Monday, October 15, 2012

Isang Umaga sa Ayala


umaga
sisikat muli ang araw
mula silangan na parang 
parabula sa mga mata kong
puyat mabigat na may daladalang
mga natitirang pangitain ng mga
numero ng teleponong paikut ikot
sa utak kong walang laman kundi
mga paeklat na pagsasagot sa
walang katapusang mga tawag
ng mga hindi ko naman kaanu ano
sa mga salitang peke ang emosyon
walang galit walang saya kundi
blangko
gaya ng mga ritmo ng malabong
telebisyon sa bus na ito papunta
sa aking inuupahang lungga
sa dulo ng Makati
sa uulitin
tutulugan ko na naman 
ang lahat ng mga pasaherong
nagdidikitan nagsisiksikan
pipikit sa walang kamatayang
pagtupi tupi ng mga boses
ng mga nag-babangayang
konduktor at pasaherong nagkapikunan
pipikit muli ako pero magigising
din sa pagbaba ng katabi kong
may katabaang ale
at sa hindi inaasahang sandali
sa nakakaantok kong biyahe
gagambala sa aking tulog na puso
ang pagtabi ng isang babae
isang prisesa na nakakahalina
ang pananamit
dinikitan niya ang malamyos
kong braso na sa loob
ay pawang nag-init
hindi ko maintindihan na
parang nagkokonekta sa
nagsisimulang magbaga kong puso
lumingon ako
lumingon din siya
subalit agad ding
umiwas sa pagtatagpo
ng mga mata namin
ng mga mata niya sa mata kong
nagsusumikap na makuha siya
ng aking kukote
makabisote ang mapupula 
niyang labi
matangos na ilong
mapupungay na mga mata
sa pagliko ng bus sa ayala
umapoy ang aking pagkatao
sa madiing pagdirikit 
ng kanyang braso
sa tigang kong katawan
parang sa isang segundo na yaon
naramdaman ko siya
minahal ko na siya
nabuntis ko siya
papakasalan na niya ako
kahit imposible
basta naramdaman ko siya
ramdam na ramdam
subalit 
napakalungkot dahil
malapit na ang Paseo
at maya maya ay
matutuldukan rin ang
ligaya sa piling niya
huwag!
huwag mo akong iwan!
gagawin ko ang lahat
para mahalin mo lang ako!
pero sadyang mapagkait
ang mundo
pinili pa rin niya 
na umalis
kumalas sa pagkakadiin
kumalas sa aking inaalay na pag-ibig
tumayo siya sa aking tabi
iniwan ako
ng walang lingun lingon
walang paalam
basta ganoon na lang
bumaba siya ng bus
naglakad sa malawak 
na pedestrian ng Ayala Avenue
sa pagtakbong muli ng bus
nahalo na siya sa iba pang mga tao
nahalo na siya
sa iba pang mga taong
minsan ay umupo rin 
katabi ko
minsan ko ring minahal
binigay ang lahat
subalit paglaon ay mang-iiwan
din naman
isang panandaliang aliw
sa akin na patuloy na nangangarap
na may makaupo sa tabi ko
kahit sa susunod pa na biyahe.

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating