Nagtataka ba kayo kung bakit ang ganda ng takip-silim sa Manila Bay? Ako rin. Kaya ito ang aking naisip.
Palubog na ang
araw. Maririnig na naman ang misteryong tunog ng kampana sa Isla Gintu. Sa kung
saan ito galing, at kung sino ang gumagawa ng misteryosong tunog ay walang
makapagsasabi. Basta ang alam lamang ng lahat ng naninirahan sa isla, ito ang
hudyat na magtatapos na ang araw; na maghihiwalay na ito sa dilim. Ito rin ang
hudyat na kailangan nang magsiuwian ng lahat.
Mahirap kasing gabihin sa daan lalo pa't pinagbawalan na ng datu noon pa
man ang kahit anumang pagsisiga ng gaya
ng mga winalis na mga dahon mula sa mga puno lalung-lalo na ang pagsisindi ng
mga tuyong dahon ng niyog bilang ilaw sa dilim dahil maaaring mauwi na naman
ito sa hindi mapigilang sunog. Gawa sa nipa at iilang kahoy kasi ang lahat ng
kabahayan sa Isla Gintu. Sa kaunting dampi lamang ng anumang masisindihang
tuyong dahon ay natitiyak ang kapahamakan ng sunog sa mga tabi-tabing
kabahayan. Kaya bawal ang lahat ng uri ng pagsisiga. Kinakailangan lamang na
umuwi ang lahat ng maaga bago pa man dumilim. Kung kaya sa oras na marinig ng
buong isla ang tunog, mapapansing nagsisitakbuhan na ang lahat pauwi sa
kani-kanilang pamamahay. Nagsisimula na ring isara ang mga bintana ng bawat
kabahayan. At pagkatapos ay sinisigurado nila na nakauwi na ang lahat pagsapit
ng dilim.
Sa pagtigil ng
tunog ng kampana, tatahimik na ang buong isla. Ang iba'y taimtim na
mag-oorasyon para sa iba't iba nilang anito upang ipanalangin ang susunod na
paglabas ng araw. Ang iba nama'y mananahimik na lamang sa pagsasalo ng kanilang
hapunan sa dilim at pagkatapos ay matutulog na kaagad. Ganito ang pamumuhay sa Isla
Gintu.
Saan nga ba
talaga nanggagaling ang misteryosong tunog ng kampana tuwing maghihiwalay ang
araw at gabi? Kahit ang pinakamatanda na taga-isla ay walang maisagot dito.
Basta ang sabi lamang niya, ganito na talaga ang nangyayari. Pagsapit ng
paglubog ng araw ay tutunog lagi ito na maririnig ng buong isla.
Marami na rin
ang nagtangka na tukuyin ang kinaroroonan ng kampana o 'di kaya kung makikinig
ka sa mga nagdedebateng naggagaling-galingan sa isla ay sinasabing dapat
tawagin itong misteryosong tunog lamang. Wala pa naman kasing nakakita rito.
Malay raw nila baka hindi naman ito kampana. Baka raw mga malalakas na pangil
ng dragon ito na naghahanda sa kanyang paglipad o di kaya'y maligno na
naghahanap ng birheng mapapangasawa.
Mga ilang tao
na rin ang nagtangka na hanapin ang tunog subalit nauuwi lamang sa wala dahil
sa bilis na paghihiwalay ng araw sa dilim. Bawal naman kasi na magsindi ng
tuyong dahon ng niyog o anumang klaseng pagsisiga. Bukod sa parusa ng datu, baka
magalit din ang mga anito ang sabi naman ng matatanda.
Isang araw,
isang grupo ng mga nagdedebate ay nagmungkahi sa datu na payagan sila na
tukuyin ang kinaroroonan ng misteryosong tunog. Sana raw ay payagan sila na
magsindi ng tuyong dahon ng niyog papunta sa kinaroroonan nito. Kailangan daw
nila malaman kung ano at saan nanggagaling ang tunog upang matapos na ang lahat
ng mga haka-haka at walang katapusang pagtatalo.
Sa una ay hindi
pumayag ang datu. Pero dahil sa nakakarinding mga pagtatalo ng mga nagdedebate
sa harap ng kanyang bahay araw araw at ilang napapabalitang mga bulong ng
pagpayag ng kanilang mga anito sa kanyang punong babaylan ay napilitan din
siya. At para mapabilis ang lahat, pinagpasyahan niya na gawin itong isang
paligsahan. Kung sinuman ang makakapagbigay ng linaw sa misteryosong tunog ay
bibigyan niya ng isang ektaryang lupang pansaka. Subalit kailangan daw ang
matinding pag-iingat sa pagsisindi ng tuyong dahon ng lahat ng mga
kalahok. Kailangan malayo sila sa mga
kabahayan. Sumang-ayon naman ang lahat.
Dumating ang
araw ng patimpalak. Halos lahat ay nagpalista; bata man o matanda. Ala-singko
pa lamang ng gabi ay nagkumpulan na sila sa nakatalagang espasyo malayo sa mga
kabahayan. Ang mga tuyong dahon ng niyog ay nakahanda na ring sindihan. Lahat
sila'y nag-aabang sa misteryosong tunog.
Sumapit ang
paglubog ng araw. Nagkatipun-tipon ang lahat. Naghihintay sa misteryosong
tunog. Pagkaraan ng ilang saglit ay tumunog na ang sinasabing kampana. Isang
malaking tunog ang dumagundong sa buong isla. Papikit na nakinig ang lahat ng
kalahok. Kailangan nilang malaman kung saan ito galing. Nagsimulang magsindi ng
sulo na gawa sa tuyong dahon ng niyog ang lahat ng kalahok at mabilis na
nagsitakbuhan papunta sa kakahuyan. Hinabol nila ang tunog kung saan ito
nanggagaling. Tumakbo sila nang tumakbo at napagtanto nilang lahat na
nanggagaling ito sa kaloob-looban ng kagubatan. Subalit maikli lang talaga ang
tunog. Hindi pa sila nakakapasok sa kakahuyan ay tumigil na ito. Kung kaya't
wala rin silang natagpuan. Ang iba'y nagsipag-uwian na lamang. Lumalalim na
kasi ang gabi.
Anila'y ang
kagubatan ay lubhang mapanganib sa dilim. May kapre, diwata at kung anuanong
engkanto ang nananahan doon. Kung kaya, ang ilang kalahok ay tinandaan na
lamang ang huling puwesto nila sa may bukana ng kagubatan. Babalik raw sila
roon kinabukasan para sa kasunod na tunog. Ang iba naman ay matapang na
namalagi sa loob ng kagubatan gamit ang dala nilang tolda. Doon na sila
magpapalipas ng gabi. Natitiyak nila na ang pagsubaybay sa tunog ng ilang gabi
ay malalaman din nila ang misteryo.
Sumapit muli
ang paghihiwalay ng araw ay gabi, nakinig na naman ang ibang natirang kalahok.
Nakiramdam silang muli habang nakahanda na ang lahat ng kanilang mga gamit at
pagkain sa susunod pa na mga gabi ng pasubaybay.
Dumagundong muli sa buong isla. Hindi na nagpatumpik-tumpik ang mga kalahok kundi
sundan ito. At tama nga sila. Ang tunog ay papasok sa kagubatan. At gaya ng
dati, dahil sa ikli ng tunog napatigil muli ang lahat. Marahil sa puso pa ng
kagubatan malalaman ang kinaroroonan ng tunog. Nagsiuwian na ang ilan sa takot
na baka nga maligno ang gumagawa ng tunog. Mga mangilan ngilan na lamang ang
nanatiling matatag. Nagtayo na lamang sila muli ng tolda at buong tapang na
sinabi sa sarili na kakayanin nila ito. Kakayanin nila na manatili at maglakbay
muli sa susunod na paghihiwalay ng araw at gabi.
Mga ilang araw
at gabi na rin ang nagdaan. Paunti na ng paunti ang mga naghahanap sa tunog
hanggang sa mabawasan nang mabawasan ito mula sampu hanggang lima, lima
hanggang tatlo, tatlo hanggang dalawa, hanggang sa iisa na lamang ang natira.
Siya si Dagohoy. Isang binatang anak ni ka-Temyong. Payat ang kanyang
pangangatawan subalit kakikitaan ng katatagan baon baon ang pangako sa ama na
siya'y magbabalik para sa kasagutan. Sa katunayan, matagal nang pinapangako ng
datu na ibigay sa kanila ang kanilang lupaing pataniman. Subalit hindi ito
maibigay sa kadahilanang wala na sa kanila ang karapatan sa mga ito. Mga ilang
buwan ang nakakaraan ay isang galyon lulan ng mga mestizo ang dumaong sa
kanilang lugar dala dala ang isang batang rebulto. Sinasabing ito ang tunay na
nagmamay-ari sa lahat ng lupain na agad namang pinaniwalaan ng datu lalo na ng
mga taga-kapatagan. Minsan nang sila'y napadalaw sa kanilang datu ay
nakakagilalas ang sinasabi niyang kalakasan sa kanyang pagtanggap sa batang
rebulto. Siya raw ang panginoon ng lahat ng panginoon na mas malakas pa sa
kanilang de-kahoy na mga anito na pinatapon na niya sa labas. Ang batang
rebulto raw ang tunay na may karapatan sa lahat ng lupain maging sa kanilang
mga buhay. Kung kaya kailangan raw nila magbayad ng buwis. Simula noon ay hindi
na sila kaagad nakakagamit ng kanilang pansakang lupain. Kailangan raw muna ng
paalam sa batang rebulto kapalit ng iilang pilak na katumbas ng iilang sako ng
mga pinaghirapan nilang pananim. Hanggang sa ipakilala sa kanila ang salapi na
gawa sa iilang piniping pilak at tanso na siyang kinakailangan upang ibayad sa
tinatawag na renta. Dito nagsimula ang kanilang kalbaryo sa pagbabayad dito
lalo pa't minsan ay hindi man lamang umuulan. Kaya sa gabing nagpatawag ang
datu nila ng patimpalak kung saan mamimigay ng lupang pansaka ay hindi na
nagpatumpik tumpik pa si Dagohoy. Ito na ang pagkakataon niya para makapagsaka
na walang anumang binabayarang renta.
Sa gabing yaon,
sumapit muli ang paglubog ng araw. At gaya ng inaasahan, tumunog muli ang
misteryosong tunog ng kampana. Nagpakiramdam si Dagohoy. Tumakbo siya sa bawat
puno na parang may hinahabol. Kailangan niyang magmadali dahil alam niyang
napakaikli lamang ang tunog. Sa kanyang pagtakbo hindi na siya nag-aksaya ng
oras at nagpatuloy sa paghahanap. Hinabol niya ang tunog hanggang sa makarating
siya sa isang ilog. Tumigil muli ang tunog. At sa isip niya, isang panibagong
gabi na naman ang naghihintay upang mahanap niya ito. Subalit habang siya'y
nag-iisip sa tabi ng batis, may nakita siyang isang napakagandang dilag na
naliligo roon. Laking gulat niya sapagkat hindi niya malaman kung papaano
mabubuhay ang isang dilag sa loob looban ng kagubatan. Dali-dali niyang
nilapitan ang dilag. Pulang pula ang kanyang mga labi at pisngi at bakas na
bakas ang kagandahan nitong ngayon lamang nasilayan ng binata. Kinausap niya
ito at nalamang siya si Prinsesa Susdek na anak ni Datu Karigtan ang may sakop
sa kabilang banda ng buong isla. Hindi makapaniwala ang binata na may kaharian pa
bukod sa kanila.
Dinala ng magandang
dilag si Dagohoy sa kanilang kaharian at pinakilala sa datu. Kapansin-pansin
ang karangyaan ng lugar pati na rin ang malayang paggamit nila ng apoy sa buong kinasasakupan bilang
sulo. Hindi ito pinagbabawal sa kanila.
"Ano ang
iyong pakay at napadaan ka sa aking kaharian binata?" ang agad na tanong
ng datu sa kanya nang magkaharap sila.
"Isa akong
manlalakbay sa kabilang parte ng isla kamahalan sa ilalim ng pamumuno ni Datu
Umayaw. Hinahanap ko ang kasagutan sa misteryo ng mahiwagang tunog. Isang
gantimpala ang nakaabang sa akin sa kasagutan ng misteryo."
Napatawa ng
malakas ang datu. Nakisabay na rin ang karamihan. Napangiti naman si Prinsesa
Susdek. Napangiti rin si Dagohoy sa kanya. Pinatahimik ng datu ang tawanan ng
lahat at nagsalitang muli.
"Dalhin mo
ako sa iyong kaharian."
"Bakit
mahal na datu? Alam niyo ang kasagutan?"
"Ako ang
magsasabi sa iyong datu."
"Subalit,
papaano sa akin ibibigay ang gantimpala kung kayo ang magsasabi?."
"Ibibigay
ko sayo ang lahat ng iyong kahilingan na higit pa sa iyong hinahangad. Mamili
ka, babae, lupa, kahit ano na nandito ay maaari mong angkinin."
Napangiti si
Dagohoy at itinuro niya ang daan papunta sa Isla Gintu. Palubog na ang araw
nang sila'y dumating. Subalit hindi kasiyasiya ang pagsigaw ni Datu Karigtan sa
kanya upang ilabas ang kanyang kinikilalang datu. Nagulat si Dagohoy at tumakbo
na lamang papunta sa kanilang pinuno. Hindi na niya pinansin ang mga nagsisilabasan
na mga mandirigma ng dalawang kampo. Mabilis namang nagkaharapan ang dalawang pinuno.
"Batid ko
ang sagot sa mahiwagang tunog Datu Umayaw." ang sabi ni Datu Karigtan.
"Ano ang
kasagutan?"
Tuluyan nang
lumubog ang araw kasabay ng pagdagundong ang misteryosong tunog sa isla.
"Ang kasagutan
ay may kaukulang halaga Datu Umayaw."
"Ibibigay
ko ang isang ektarya kong lupain sa iyong kasagutan Datu Karigtan."
Napatawa ng
malakas si Datu Karigtan.
"Hindi ako
nag-aasam ng papatakpatak lamang na kayamanan."
"Kung gayon, ano ang iyong nais?"
"Nais kong
mapasailalim ka sa aking kapangyarihan bilang iyong Rajah."
"Para na
ring ibinibigay ko ang lahat lahat sa isang kasagutang wala namang halaga sa
aming pamumuhay. Maaari na kayong umalis."
Sa pagtigil ng
misteryosong tunog nagsindihan ng sulo ang mga mandirigma ni Datu Karigtan.
Agad na sumenyas si Datu Umayaw at nilabas nila ang kanilang mga sanduko.
Nagsimula ang labanan na siyang kinasawi ng karamihan. Nangagsunog ang lahat ng
mga kabahayan. Ang mga kababaihan ay nagtangisan. Sa kahulihulihan ay nagapi si
Datu Umayaw. Binihag ng mga mandirigma ni Datu Karigtan ang lahat ng mga
nakaligtas, bata man o matanda. Pwede raw kasi itong ibenta sa mga dayuhan
bilang mga alipin. Subalit hindi nila binihag si Dagohoy na lubhang balisa sa
lahat ng naganap. Pati ang kanyang amang si ka-Temyong ay nasawi sa labanan. Wala
siyang nagawa kundi umiyak.
Pagdating nila
sa kaharian ni Datu Karigtan, hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin.
Kinasusuklaman na kasi siya ng kanyang mga kababayan na bihag. Balisang balisa
siya hanggang sa mapansin siya ng Datu.
"Tama na
ang hinagpis bata. Dahil sa iyo ay mas napalago ang aking kinasasakupan. Dahil
diyan, gaya ng aking ipinangako, maari mong hilingin ang kahit ano sa aking
kaharian. Babae? Kayamanan? Lupain?"
"Mahal na
datu. Batid mo ba talaga ang sagot sa misteryosong tunog?"
Napatawa ng
malakas ang datu. Ang ilan ay nakisabay rin.
"Ang
totoo'y hindi ko alam."
Biglang namuo
ang galit ni Dagohoy. Niloko lamang pala silang lahat nito. Subalit pinigilan
na lamang niya ang kanyang sarili at nag-isip kung ano ang kanyang gagawin.
"Bata ano
ba ang iyong kahilingan?"
"Mahal na
datu, ibibigay mo ba ang kahit ano kong kahilingan?"
"Oo
bata."
"Nais kong
hingin ang kamay ng iyong anak. Si Prinsesa Susdek."
Nagulat ang
datu. Subalit dahil sa kanyang pangako at gusto naman ng kanyang anak ang
binata ay pumayag na rin ito. Pagkaraan ng ilang araw, ginanap ang pag-iisang
dibdib ng dalawa sa kapangyarihan ng kanilang punong babaylan.
Isang madilim
na gabi, sa hindi inaasahang pangyayari biglang nagkasunog sa kanilang isla.
Marami ang nasawi sa trahedya kasama si Datu Karigtan. Ito rin ay kinasawi ni
Prinsesa Susdek. Lubhang nalungkot si Dagohoy. Sa pagbabangon muli ng kaharian ay tinagurian nang datu si
Dagohoy subalit hindi siya naging masaya. Lubos siyang nagdadalamhati sa
pagkawala ng kanyang kabiyak. Halos araw araw ay umaalay siya sa kanilang mga
anito upang ibalik ang buhay ng kanyang pinakamamahal. Hanggang isang araw, nagpakita
sa kanyang panaginip si Osana, ang anito ng dagat.
"Dagohoy
aking butihing anak. Ano ba ang gusto mo mangyari? , ang sagot ni Osana sa
hindi mabilang na pagtawag nito sa kanya.
"Parang
awa mo na mahal na Osana. Gagawin ko ang lahat para bumalik ang buhay ng aking
kabiyak. Ako ngayo'y nag-iisa! Hindi ko alam kung paano ako mabubuhay na wala
siya!"
"Aking
anak, ang buhay niya ay nakatalaga nang matapos sa tagpong ito kung kaya't
hindi na maaari pa na ibalik ko pa sa iyo ang kanyang nasirang katawan."
"Gagawin
ko ang lahat. Lahat lahat kahit mahagkan ko lamang siya. !"
"Batid ko
ang iyong daing kung kaya't pagbibigyan ko ang iyong hiling subalit kailangan
mo itong paghirapan. Matutupad lamang ang iyong kahilingan kung masasabi mo
kung ano ang misteryo ng tunog bukas sa pangalawang pagsapit ng takip-silim."
Nawala na si
Osana. Sa tirik na tirik na araw nagising si Dagohoy. Hindi niya alam ang
susunod na gagawin. Sumapit ang paglubog
ng araw. Inabangan ni Dagohoy ang tunog at inatasan ang buo niyang hukbo na
abangan ang misteryosong tunog. Gaya ng dati, dumagundong ang buong isla. Mabilis
na nagsitakbuhan ang buong hukbo ni Dagohoy hanggang sa tumigil ito. Iniulat
nila na sa loob ng kagubatan ang tunog.
Nagpalakad
lakad si Dagohoy ng gabing yaon at nag-isip. Papasok siya sa gubat. Alam na
niya kung saan siya dapat maghahanap. Kinabukasan bago pa man lumubog ang araw
ay palihim siyang umalis sa kanyang bahay hanggang sa marating niya ang batis
sa loob ng kagubatan. Ito ang lugar kung saan niya nasilayan ang kanyang
kabiyak; ang lugar kung saan niya
malapitang narinig ang misteryosong tunog. Sa kanyang paglapit sa batis, nakita
niya ang kagandahan ng lugar. Punong puno ito ng makukulay na mga bulaklak. Sa
paligid ng batis ay may mga water lily na masugid na iniiwasan ng mga
nagsisipaglanguyan na mga gansa. Nakinig si Dagohoy dahil baka sa ilalim ng
sapa naroon ang mahiwagang tunog. Subalit wala siyang anumang narinig. Naglakad
pa siya nang naglakad. Napapansin niya malapit na lumubog ang araw. Hanggang
naisipan niya na umakyat sa pinakamataas na bukid. Mabilis niya itong inakyat
hanggang marating niya ang pinakatuktok; isang bangin ito na maituturing kung
saan pahalikhalik ang tubig dagat sa ilalim. Tanaw niya mula dito ang kabuuang
isla. Subalit wala siyang naririnig pang tunog. Hanggang sa lumuhod na lamang
siya at dumapa sa langit.
"Patawarin
mo na ako Osana! Oo ako ang may pakana ng sunog. Ginawa ko lamang yaon sa aking
paghihiganti sa datu. Masyado ko ring inasam ang kapangyarihan subalit hindi
ako naging masaya!"
Palapit na ang paglubog ng araw kasabay ng malalakas
na hampas ng alon sa ilalim ng bangin. At nang ang araw ay palapit na sa
kanluran ay may nagsalita mula sa kalangitan.
"Dagohoy, ako
ay natutuwa sa iyong pagsisisi. Talagang ang kasakiman ay walang maididulot na
mabuti."
"Patawarin
mo ako Osana. Ngayon ba ay maari ko nang masilayan ang aking kabiyak?"
"Kung
gayon ano ang kasagutan?"
"Hindi ko
alam mahal na Osana. Pero palagay ko yaon ay nanggagaling sa dulo ng karagatang
ito.”
"Ipagpaumanhin
mo Dagohoy, hindi ko na maibibigay sa’yo ang iyong ninanais."
Unti-unti nang
lumayo si Osana sa karagatan kahit dinig na dinig niya ang patuloy na panaghoy ni
Dagohoy na matugunan ang kanyang kahilingan kasabay ng parang natutunaw na araw
na palapit na sa paghalik sa dagat.
"Mahal na Osana!
Pakisabi sa kanya na lubos akong nagsisisi. Mahal na mahal ko siya. Handa kong ibuwis ang buhay ko para sa kanya!"
Sa pagkawala ni
Osana sa dulo ng dagat, isang tanawin ang tumambad sa harap ni Dagohoy. Tumingkad
ang kulay ng langit sa tanawing kahawig ng hinagpis ng isang babaeng nasaktan;
isang babaeng naulila ng ama at kabiyak. Subalit kahit ano pa mang hinagpis
ito, napakaganda pa rin ng tanawin na sadyang napansin ni Dagohoy. Umaninag sa
bandang ibaba ng karagatan ang mapupulang kutis ng kanyang kabiyak.
"Oh aking prinsesa! Napakasaya ko at muli kitang
nasilayan! Patawarin mo ako sa lahat ng aking ginawa. Ako ay lubos na nagsisisi
mahal ko! Patawarin mo ako!"
Ang sampal ng dagat ay walang pahingang humahampas hampas
sa banging kinatatayuan ni Dagohoy na parang nag-aamok; nagtatawag ng galit; ng
kakaibang sumpong sa kanyang malakas na hampas. Pagkatapos ng pinakamataas
nitong hampas, umawat ang langit. Unti unting humina ang mga hampas ng alon;
pahina ng pahina hanggang sa mapapansing umaatras na ang mga agos ng paunti
unti; na parang naghihilum na mga sugat. Sa isang iglap tumahan ang dagat kasabay ng pagpula ng kalangitan. Sumabay
rin sa pulang kulay ang tubig hanggang sa magsimula na namang marinig ang
misteryosong tunog. Naririnig ito ni Dagohoy habang napapansin niyang
pinapalutang siya ng hangin habang nakapatong sa mga malalaking nota gawa ng misteryosong
tunog. Para siyang hinahatid sa dulo ng karagatan papunta sa kanyang minamahal
na naghihintay sa kanya. Sa kanyang paglapit sa pinakapulang parte ng langit,
sa dulo ng natatanaw na karagatan, nakita niya si Prinsesa Susdek sa pinakapula
nitong kutis. Lumapit siya. Nagkayakapan sila. Isang natatanging pagtatagpo ng
langit at karagatan kung saan naging pinakapula ang langit. Pinakapula sa lahat
ng pinakapula; ang kanilang pag-iibigan.
Hanggang pagsapit ng ilang sandali, nagsimula nang dumilim. Tumigil na rin ang
tunog.
Sa 'di
kalayuan, pinababa na ng prayle ang sakristan sa tore ng malaking batingaw ng
Katedral ng Maynila. Magsisimula na kasi ang pagdarasal ng Angelus na marahil ay
maririnig din sa ilalim ng isang mabatong bangin kung saan nakaratay ang wala
nang buhay na si Dagohoy na kahit parang pinipiga ng paunti-unti ng dagat ang
kanyang duguang katawan, bakas pa rin sa kanyang mukha ang wagas at walang
kaparis na kasiyahan.#
Post a Comment
POST YOUR COMMENT BELOW