Tuesday, October 30, 2012

Isang Araw sa ika-Bente Uno ng Disyembre

Annotation:
Ito ay pang-apat sa 20 kabanata ng nobela ko na pinamagatang: "Isang Araw sa ika-Bente Uno ng Disyembre"









Ngunit ito ay panaginip lang at maaring di matupad
'Pagkat ang kagubatan ay unti-unting nawawala
Mga puno nito'y nangingibang bayan






Kabanata 4: Ang Kambal ng Lupa

Umuwi si Felicidad ng gabing yaon sa kanyang tahanan sa Laoag. Hindi na siya naghapunan sapagkat busog na rin siya sa kanyang dinner meeting kasama ang mga inhinyero. Hindi yaon normal na uwi ng matanda. Medyo napahaba kasi ang kanilang diskusyon patungkol sa pagsusunog nila sa gubat ng San Roque. Hindi kasi naniniwala ang matanda sa anumang mga sabi-sabi o pamahiin kaya buong inis niya nang malamang nagpatawag ang kanyang mga inhinyero ng  mga tinatawag nilang babaylan. Ang alam niya ay niloloko lamang tayo ng mga yaon sa laki ng hinihingi nilang bayad.

Limang matatandang babae na may mahahabang buhok na hindi nila siguro kailanman nasusuklay ang naroon sa kanyang opisina isang araw. Sa una, ang akala niya ay nagso-solicit lamang sila sa anong proyekto nila sa kanilang kulto subalit noong nakita niya ang limang yaon sa kanyang boardroom ay laking gulat niya. Hindi niya alam kung anong kahibangan ang pumasok sa kukute ng kanyang mga engineer upang imbitahan ang mga yaon.

Mga babaylan; mga susi upang makapasok sa kagubatan; ang natatanging paraan ng kanilang mga tauhan upang hindi mabati; maengkanto sa pagputol sa mga puno. Sa kung anong slide man ito lumabas hindi na ito inintindi ng matanda hanggang sa magkaroon sa wakas ng open forum. Agad siyang tumayo upang barahin ang lahat ng kabuuan ng presentation sa pagtatanong sa limang gusgusing mga bisita.

”Saan kayo banda sa Mandaluyong nakatira,” nakangising tanong ng matanda. Hindi nagsalita ang lima bagkos tumingin-tingin lamang ito sa paligid ng kuwarto. Batid niyang, ngayon lamang sila napasok dito. At siguradong isang  nakakapanabik na araw para sa kanila na maupo sa malambot na upuan ng boardroom.

”Ma’am we have invited an interpreter. Do you want her to ask the same question to your babaylan guests?,” sabi ng kanyang assistant. Sumenyas na lamang ang matanda na hindi na kailangan pang itanong yaon. Umupo siyang muli mula sa pagkakatayo. Iba pala ang lengwahe ng mga baliw. Sinubukan na lamang niyang magtanong sa nagpresent: Si Engr. Myers. Siya ang pinakamagaling na engineer na kanyang nakilala at nakahawak ng halos lahat ng kanyang building projects kaya hindi  niya maintindihan kung bakit pumasok sa kanyang isipan na mag-imbita ng babaylan sa kanyang opisina. Uminon ang matanda ng kaunting kape. Huminga ng malalim at nagtanong sa kanya.

”Engr Myers, please explain to me why we need to have these babaylans...”

”Yes, you mean the spiritual warriors?”

”Yes, those spiritual warriors you call alright. Why in God’s time where advance technologies and systematic knowledge of science already exist would you consult these people to be of requirement for this project?”

”Ma’am wala naman pong mawawala sa atin. But the rest, things are for sure that we will be clearing the area in a matter of 6 months.”

”Yes I know your targets Engr Myers but for me, I need to know the sense of them being here in my office in the first place! I heard your presentation about spritual beings, engkantos, kapres, etc etc but  can you review that further that we are just wasting our financial resources just for these crazy old fools!.”

”Ma’am we never know if guardians of the forests were in fact in there. I am just protecting our workforce.”

Hindi na muling nagsalita ang matanda. Tumahimik na lamang sya. Kung sa bagay, baka nga naman may mga kakaibang engkanto doon. Duda siya sa mga babaylang ito. Pero wala rin naman siyang magagawa kaya hinayaan na lamang niyang maging parte ang limang babaeng bisita sa operasyon. Sila raw ang pinakamagaling na babaylan sa Pilipinas at naging suki ng lahat ng contruction companies sa bansa. Mahal sila maningil pero sigurado naman raw na walang masasaktang trabahador sa kahit anumang pagsisimula ang operasyon. Mas lalo na ring nainis ang matanda nang magkaroon ng karagdagang presentation ang kanyang mga inhinyero patungkol sa isang grupo ng Cable News Network o CNN na dumalaw sa lugar. Wala naman gaanong detalye silang binanggit basta nasa mga larawan ang kanilang mga gusot na mga mukha sa hinaing ng pananakit ng mga kalamnan. Hindi pa dito kasama ang duguang larawan ng kanilang main host na dulot ng isa lamang pipitsuging agila na kanila nasugapa sa kagustuhang ma-feature ang Philippine Eagle ng Pilipinas. Pinagtawanan lamang itong lahat ng matanda sa pag-iisip na hindi naman engkanto ang gumawa noon kundi isang ibon. Hindi naman raw talaga natin alam na baka sa kaso ng pananakit ng kanilang mga kalamnan, marahil ang totoong sanhi nito ay ang matinding stress sa trabaho nila. Hindi naman talaga biro ang maglakad sa kagubatan. Nagpatuloy ang open forum. Hindi na umiimik ang matanda. Bahala na. Basta dapat matuloy na ang proyekto.

Pupunta raw ang limang babaylan ilang minuto bago simulang ang pag-clear sa site. Sila na raw bahala sa lahat at wala na sila pang kailangan alalahanin kundi maghintay ng kanilang hudyat sa pagsisimulang pagsunog sa site.

Lumabas na ang matanda sa boardroom at hindi na niya kailangan pang hintayin ang kabaliwan ng kanyang engineer. Nakakatawa ang paraan nila sa pagpapaalis sa mga ispiritu, engkanto o anumang lamang-lupa na naroon raw sa site. Iikutan lang raw nila ito ng sayaw sa saliw ng tunog ng pagpilantik ng mga kawayan at dugo ng buhay na manok. Ito raw ang magsisilbing alay. Hindi na nakayanan ng matanda ang lahat sa kakaisip nito hanggang mapagtanto niya na matagal na siyang tulala sa kanyang sasakyan sa harap ng kanyang bahay. Napangiti siya sa kanyang mga naiisip. Stress na nga siya talaga. Kailangan na niyang magpahinga.

 Sa pagbaba niya sa kotse dumiretso na agad siya sa loob ng bahay. Kakaiba ito sa ibang mga araw dahil kung regular na uwian niya, binibisita pa niya ang mga tanim niyang orkidyas sa kanyang malaking hardin. Dahil siguro ito sa pagod sa pag-iisip sa mga 5 babaylan na kanyang naging bisita. Hindi pa dito kabilang ang pag-iisip niya sa mga taong nakita niya sa labasan ng building ng kanyang opisina kanina. Mga 20 o 30 katao ang nagsisigaw sa labas upang mag-aklas araw-araw kasabay sa saliw ng kantang ”kapaligiran” ni Coritha, laban sa plano  nilang pagpapatayo ng real estate sa San Roque. Hindi niya batid kung sila ba ay mga nakatira doon.  Ang alam lamang niya ay wala namang nananahan sa lugar na kanilang pagtatayuan – na legal sila ika nga ng isa niyang magaling na abogado. Plantsado na raw ang  lahat doon at wala silang ilegal na ginawa. Approved naman na ng DENR ang kabuuan ng kanilang business plans.

Nabura na sa lahat ng isipan ni Felicidad ang  lahat ng kanyang inaalaala nang maramdaman niya ang pagbati ng kanyang aso. Kinagat-kagat nito ang kanyang mga paa. Napangiti si Felicidad at kinarga ito sandali at niyakap. Nagustuhan  naman ito ang aso. Mga ilang sandali ring nilaru-laro ni Felicidad ang aso at pumasok na siya sa kanyang kwarto. Malamig na sa loob gawa ng air-con. Malamang napaandar na ito ng katulong niya kanina pa. Batid na nila ang routine ng matanda. Wala siya sa bahay ng buong araw at umuuwi ng pasado ala-siyete ng gabi. Kaya bago pa man mag-ala-siyete ay napaandar na nila ito sa kanyang kwarto.

Ngayon lamang ay hindi siya nagpaluto sa kanyang home chef. Pero sa araw araw, alam na ng chef na ang ninanais lamang niya na ulam ay mga italian dishes kabilang dito ang lasagna, pizza, at iba pang mga putaheng may mga patatas. Kung umaga mas gusto ni Felicidad ang pritong itlog at tinapay na may palamang tsokolate. Minsan ay nilalaro pa niya ang aso bago magbreakfast o kung may sapi raw siya sabi ng mga katulong ay masipag niya itong pinapaliguan. Subalit kahit kailan ay hindi niya pinapapasok ang alaga sa kuwarto. Hinahayaan na lamang niya ito sa kanyang yaya. Ang yaya na rin ang nagtiya-tiyaga na ipasyal ang aso sa labas upang kahit paano ay makapagtakbu-takbo rin ito.

Kinabukasan, pagkatapos ng breakfast ay dumiretso na si Felicidad upang maligo. Hinayaan na lamang niya ang kanyang katulong na maghugas ng pinggan. Hindi mawawala ang gatas mula sa isang malaking ref sa kanyang sariling CR kasinlaki ng isang kuwarto. Binuhos niya ang gatas sa kanyang pulang bath tub. Magbabanlaw muna siya ng kaunti sa shower at pagkatapos ay hihiga na sa maputing likido.

Napabuntong-hininga ang matanda nang mapahiga sa bath tub. Sa bawat segundong nagdaraan hindi niya lagi maiwasan ang mga nakalipas; ang mga tagpong kahit isang basong gatas ay wala silang mabili ng kanyang asawa. Pinipilit niya kalimutan ang lahat subalit eto na naman. Patuloy na naman na kumikiliti ang alaala niya kay Nono.

Bumukas ang pinto ng CR. Nagulat si Felicidad at naghandang magalit sa katulong na hindi man lang marunong kumatok. Pero hindi katulong ang pumasok. Isang malaking bunga ng santol ang bumulaga sa kanya papasok. Sinlaki ito ng tao. Sa hindi maipaliwanag na dahilan may mga kamay at paa ang pumasok na santol. Lumakad ito papalapit sa matanda.  Binuksan ng santol ang kaloob-looban niya at bumulaga ang iilang mapuputing buto nito na kawangis ng kanyang asawa.

Nagising ang matanda. Napapanaginipan na naman niya ang mga nangagkalat na kuwento patungkol sa kanyang kabiyak. Kanina pa pala siya kinakalabit ng kanyang katulong dahil sa isang tawag sa telepono. Panaginip lang pala. Dali daling kinuha niya ang kanyang bath robe sabay kuha ng wireless phone.

“Hello?”

“Donya Felicidad, si Lito po sa guard house. Pasensiya na po sa abala.”

“Bakit ano ang problema?”

“Kasi po sa gate po naten may nag-iwan ng dalawang sanggol.”



=katapusan ng kabanata 4 =

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating