Friday, October 26, 2012

Si Ate Roxy, ang Proxy ng Tatay


Sa China nagtatrabaho ang tatay ko. Maglalabindalawang taon na siya roon na parang ka-edad ko na rin. Sa tagal na 'yun, kahit kailan ay hindi ko pa siya nakikita bukod sa mga lumang larawan niya na nakikita ko lagi sa kompyuter. Pero hindi ko alam kung ano talaga ang itsura ng tatay. Sanggol pa kasi ako noong iniwan niya kami. Kahit noong kinuha nga si nanay ni Papa Jesus noong isang taon ay hindi rin siya nakauwi. Hindi raw siya pinayagan ng kanyang amo.

Ang sabi ng Tita Noriel ko, hindi raw madali ang trabaho ng tatay. Delikado raw talaga kaya hindi siya dapat magpakita. Kailangan pa raw ng makapangyarihang teleskopyo para makita mo lang siya.

Dalawa kaming magkakapatid. Ako ang bunso. Ang panganay ko na kapatid ay sampung taon ang agwat sa akin. Siya si Ate Roxy. Ang sabi ng Tita Noriel ko, espesyal raw ang kapatid ko. Masyadong malapad ang ilong, tabingi ang mukha, iika ika kung lumakad, at baluktot ang dila. Kaya hindi talaga maiiwasan na mapansin siya ng mga tao.

Noong kinder, naging kaklase ko ang Ate Roxy. Pero hindi rin nagtagal ay pinatigil rin siya ng punongguro matapos may isang mag-aaral na nagsumbong na binato siya ng kapatid ko. Pero alam ko na ginawa niya lang 'yun dahil sa maraming beses na panunukso niya at iba pang mga bata sa kanya ng pakantang ’abno’ ng paulit ulit. Nasasaktan din ako kapag nakakarinig ako ng ganoon.

Dahil sa ate ko, pinangako ko sa sarili ko na galingan ko sa pag-aaral kung kaya nagiging first honor ako sa klase tauntaon simula grade 1 . Si nanay ang laging sumasabit ng aking medalya. Pero dahil wala na si inay, hiniling ko na sana makauwi na si itay para siya ang sumabit sa akin. Kahit kailan kasi ay hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na sumabit ng medalya sa akin. Sa una nagtampo ako sa kanya. Subalit pagtagal ay nakasanayan ko na rin. Masaya na akong kaharap ang isang malaking amerikana sa tukador. Ang sabi ng mga tita ko, paboritong damit ito ng tatay ko.

Minsan tinabi ko ito sa pagtulog nang sa aking pagising ay nakita kong gumalaw ang amerikana ni itay! Hinabol ko ito pero paglingon ng damit ay nalaman ko na wala itong ulo. Pero hindi pa rin ako tumigil sa paghabol hanggang may isang napakalaking teddy bear ang kumalabit sa akin. Ibinigay niya sa akin ang isang makapangyarihang teleskopyo. Dali dali ko itong isinuot at gaya ng mga sinasabi ng Tita Noriel ko, nakita ko si itay! Subalit tanging mga mata lamang niya ang aking nakikita. Napatigil si itay sa pagtakbo sabay lapit ng kanyang matang may pananabik na makita ako. Hindi na ako nagpapigil pa at sinabi ko sa kanya na sana ay umuwi na siya ng Pilipinas; na sana ay makarating siya sa aking pagtatapos.

”Makakarating ako anak,” ang sabi ni itay.

”Talaga itay! Naku hindi na ako makapaghintay!” patalon sa tuwang wika ko.

”Pero anak. Kahit makakauwi ako, hindi na ako maaaring makapagsabit ng medalya mo ha.”

”Bakit po ba ’tay hindi ka pwede magsabit ng medalya sa akin?"

”Anak. Tandaan mo mahal na mahal na mahal kita. "

"Hindi mo naman sinasagot ang tanong ko tay eh."

"Si Roxy, 'yung kapatid mo anak. Siya na lang ang magiging proxy ko. Sige anak. Hanggang dito na lang ha. Pangako. Darating ako diyan,”ang sabi ng tatay sabay takbong muli nang makita niya ang isang ibon na may baril ang tuka.

Simula ng araw na 'yun, kinuha ko ang aking mga nakaraang medalya at tinuruan ang Ate Roxy ko na sumabit ng medalya sa akin. Hindi niya rin kasi alam ito at mahirap talaga siya makatanda ng mga dapat gawin. Alam ko nahihirapan siya pero pinilit ko na matutunan niya. Hanggang pagkaraan ng ilang buwan ay natutunan niya rin.

At dumating na nga ang araw ng aking pagtatapos. Punungpuno ang buong entablado ng mga bisita, pati na rin ng mga nanonood sa baba. Nakinig silang lahat sa aking valedictory address.

"Our beloved principal, teachers, guests, ladies and gentlemen good afternoon. Siguro maiisip ng iba na marahil ay hindi na ako dadalo sa pagtitipong ito. Pero hindi. Naipangako ko kasi sa itay na patuloy akong magsusumikap sa pag-aaral kahit ano pa man ang mangyari. Alam ninyo kung bakit? Sapagkat napakahalaga ng edukasyon; ito ang magbubukas ng maraming mga pinto ng opurtunidad sa ating lahat. Siguro masasabi ko na sa patuloy na hangaring ito, matutuldukan na ang pagkapit ng bawat magulang sa patalim; sa mga panggigipit ng mga sindikato sa pagkapit nila sa pagiging drug mule para lamang mapiit at mawalay sa kanilang mga kaanak. Kung kaya sa araw na ito, huwag tayo magtapos lamang sa paggugunita kundi magtapos tayo sa patuloy na paglaban sa pagsusumikap sa ating pag-aaral. Ito ay simula pa lamang at ang wakas ay parang nasa dulo pa ng bahaghari pero batid ko na hindi pa huli ang lahat. Tayo ang pag-asa. Tayong mga kabataan ang inaasahan ng ating inang bayan!"

-----

Mga ilang oras bago pa man mangyari yaon; mga ilang oras bago ang aking talumpati; nasa bahay pa ako noon at naghahanda. Pero iba ang nasa isip ko; si itay. Alam ko talaga na darating siya. Nakailang dungaw na rin nga ako sa bintana nang may bumusina sa harap ng bahay namin. Isang malaking truck ang bumulaga sa amin. Pagtagal ay may binaba sa sasakyan kasabay ng mga kumpol ng mga bulaklak. Humagulgol ang mga tita ko. Isang kabaong ang pumasok sa bahay. Sa loob noon ay si itay.

--

"Roberto Del Pan, Jr, class valedictorian. Medal will be done by her sister."

Isang sabik na sabik na ate ang tumayo mula sa baba ng stage. Lumakad si Ate Roxy ng dahan dahan. At habang naglalakad siya, hawak niya ang isang malaking teddy bear na ngayon ko lamang nakita. Nagtatakang tumayo ako sa harapan katabi ng mga guro. Sa paglapit ni Ate Roxy, bigla niyang iniabot ang teleskopyo na suot ng kanyang teddy bear na agad ko namang isinuot. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakita ko si itay! Katabi namin siya! Umiiyak siya tuwa! Suot ang kanyang amerikano, binantayan niya si Ate Roxy sa pagkuha ng medal ko mula prinsipal at isinuot sa aking leeg. Nagkapalakpakan. Niyakap ko ang ate ko ng napakahigpit;mahigpit na mahigpit. Pagkatapos, bigla ko naramdaman din ang yakap ni itay; ang yakap na walang kaparis kahit ipagsama pa ang isandaang yakap ng mga tita sa mundo. Pagkatapos hinubad ko ang medal ko at isinuot sa kanya. Napangiti si Ate at buong galak na yumakap muli sa akin. Naramdaman ko ulit ang yakap ni itay. Napaluha ako. Napaluha rin siya sa tuwa sa hindi ko maipaliwanag na pagkakataon.

Paglingon ko sa entablado, mga ilang sandali pagkatapos ng aking talumpati, nakita ko na umalis na si itay. Parang lumulutang na alapaap palipad sa kawalan ng pamamaalam. Marahil tinawag na siya ni inay kasama si Papa Jesus. Napangiti na lamang ako hawak hawak ang kamay ng ate. Alam ko na kung nasaan man si itay, kung kailangan ko ng kayakap o tagasabit ng aking medalya, kahit ano mang tagumpay ang tamasin ko, nariyan naman si Ate Roxy - ang proxy ng tatay.

Bi Thumb rating