Tuesday, October 23, 2012

ginising niya ako sa aking pagkakahimlay




ginising niya ako sa aking pagkakahimlay
kahit pa nakabaon sa puso ko ang ilang
bubog ng nakaraan sa loob looban sa bandang
gitna kakikitaan ng mga nagyeyemang mga dugo
mula sa matagal na pagdadalamhati
sa katigangan ng mga nakabalumbod na mga kalamnang
naging kuta ng mga pinagsama-samang
pundidong mga bombilya na kunyari'y
totoong nakakailaw sa loob kahit ang totoo'y
paulit ulit na nasasaktan tanggapin ang mga
sa mga isinusuksok niyang kolesterol hanggang
sa loob looban ng pinakamaliit kong mga litid
sa puso na nagtitiis ng sakit kasama ang mga
lintik na pumipilantik na memorya
ng pagdurusa sa kabiguang maangkin
ang tinatamasang glorya na kahit kailan nama'y
hindi naging sayo bagkus pinagpupumilit
na isipin na tanggapin na kunyari'y totoo
ang kasayahan sa kanyang piling kahit
sa bawat sandali ay pilit mong kinakaya
ang pagpasok ng mga papatak patak
na mga tinik papasok sa puso kong
umaasa.



ginising niya ako sa aking pagkakahimlay
hinukay ang mga semento sa paligid ng aking nitso
binali ang mga nakaharang na bakal sa baba
binasag ang kahit marmol pa na lapida
hanggang sa lumabas mula sa nahukay niyang lupa
ang nangagtatakas na mga masakit sa matang
mga maduduming mga memorya
mga alikabok ng mga panahon; ng mga tagpo
hanggang sa makita ang isang ataul
ng aking sariling nagpupumiglas na lumabas
sa nakakulong sa nakaraang gawa
sa mamahaling metal ng pagkukulong sa sarili
sinipa-sipa niya ito hanggang sa umumbok
ang mga marka na hindi ko inaasahan mula sa labas
at malaman na tinutulungan niya ako
doon siya sa labas at hinahanap ang kahit isang
hawakan upang ako ay makalabas hanggang
sa isang napakalakas niyang sipa ay nagbuksan
niya rin ito sa wakas na siyang kinabigla niya
o marahil ikinabigla ko rin sa tindi na pagkakabagsak
nito sa lupa ng paglimot sa kung ano ang dating
pinaniniwalaan kong tama; ang dating pinaniniwalaan
ko na masaya; ang dating akala ko ay aking
ikaliligaya.


ginising niya ako sa aking pagkakahimlay
pinagpag ang mga natitirang lupa sa taas
ng aking katawang halos naagnas
pero wala siyang pakialam
hinawakan niya ang aking dibdib
kinatok ang aking puso sa loob
na siyang nagpasimula ng bagong pag-aalab
pagtunaw ng mga namumuong
dugo sa loob; sa tagpong 'yun
nagising niya ang aking puso
at tumibok muli; nabuhay at nalaman
na may nais pa palang kumatok
mula sa labas kahit mahina;
basta tulungan mo lamang ang iyong sarili
na umalis sa pagkakahiga sa ataul
na nagmamarka ng pagkakulong mo
sa nakaraan sa pag-ibig na
walang katuturan


ginising niya ako sa aking pagkakahimlay
siya lang pagkaraan ng ilang taon ding
pagkakahimlay ko sa ilalim
ng puntod na ako rin naman ang gumawa
pinilit kong tumayo gamit ang naging
kalansay ko nang mga kamay at paa
tumayo ako sa kanyang harapan
sa aking bagong pinakamamahal
hawak hawak ang puso ko
na nagsimula nang tumitibok;
tumibok nang walang tigil
buong buo ko itong iniaalay
siguro hindi ngayon
marahil bukas o sa susunod pa na bukas
kung kailan man kaming dalawa
ay maalis sa napakalaking sementeryong ito
kung saan lahat ng mga nasaktan at sinaktan ay
nakahimlay.

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating