The soul of a brain dead person is believed to be travelling to several loops in the unknown unknown. These loops according to scholars carry a dimension that the traveller can speak for himself, for his co-traveller, and for his environment through a certain form of writing - the form that floats in the darkness in white readable ink. Let this blog be my entrance to become brain dead and experience the expressive nature of a brain dead traveller of the said loops in CYBERSPACE.
Monday, October 08, 2012
Ang Pangalawang Subok kong Makuha ang Itim kong Salwal
Narito ang mga nakaraang tagpo (kung sakaling di mo nasubaybayan)
Nagising ako isang umaga para malaman ko sa panlabingapat na pagkakataon na wala pa rin ang aking itim na salwal sa sulok sa isang espasyo sa dulo na nakalaan lamang para sa kanya sa aking kabinet. Binibilang ko talaga ang mga araw ng pangungila ko sa kanya lalo na alam ko sa isip ko habang nakapaskel sa pinakailalim ng aking kokote ang lahat ng detalye ng pinakahuling araw na nakita ko siya. Plantsadong plantsado; walang gusot at tanging ako lamang ang makakasuot. Umaga noon, kakatapos ko lang siyang plantsahin nang halos ilang ulit dahil natatakot ako na baka masunog ko siya. Kahit nakabaliktad ang itim kong salwal sa plantsahan dahan dahan ko pa ring dinidiin ang bawat paghagod ko sa bawat sulok at parte ng nasabing damit. May pagmamahal kong inuusisa na baka magkaroon na ito ng himulmol sa patuloy na pagspray ko sa kanya ng tubig sa bawat pagtigil ng plantsa. Nakahanda na rin ang gunting upang gupitin ko ang kahit anong himulmol na makakasira sa kanya. At sa huli, pagkatapos ko itabi ang plantsa, dahan dahan ko siyang bubuklatin upang bumalik sa dati. Nakahanda na noon ang pinakamaganda kong hanger. Doon ko siya unti unting isasabit at maingat na isasampay sa nasabi kong sulok sa dulo ng parehong kabinet. Doon siya nakalagay na parang nakailaw sa aking mga mata. Nakakagalak pagmasdan ang kalinisan ng aking nagawa. Tagos sa puso ko na nararamdaman na siya ang talagang maisusuot ko hindi lang mamaya kundi sa kahit ano ko man na lakad; kahit habambuhay.
Pero untiunting nagiging transparent ang lahat. Pawala siya ng pawala sa nakikita ko hanggang sa tuluyan na siyang naglaho sa palagian kong panaginip habang nakatanga sa talaga namang bakante na espasyo ng kabinet. Wala na nga talaga siya. Hindi na siya kailanman darating.
Oo hindi siya nagpaalam. Basta lang siya nawala. Ang sabi ng mga napagtanungan kong polo shirts ko at maong pants nakita lang nila na inalis ng itim ko na salwal ang hanger sa kanya at tumalon palabas ng kwarto. Hindi na siya nagsabi kong saan pupunta o babalik pa. Ang inabutan ko na lang ay ang isang bakanteng hanger sa dulo at lahat ng kanyang mga memorya na nakapaligod sa buong kwarto ko. Masakit sa akin ang maisip na iniwan niya ako pero hindi naman ako naniniwala. Siguro dahil ayoko mas lalong masaktan. Kaya sa araw araw na nakikita ko ang sulok na 'yun, iniisip ko na nagbakasyon lang siya; babalik din siya. Pero noong mga nakaraang araw naisip ko na parang malabo na.
Umulan noon. Napakalakas. Kaya agad ko naisip ang lahat ng aking isinampay. Lumabas ako ng bahay at kinuha ang ilan kong mga polo shirts, at maong pants. Muntik na silang lahat mabasa. Laking pasalamat ko at hindi sila tuluyang nabasa. Ang iba naman ay paplantsahin ko na lang kako. Napuno ko na rin ang laundry basket ko ng mga naligtas na mga damit kaya lumingon na ako paharap ng bahay pauwi nang mapatingin ako sa sampayan ng kapit-bahay. Isang itim na salwal ang nakita ko roon na nakasampay. Ang itim kong salwal! Siya nga yun! Siya 'yun!
Agad kong ibinagsak ang dala dala kong laundry basket at kumatok sa kabilang bahay. Kailangan ko na makuha ang itim kong pantalon. Baka nilipad lang siya ng hangin at napadpad sa kapitbahay. Tama ganun nga ang nangyari. Kailangan ko na siyang makuha!
Naghintay ako na may bumukas ng pinto. Sa ilang sandali ay isang lalaki ang humarap sa akin. May katangkaran siya. Medyo maitim at may katabaan. Ngayon ko lang siya nakita kaya marahil ay bagong lipat lang. Hindi ko na tinanong kong sino siya at ano siya. Basta dineretso ko na ang aking pakay.
"Brad 'may nakita ka bang itim na salwal na naligaw sa bakuran mo?"
"Hindi ako hanapan ng mga nawawalang salwal!," galit na tugon ng mama sabay sara sana ng pinto subalit pinigilan ko ito.
"Sandali. Nakita ko kasi sa sampayan mo ang isang itim na salwal. Pwede ko ba siya makita? Kasi palagay ko akin 'yun."
"Bakit mo gusto kunin ang bagay na kusa namang umalis sa'yo?"
"Ano ho? Hindi titingnan ko lang kong siya nga 'yun."
"Bingi ka ba? Sabi ko kusa naman siyang pumunta dito sa bahay. 'Wag mo na siyang kunin. Nag-aaksaya ka lang ng panahon."
At isinara ng mama ang pinto sa harapan ko. Magnanakaw ng salwal! Mang-uumit! Sa puntong yaon alam ko na kung nasaan ang itim kong salwal. Kailangan ko lang 'yun mabawi pero paano? Sa isang iglap umuwi ako ng bahay at sinilip ang sampayan sa kabila. Baka sakali kako na makita ko muli siya at maisipan na sungkitin ko na lang. Wala na ang itim na salwal sampayan. Marahil tinago na niya. Marahil ayaw niya na makita ko pa 'yun muli.
Lumipas ang ilan pang mga buwan pero hindi ko pa rin makalimutan ang tagpo na nakita ko ang itim kong salwal sa sampayan ng kapit bahay. Mga ilang araw ko rin na tinitingnan ang kabila pero kahit kailan ay wala akong nakita ni anino ng salwal ko. Naisip ko talagang tinatago na niya ito sa akin. Sabi ko sa sarili ko, darating rin ang araw na magkikita kami at wala na akong ibang gagawin kundi bawiin ito.
Siguro nga malakas ako manalangin at nadinig agad ng panginoon ito. Nagpatawag kasi ang subdibisyon namin ng isang anniversary party sa isang private resort sa antipolo. Agad kong tiningnan ang guest list. Naroon ang kapitbahay ko. Kung kaya naisip ko agad na pag-alis niya ng bahay ng gabi na yaon ay pwede ko nang looban ang bahay niya. Napakadesperado ko na talaga at hindi ko hahayaan na palagpasin ko ang pagkakataon na wala siya sa bahay. Kukunin ko ang itim kong salwal! Nang gabi na yaon, inabangan ko siya. Nagtago ako sa may halaman sa harap ng kanilang gate. Mga ilang minuto rin akong naghintay at tiniis kahit nilalamutak na ako ng mga lamok. Pagkaraan ng ilang sandali, tumunog ang kanilang gate. Lumabas na ang mama. Sa wakas makakapasok na rin ako. Kailangan kong hanapin ang itim kong salwal. Marahil nasa kabinet lang niya 'yun.
Pero hindi. Paglabas na paglabas niya ng bahay, wala akong ibang nakita kundi ang suot suot niya. Halos mabi-ak ang puso ko.
Suot niya ang natatangi at pinakamamahal kong itim na salwal.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Post a Comment
POST YOUR COMMENT BELOW