay katapusan na ng aking mundo.

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating