Thursday, October 11, 2012

Pang-apat na Tagpo: Ang Salwal na Mukhang Itim na Gaya Niya


Narito ang mga nakaraang mga tagpo (kung sakaling di mo nasubaybayan)


Tinakpan ko ang aking kahubaran ng gabing yun.

Nakakahiya na nga kung iisipin pero hinayaan ko na lang ang mga unan at kumot ko na gawin ito para sa akin; ang pilitin na takpan ako nang takpan kahit wala naman akong pakialam. Sa ngayon sila na lang talaga ang masugid na mga tagabantay ko na baka raw na mapulmonya ako sa pagwawagayway ng aking kahubaran sa tapat ng bentilador. Sila sina unan at kumot; ang pinakauna kong nakilala kahit noong wala pa akong muwang. Kakalabas ko pa lang noon kay mommy. Sinampal ang pwet ko ng hayup na midwife sa health center. Nakatatlong hampas ang puta kaya napaiyak ako ng sobra sobra sa sakit na hindi ko alam sa mga panahon na iyon kung bakit ito ang lubos na ikinatuwa ni mommy. 

Agad akong nadikit kay unan na walang pagdadamot na nagpahiga sa malambot kung ulo kasama si kumot na lubos ang kagalakan pa na yakapin ako hanggang sa maramdaman ko ang init; ang sarap na mayakap. Pero ilang taon na rin ang nakakalipas, pagkatapos naman ako sampalin ng paglisan ng itim kong salwal narito pa rin sila sa akin na buong buo na nakikiramay sa akin. Oo, si unan at kumot na lamang ang mapagsasabihan ko ng sakit na aking nararamdaman. 

Kung makakapagsalita sana sila o kung makakayakap rin sa akin na gaya ng itim kong salwal marahil magiging maayos na ako. Pero ang balat ko ata ay nagiging manhid upang sabihin na iba pa rin ang yakap ng iyong minamahal. Oo maaring mapawi ang lungkot kay unan; kay kumot pero kahit kailan ay nakamarka na ang sakit na maiwan sa aking katawan na parang naka-tattoo na pigsa na hindi nahihinog dahil parang sanlibong taon na itong pinagkaitan ng init at naghahanap ng kalinga. Ang aking balat ay talagang laging nakakaramdam ng lamig na parang nahawa na rin ang puso ko. Lumalamig na rin siya kahit ano pa ang ipilit na pagpapalambot ni unan; kahit ano pang higpit ng yakap ni kumot. Pakiramdam ko, isa pa rin akong bangkay at ang lamig na lamig ko; nagyeyelo; nangungulila sa kawalan ng pinakamamahal kong itim na salwal.


Ang totoo, ang lamig ng aking puso ay walang anumang makakapagbaba ng temperatura. Minsan lumapit si sando, si t-shirt, si polo shirt, at si jacket. Mga nabili ko sila mga ilang taon na ang nakakaraan. Matagal tagal rin silang aaligid pero kahit kailanman ay hindi nagmatyag.



“I am always there for you friend,” ang sabi ni sando pero kahit ano pa ang ibig sabihin noon, hindi ko inisip na. Wala naman kasi talaga siyang pakialam at kung meron man, dadampi lang siya sa balat ko ng ilang oras at magpupumiglas rin kapag dumami na ang nasasalo niyang pawis. Ang totoo, nariyan naman si sando pero hindi rin naman siya kailangan; hindi rin naman siya nagpaparamdam na karapat dapat siyang aalahanin pa ako.


“Ilapad mo ang pasensiya mo friend. Luwagan mo at siguradong magiging okay ka,” ang sagot naman ni t-shirt na walang ginawa kundi tingnan ang sarili kung madumi na o hindi. Siya ang pinakamadaling maghimulmol na damit ko; ang pinakamadaling maluma. Pero hindi rin naman ‘yun nakikialam sa akin. Ang gusto lang niya ay magmukha siyang bago at iwasan na mademote upang gawing pambahay kung maluma. Tahimik lang siya lalo na kung alam niya na lumilipas na ang panahon para gawin na siya pambahay.



“Gawin mong pormal ang buhay mo!,” pasigaw na pagmamayabang ni Polo shirt. Palibhasa imported kaya kakaiba kung umasta. Iniisip niya talaga na hindi pormal ang buhay ko kaya kung ano mang sakit raw ang nararamdaman ko ay ugaling squatter lang raw ‘yun.


“Kunyari ako na lang itim na salwal mo,” pabulong ni jacket habang unti unti niyang pinapasok ang kanyang sarili sa aking katawan. Sinubukan pa nga niyang gayahin ang boses ng itim kong salwal pero wala rin. Kahit pumikit pa ako, napakalamig pa rin. Wala akong ibang makita kundi ang aking sariling hubad na katawan na iniwan ng lahat ng saplot para sumama sa ibang katawan; sa mas babagay ang sukat sa kanila.Pinaghuhubad ko ang lahat ng mga lumapit; si sando, si t-shirt, si polo shirt, at si jacket. Dahil lahat sila ay parepareho din. Na iiwan ako. Iiwan naman nila akong lahat dahil sa karapat dapat nila akong iwan. O talagang napakawalang kwenta kong tao para suotin ang kahit anumang damit hanggang wala ni isa mang lilingon sa akin kundi ang sarili ko lamang na nakikita ang bukod tangi kong white briefs na kitang kita sa mga itim na ulap na patuloy na gumagambala sa aking katinuan; na hindi ko na alam kung ano ang totoo; kung dapat pa ba ako mabuhay o may iba pa na kailangan ako. Basta ang lahat sa akin ay maiitim na pangitain na di ko na kailangan pang hawakan o puntahan.



Kayakap ang sarili, binaybay ko ang kawalan sa aking panaginip upang piliting lumiwanag ang lahat; upang bumalik ang itim kong salwal sa akin. Pero hindi pa rin talaga. Hindi nagiging matulungin pati ang isip ko. Ang lahat ay pangit. Ang lahat ay hindi pabor sa akin. Hanggang sa inumaga na ako na basang basa ang unan ko sa kakaiyak ng paulit-ulit sa pangarap ko na ito lamang ang makakapawi ng kirot na aking nararamdaman sa pagkawalay niya. Tumigil na lamang ako nang mapansin ko na wala ng luhang nalabas sa mga mata ko pero hindi naman ibig sabihin nito na ayos na ako. Syet! Nariyan pa rin ang kirot sa puso ko na talagang ayaw maalis. Kahit ano pa ang kasiyahang alam ko sa mundo ay hindi ko talaga makontrol ang pagdurugo nito.


Lumabas na ang araw. Sa pagmulat ng mga mata ko, laking gulat ko sa aking nakatabi. Oo, alam ko na pinagtatapon ko sa kung saan saan ang aking mga damit. Pero, hindi ko alam kung bakit may isang grey na salwal ang masusi umakyat ng kama ko at tabihan ang hubad kong katawan. Ngayon ko lang siya nakita. Marahil isa siya sa mga salwal sa pinakailalim ng aking kabinet. Paggising ko, hinawakan ko siya. Napakagaspang ng tela; napakarami pang himulmol at halatang pinaglumaan na. Inamoy ko rin siya. Ambantot! Nakakawala ng gana kung kaya naligo na lang ako ng umagang iyon sa pag-iisip ko na baka mahugasan rin ng mabilis na pagdaloy ng tubig ang sakit na aking nararamdaman bukod sa bahong naamoy. Pero hindi pala ganun. Sa banyo, mas nangibabaw pa rin ang lamig lalo na noong natapos na akong maligo at naisipang magbihis. Sa bandang sulok ng kabinet sa dulo, parang naaaninag ko pa rin ang itim kong salwal doon na nakasampay pa rin. Nilapitan ko pero lubhang napakahirap nga talaga ang mag-isip na kunyari totoo kahit wala naman talaga roon kaya agad na bumalik ang isipan ko at tumigil sa paggawa ng mga pantasya. Wala naman talaga na siya doon at kahit kailan ay hindi na babalik. Pero sa aking paglapit sa gawing sulok na yun, hinayupak! Nakasampay doon ang grey na salwal!



Agad ko siyang hinablot na halos ikapunit ng magaspang niyang tela. Inilayo ko ang hanger sa kanya at ibinalik sa dating pagkakasampay. Gusot na gusot na naitapon ko ang grey na salwal sa sahig na siyang ikanakilabot ng puso ko nang makitang lumutang siya ng kusa sa ire at iniharap ang pwetan niya upang magkamukha; upang magsalita.


“Ako nga pala si Grey. Bago lang ako dito, pinapunta ako ni sando, t-shirt, polo shirt at jacket,” ang maamong tugod ng salwal. Matikas rin ang kanyang tindig. May katingkaran ang kulay niya at nakakamangha ang patuloy niyang paggalaw sa paligid ng kwarto ko na nakakapagpatuyo ng mga namumuong patak ng pawis ko dulot ng tirik na tirik na araw. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Hindi dahil sa wala akong masabi kundi, parang nakakakita ako ng katiting na sulyap ni haring araw sa kanya bilang bago kong pag-asa. Sana lang hindi siya bading.

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating