Monday, October 15, 2012

Isang Araw sa ika-Bente Uno ng Disyembre

Annotation:
Ito ay pangatlo sa 20 kabanata ng nobela ko na pinamagatang: "Isang Araw sa ika-Bente Uno ng Disyembre"












Kabanata 3: Ang Paglisan


Tayo ay mga samakal. Habang hinayaan ni Toog na padaanin ang mga kakaibang dayo namutawi sa isipan ni Toog ang mga sinabi ni Bantulinao. Napaisip siya. Buong buhay niya sa kagubatan, hindi niya kailanman nalaman kung sino sila, kung ano sila, at kung saan sila pupunta. Ang alam niya lang, sila ang mga puno. At siya ang bantay sa lahat ng mga punong ito. Subalit ngayon, sa mga sinabi ni Bantulinao, napagtanto ni Toog na sila'y nasa loob lamang ng isang katawan; sa katawan ng mga puno. ‘Yun ba ang tinatawag niyang samakal? 

Napagtanto rin niya ang tunay nilang katauhan pagdating ng natatanging oras; berde; lumulutang; matamlay. Sa lahat ng ito, nakaramdam siya ng panlalamig; ng kawalan ng pag-asa. Dinagdag pa iyon ang alaala ng pagkakita niya ng usok sa kabilang bundok ng mga araw na yaon. Ano kaya ’yun? Marahil may koneksyon.



 *********************** 


 Lumipas ang mga araw. Nagpatuloy pa rin ang buhay ng mga puno sa kagubatan na kinabibilangan ni Toog hanggang makalimutan nilang lahat ang nangyaring pagdalaw nila Bantulinao sa kanilang teritoryo. Nilihim ni Toog ang nakita niyang usok. Pati na rin ang interpretasyon niya ng usapan nila ni Bantulinao; pati na rin ang salitang samakal.

 Naging normal ang lahat at wala talagang nangyayaring kakaiba sa kagubatan. May mga mangilan-ngilang mga dayong mga hayop subalit hindi naman sila nagtatagal sa kanilang lugar. Nakakapanibago lamang ang mga gawain ng mga agila na namumugad sa sanga ni Apitong. Lahat sila’y balisa at parang may nasasagap na panganib na wala naman talaga.

 Nagsisimulang umunat ng mga pakpak ang mga dating mga inakay na malalaki na. Kumakampay kampay na sila sa loob ng kanilang pugad. Marahil minamadali na silang lahat ng amang agila upang makalipad na rin at makahanap ng makakain. Ang inang agila naman ay abala sa pagpupumulit sa ibang anak nito na makalipad subalit mapapansin na takot pa rin ang mga ito.

 Lumipas rin ang ilang tag-ulan at tag-init. Mga ilang araw din na hindi namamansin si Apitong at pati na rin si Toog nang may marinig sa ’di kalayuan na isang napakalakas na pagsabog. Nagising ang dalawa sabay silip ni Toog sa ’di kalayuan. Tahimik pa rin naman ang buong kinasasakupan. Marahil may nahulog lamang na kung anong higanteng bunga ng niyog sa malayo.

 Lumipas ang ilan pang mga araw at kapansin-pansin ang kaguluhan sa pugad sa sanga ni Apitong. Hindi maipaliwanag ang pag-aalala ng inang agila. Mga ilang araw na kasing hindi bumabalik ang kanyang kabiyak. Dala ang mga nahuling insekto sa paligid na pinapatuka sa inakay nasa mata pa rin ng inang agila ang pag-asang babalik pa rin ang kanyang asawa. Napapikit si Toog na sana’y makabalik nga ang amang agila.

 Isang umaga, laking gulat ni Toog sa matinding paghikbi ni Apitong. Ito ang kanyang unang beses na nakita ang katabi sa ganitong kalagayan.

 ”Toog, ang mga agila ko. Nawala na.”

 Isang bakanteng pugad ang tumambad kay Toog. Inisip niya na maaaring tinuruan lamang ng mag-asawa na lumipad ang kanyang mga inakay subalit sa ilang araw na hindi na sila nasilayan pa ang mag-anak, batid ni Toog na malamang lumipat na ito ng mapupugaran.

 At simula noon, hindi na kailanman nakausap si Apitong. Tahimik lamang ito sa lahat ng oras. Kahit anumang bagyo ang dumating hindi siya kailanman nagbigay ng reaksiyon. Isang bagay na lubhang pinag-alala ni Toog. Kahit sa anong hangin, walang pakialam si Apitong kung mahagip pa ang kanyang mga sanga hanggang sa unti-unti na itong nasisira. Tumagilid na ang puno ni Apitong hanggang sa isang gabing malakas ang hangin ay tuluyan na itong natumba. Walang magawa ni Toog. Ito na marahil ang talagang nakatalaga sa buhay ng katabi.

 Mga ilang anay at langgam na rin ang dumaan sa natumbang puno ni Apitong subalit kahit isang salita ay walang narinig si Toog sa kanya hanggang isang araw ay may lumabas mula sa puno niya na berdeng usok. Tumayo lamang ito sa harapan ng puno at lumayo. Mabilis lamang ang mga pangyayari na hindi naman gaanong pinansin ni Toog. May natatandaan siyang ganoon dati subalit hindi niya lubos maalaala. Basta ang alam ni Toog ay wala na ngang buhay ang puno ni Apitong. Pinatay niya lang ang kanyang sarili. 



*********************** 


 Dumaan na ang panahon ng tag-init subalit dahil sa mga lilim ng mga malalaking puno sa paligid, napapanatili nitong angkop na panirahan ng mga hayop ang kagubatan. Ang batis sa ’di kalayuan ay hindi pa rin nagbabago. Maririnig pa rin ang mga mala-musika na mga kaluskos ng pagdaloy nito sa mga kabatuhan. May mga ilang hayop pa rin na nananahan sa mga malalaking ugat ng mga puno pati na rin ang mga kulisap na nangaghapon sa mga berdeng mga halamanan.

 Nagising si Toog isang araw dahil sa kakaibang paparating. Hinanda niya ang kanyang sarili. May halo siyang takot. Hindi niya alam ang kanyang gagawin kundi makiramdam pa lalo. Kumaluskos sa ibaba. Palakas ng palakas ito hangang sa matanaw ni Toog ang paparating. Mga unggoy na naman! Dalawa silang unggoy na papunta sa batis. Berde ang damit ng dalawa na halos kakulay ng mga halaman. Mapapansin na ang isa ay hindi normal sapagkat kinakailangan niya ng akay ng kasama. Duguan ito. Ang buong katawan nito ay duguan. Nang marating ang batis ay kapwa sila napaupo roon. Alam na ni Toog ang dapat niyang gawin sa oras na manira ang dalawa sa sinuman sa kanyang kagubatan. Nakahanda na ang kanyang matinding hangin; ang kanyang paghihiganti.Subalit wala namang ginawa ang dalawang dayo. Umupo lamang ang mga ito sa kabatisan. Hiniga ng kasama niya ang duguang dayo.

 Nakarinig muli ng pagsabog si Toog sa malayo. Sunud-sunod ito na pagsabog. Batid niya na narinig rin ng dalawa yaon dahil agad-agad na silang lumayo hanggang sa hindi na sila nakita ni Toog. Hinid niya maintindihan ang nais ng mga dayong yaon. Basta ang alam lang niya takot sila sa mga pagsabog hanggang sa lumipas muli ang ilang linggo at buwan. Hindi na ito kailanman pinag-isipan ni Toog.




 *********************** 



 Isang mainit na araw napansin ni Toog ang iilang kumakaluskos sa ibaba. Pinakiramdaman niya ito at naalaala na naman ang dalawang dayo kamakailan lamang. Subalit sa oras na yaon, limang dayo ang dumating malapit sa kanyang paanan. Wala ng duguan ni isa sa kanila. Naglalakad lamang sila ng tuwid pa sa mga unggoy. Gaya ng dati, bilugan ang mga ulo nito. Sila’y may mga animo'y dalawang sanga at mapapayat na katawan. Kakaiba sa mga nakaraaang mga unggoy na dayo ang dumating. Mas maiingay ang mga ito. Nakaramdam si Toog ng panganib. Naghanda siya ng kanyang kapangyarihan. Marahil may pinaplano silang gawin.

 Napansin ni Toog ang mga dala ng mga dumating. Makikitab ito na animo'y napakatuwid na sungay ng mga usa. Pantay ito na kumikinang sa tuwing natatamaan ng sinag ng araw. Lilingun-lingon sila sa paligid na parang may hinahanap na kung ano hanggang paglaon ay itinuro nila ang puno ni Toog.

 Natakot si Toog. Napansin niya na pinalibutan siya ng mga ito. Hindi pa muna umalma si Toog. Wala pa naman silang ginagawa sa kanya. Alam niya na baka kabilang ito sa ibang nilalang na dumadaan sa kanya paminsan-minasan upang tumutuka-tuka ng iilang ligaw na uod sa kanyang paligid lalo na sa mga anay na nabubulok sa katawan ng dating katabing punong si Apitong.

 Umingay sa buong kagubatan. Animo'y mga ibon ito na may malalalim na boses. Naisip ni Toog na kakaiba ito sa lahat ng kanyang mga naririnig sa kagubatan. Sa huli niyang pag-iisip, naramdaman na lamang niya na nanigas bigla ang kanyang buong katawan. Umingay ang buong kagubatan. Alolong ito ng ibang mga puno. Nakaramdam agad ni Toog ng sakit; ng hapdi. Alam niya na ganoon din ang nangyayari sa iba pang mga puno sa paligid. Pinilit niyang lumaban; pumikit; isaboy ang kanyang makapangyarihang hangin subalit sa oras na yaon, wala itong silbi. Hindi na tinatablan ang mga bagong dayo. Tumindi ang pagtitilian ng ibang mga puno. Nakaramdam si Toog ng pagkapaso. Sobrang pagkapaso. Hindi niya ito maipaliwanag hanggang sa makarinig siya ng mga saliw ng mga tunog ng animo'y mga naglalarong kawayan. Palakas ito ng palakas hanggang makita niya ang mga nangagtalunang ang mga limang dayo sa ibaba na sumasabay sa ritmo ng tunog ng kawayan. Umikot ng umikot sa harap ni Toog at pasayaw; o pakanta na sumisigaw:

 "SAMAKAL SAMAKAL.. Kami'y dinggin.. Bigyan mo kami.. bigyan mo kami ng saganang aanihin. SAMAKAL SAMAKAL... isang sariwang bukirin... dugo iaalay.. kami'y sundin..."

 Sa pagpatak ng unang dugo ng manok sa kanyang harapan, napakatindi ng hapdi ang naramdaman ni Toog. Parang mawawalan na siya ng buhay. Tumindi ng tumindi ito. Pinilit niyang maging malakas; lumaban subalit wala siyang magawa. Tiningnan niya saglit ang buong kagubatan. Lahat sila ay nagmamakaawa. Ang ilan naman ay unti-unting nawawalan na ng ulirat. Nagpatuloy ang sigaw; sayaw; padyak ng mga limang dayo. 

"BOOMERANG BOOMERANG.. ala Fiesta... "

 Uminit na. Nakaramdam na ang lahat ng matinding init. Hanggang sa hindi na niya makayanan ng lahat. Hanggang mawala na ang lahat.

 Umingay ng mas lalong malakas. Animo'y pinaghalong malalakas na ingay ng mga kuliglig at iba pang kulisap. Nakaramdam si Toog ng napakatinding sakit. Dinig din niya ito sa iba pang kasama. Napakasakit. Animo'y sumusugat. Parang iniisa-isang sinusugatan ang kanyang katawan. Paglaon, nakaramdam si Toog ng panlalamig; ng gaan; ng hangin. Sa kanyang unang pagharap, isang malaking puno; isang puno na pinakamayabong, pinakamataas sa buong kagubatan na wala talagang sanga ay bulagta na sa kanyang harapan.

 Pinilit niyang lumaban. Subalit napansin niya na wala na siyang lakas na kahit ang kanyang sarili ay hindi na niya kayang dalhin.Unti-unti, nakikita niya ang kanyang kagubatan. O hindi na nga marahil itong dapat tawaging ganoon. Ang lahat ng mga puno'y nangagtumba. Nakahiga ang lahat sa matigas na lupa. Wala silang tinira.

 Humangin. Nakita ni Toog ang mga berdeng nilalang. Mapusyaw ito na may nanghihinang kulay ng berde na may korteng naaagnas na puno ang kabuuan subalit hindi mawari ang buong katawan. Nakalutang lamang ang mga ito.

 Umusok naman sa ’di kalayuan. Ang ibang mga maliliit na halaman at puno ay nasusunog. O ’di kaya’y sinunog ng mga dayo. Marahil ganun na nga. Sigaw; tili; lahat na halos ay nakakabinging naririnig ni Toog mula sa mga nasusunog na mga batang kasama. Subalit wala siyang magawa. Humangin sa direksyon ni Toog na siyang muling ikinakalat ng apoy. Sumabay ang usok na papaakyat sa kagubatan. May naalaala si Toog.

 Si Bantulinao.


=katapusan ng kabanata 3 =

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating