Monday, October 01, 2012

Sa Patuloy na Paghahanap ng Aking Itim na Salwal


Strategically ang salwal ko ay laging nakasampay sa pinakadulo ng aking maliit na kabinet. Katabi ito ng mga ilang paborito kong mga polo shirt na mapapansin ko na pinaglumaan na. Nakahanger silang lahat na nakahilera na sa oras ng pagpasok ko pagsapit ng dilim kaya madali ko silang hagilapin. Pero ngayon, hindi ko pa napaplantsa ang longsleeves ko. Sa katunayan sa bag pa rin siya na nakatupi na kakagaling lang sa naglaba. Hindi ko alam kung kelan ako sisipagin para unti-unting buklatin ang pagkakatupi nito at magkalakas loob na padaanan siya ng mainit na plantsa. Siguro mamaya ko na lang gagawin. Pinansin rin ako ng ibang mga t-shirts ko sa aking harapan na pwersahan na ginawan ng utak ko ng mga mata para titigan ako ng malalim. Hoy! Alam ko mura lang kami! Pero sana isipin mo rin na nandito lang kami lagi naghihintay na suotin mo! Nakakatawa sapagkat nagawa na naman ng isip ko na isipin na talagang nagsasalita ang mga t-shirts o kahit anumang mga gamit sa bahay. Iba nga talaga siguro ang epekto ng me, myself, and I syndrome. Nakakabaliw. Pero alam niyo, mas nakakabaliw kung patuloy mong paniwalaan na talagang wala kang kasama; na talagang ikaw ay nag-iisa. Ang totoo, hindi naman talaga. Minsan kaya nakakakita ako ng isa o dalawang ipis na kasama. Lumilipad pa nga. Sa mga tuyong basura makikita ko silang mga kasama kong mga naggagapangang mga langgam. Iba ibang klase pa yan; may itim, pula, periwinkle, mahogany, soft talc, anemone, etc na sa ganitong pangungusap na ito nalaman ko na bukod sa una at pangalawa kong nabanggit walang kwenta lahat ang mga sinabi ko kulay. Pero ‘yun nga. Pinagtatanggol ko lang ang punto ko na kahit kailan ay hindi ako nag-iisa. Kung may isyu kayo doon ay papadala ko na lang ang mga kasama ko sa inyo at kayo na ang humusga.

Pero ang isyu talaga ngayon ay ang suliranin ng pagkawala niya. Oo. Ang pagkawala niya nang tuluyan sa akin; na talaga bumulabog sa aking kamalayan para kalimutan ang lahat ng aking mga kasama sa bahay. Iniisip ko, wala namang  kwenta ang lahat ng mga kasama ko dahil kahit kailan ay hindi nila ako natutulungan. Wala naman akong magawa kung ganun nga talaga kasi nga ganun nga talaga sila. May sariling mundo; may mga inaangkin din na sariling kamalayan upang mabuhay. Kaya nga siguro hindi talaga nila ako tinutulungan o di kaya hindi naman nila alam kung ako ba ay totoo o pawang isa lamang sa mga karaniwang elemento ng mundo na kinakailangan na nakatayo para mabuo ang balanse ng buhay. Nasan ka na ba? Nasan ka na itim kong salwal. Bakit ka lumayo sa akin?

Hinanap kita. Hinalukay ang iilang baul ng memorya at binaliktad ang walang katapusan kong listahan ng mga panaginip pero sa kabuuan hindi ko pa rin natutunan kung paano mawalan ng pag-asa na matukoy sa aking ulirat ang kinaroroonan niya. Alam ko kung ano siya. Alam ko kung ano ang kanyang kulay at klase. Pero bakit hindi ko siya mahanap? Ano kaya ang talagang kinabukasan niya? Naisip ko baka hindi siya talaga magtatapos sa akin at nais niya mabatid kung ano pa ang makikita niya sa labas ng apat na sulok ng aking silid. Marahil nasisikipan na siya sa hubog ng aking pwet at hita sa kakasuksok sa tuwing araw ng Lunes na kinakailangan siyang suotin sa opisina. Marahil nagtatampo na siya dahil naaalaala ko lang siya sa tuwing sasapit ang araw na ‘yun. Pero hindi. Sana nalaman man lang niya na sa kanya lagi nakareserba ang pinakadulo ng sulok ng aking kabinet. Kung babalik man siya mamaya, bukas, sa makalawa, sa susunod na buwan, o libong taon, mapagtatanto niya na sa bakanteng espasyo ng kabinet na yaon na inaagiw na ang natatanging pwesto niya sa lahat ng mga iba kung mga damit. Kahit wala silang katapusan sa pagmumura, na depensahan ang sulok na iyon ay ipinaglaban pa rin kita para malaman nila na mahalaga ka sa akin bilang aking pinakamagandang itim na salwal sa buong mundo.

Umuwi ka na.

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating