Sunday, October 14, 2012

Ang Panglimang Tagpo: Habang Kapiling si Grey na Salwal

Narito ang mga nakaraang mga tagpo (kung sakaling hindi mo nasubaybayan)
PART1
PART2
PART 3
PART 4

Nabasa ko na ang Shades of Grey. Siguro marami ng beses ko na talagang dinamdam ang mga pangyayari sa kwento na ‘yun. Pero hindi rin naman nagtagal ang pagdadamdam ko sa mga nangyari. Lumipas ang ibang mga araw ay nakalimutan ko na rin ang mga kapanapanabik na eksena at nakatabi na lang ang libro kasama ang iba ko pang nabasa na mga nobela. Paminsan minsan pumapasok rin sa kokote ko ang kwento hanggang sa makalimutan ko na lang pagkatapos ng ilang mga buwan. Subalit, heto na naman ako na nakatitig sa estante ng librong ‘yun sapagkat naaalala ko na naman siya dahil sa isa kong nakasalamuha sa oras na ito; ang grey kong salwal. Habang nakahanger katabi ng aklatan malayo sa pinakadulong pwesto kung saan dapat nakalagay ang mga iba kong mga damit, minamasdan ko siya mula bewang hanggang paa. Wala rin naman siyang halos pinagkaiba sa itsura sa itim kong salwal noon. Mapino ang kanyang mga tela na pulido ang pagkakatahi. Wala rin akong makitang ni isang bahid ng mantsa o kahit isang piraso ng himulmol sa paglalaba. Hindi ko alam kung saan siya galing. Marahil matagal ko na siyang binili; na hindi ko lang siya napapansin maliban noong mga nakaraang buwan na naghalukay ako ng mga kadamitan ko sa maleta. Ang baho niya sa una kung kuha. Amoy, moth balls. Hindi ko kinaya noon siya kaya hinagis ko na lang sa laundry basket para ibigay sa labandera ko. Siguro napahalo na rin siya sa iba kong mga damit noon kaya bigla na lamang siyang sumulpot katabi ng iilang mga polo shirts at t-shirts ko.

Hindi naman sa ngayon lang kami nagkita. Matagal ko na siyang kilala. Hindi ko lang talaga siya sinusuot. At ngayong araw na ito, pagkatapos ko siyang iplantsa ay susuotin ko na siya. Hindi ko alam kung bakit pero siguro para na rin sa kapakanan ko. Ayoko na kasi ng kahihiyan na makitang hubad sa paglabas ng bahay. Ayoko na rin na maging mag-isa. Kailangan ko siya. Pero ang totoo hindi ko alam kung gusto ko siya; kung mahal ko siya.

Tumayo na ako kahit tinatamad na ng umagang ‘yun. Pinilit ko ang aking sarili na lumakad palapit sa kanya. Sa kanyang harapan, hinawakan ko ang kanyang hanger at agad ko siyang ipinagpag kahit alam ko na wala naman siya anumang dumi. Nakakatakot kasi baka may gumapang na langgam o ipis sa loob niya. Sinilip ko pa ng maiigi ang loob ng salwal dahil baka may punit pa ito na nakatago na hindi ko pa nakita. Wala naman pala. Napahinga ako ng malalim. Ito na. Susuotin ko na talaga siya.

Unti-unti kong binuklat ang grey na salwal hanggang sa inilahad ko ang aking mga binti para sa kanya. Napakalambot pala ng kanyang tela na parang buong buo niyang binibigay ang sarili niya sa akin. Hinila ko siya hanggang sa makarating sa bewang ko. Pagsara ko ng butones, nakaramdam agad ako ng kakaibang init na pumawi sa ilang araw na lamig ng aking mga binti. Suot suot siya, lumakad ako papunta sa salamin. Nais kong tingnan kung bagay ba siya sa akin o hindi. Alam ko kasi na kahit kailan ay hindi nagsisinungaling ang salamin. Basta makita ko lang siya, ako na ang huhusga. Sa pagharap ng pwetan ko sa salamin, nakita ko ang kakaibang umbok ng aking pwetan sa kanya. Ang ganda! Salung salo ito. Napangiti ako. Marahil masusuot ko na talaga ito sa pang-araw araw. Tiningnan ko rin ang gilid at harap na nakakatuwa dahil kasyang kasya talaga. Hanggang sa biglang naramdaman ko na gumalaw siya. Alam ko na ito. Kaya hinarap ko ang pwetan ko sa salamin at sinilip ko siya. Mula sa salamin nakita ko na nagporma ang isang maamong mukha mula sa salwal. Nakangiti siya sa akin at nagsalita.

“Tara labas tayo.”

“’San mo ba gusto pumunta?”

“Kahit saan. Kahit saan mo gusto.”

“Alam mo ‘di ko alam kung bakit napakabait mo sa akin.”

“Ano ba namang tanong ‘yan. Ganun talaga ako.”

“Pero ‘di ba ang tagal tagal na nakaimbak ka dito sa maleta. Naluma ka na at lahat pero hindi ka pa rin umalis.”

“Kasi alam ko na ang sukat ko ay naaayon lamang sa’yo.”

“Bakit kung may kasukat ba ako sa iba, lilipat ka doon?”

“Hindi.”

“Kunyari ka pa. Parepareho naman kayong mga salwal.”

“Huwag mo naman kaming ilahat. Maniwala ka na nakaplano naman ang lahat. Kung ano ang para sayo, para sayo ‘yun.”

“Parang ganun din naman sinabi sa akin ng itim kong salwal noon. Tapos ano gagawin mo, mamaya aalis ka rin. “

“Kung gusto mo mawala ang lahat ng pasakit mo sa mundo, tanggalin mo ang puso mo at ibaon sa lupa. Pero wag mo sisisihin kung pagpipiyestahan ‘yun ng mga uod hanggang sa mawala at maagnas.”

“Ang weird mo na salwal.”

“Ikaw ba naman ang mabaon din sa maleta ng ilang taon.”

“Sorry.”

“Naku matagal na ‘yun. So paano labas na tayo?”

Tumango ako sa kanya. Sa unang pagkakataon, lalabas ako ng bahay na suot siya. Okay na rin siguro. Lalabas lang naman. Naisip ko na pumunta na lang sa park para magbasa. Nag-ayos ako ng pantaas at nagsuklay ng buhok. Pagtapos, kinuha ko ang babasahin ko sa araw na iyon; ang shades of grey. Tinampipi ko ito sabay bukas ng pinto. Bumaba ako sa sala hanggang makalabas na ng gate. Kay lamig ng hangin. Mabuti na lang at may salwal na ako. Hindi na ako malalamigan. Nakatalikod ako noon at sinara ang gate. May mga naririnig ako na mga dumadaan. Wala naman silang sinasabi pero sa titig ko sa kanila alam ko na nagulat sila sa bago kong pananamit. Nakakapanibago siguro na sa araw na ito ay may salwal na akong suot. Baka raw bumalik na ako sa aking katinuan. May iba rin na naglalakad na kinausap ako upang magtanong lang kung nasaan ang itim kong salwal. Hindi ko sila masagot. Tumango lang ako. Alam ko na naririnig ng grey ko na salwal ang lahat pero siguro okay lang sa kanya ‘yun. Alam naman niya kung sino ang dati ko talagang sinusuot.

Sabay kaming naglakad papunta sa park. Medyo malayo yun sa bahay pero malakas talaga ang pasensiya niya. Kahit nakailang lakad na ako ay hindi siya kailanman nagreklamo. Maaalaala ko na ang itim kong salwal ay ayaw sa mga ganitong lakad. Alam niya kasi na maputik sa park. Ayaw niya na madumihan kaya kung kami noon ay magkasama, wala kaming ibang pinupuntahan kundi ang mga katabing coffee shops. Iba nga talaga si grey na salwal.

Pagdating sa park, nilampasan namin ang mga coffee shops. Alam ko ngayon, ako na ang masusunod kung saan kami tatambay. Naaninag ko ang isang magandang upuan katabi ng isang fountain. Tama doon kami uupo. Nilakad namin ‘yun hanggang sa makarating kami. Umupo ako nang dahan dahan. Medyo mamasa masa pa nga ang upuan pero hinayaan ko na lang sabay buklat ng nobelang babasahin kong muli. Masusi si grey na salwal na nakaupo na kasama ko. Kahit dagan dagan ko siya, alam ko na masaya siya sa akin. Hindi kami nag-usap. Dinama lang naman ang aming mga sarili. Nagbasa ako nang nagbasa hanggang pagkalipas ng ilang sandal, napalingon ako sa kabilang parte ng park. Nakita ko doon sa pangalawang pagkakataon ang aking kapitbahay. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa niya dito. Siguro ito na rin ang kanyang naging tambayan kapag walang ginagawa sa bahay.
Napatayo ako bigla. Napatayo ako dahil sa suot suot niya ang aking pinakamamahal na itim na salwal! Pero hindi. Hindi dapat ako magpahalata. Narito at suot ko si grey na salwal. Ayoko na masaktan siya para malaman lang na mahal ko pa rin at hinahanap hanap ang itim kong salwal. Kaya umupo akong muli at nagkunyari na patuloy na nagbabasa ng nobela. Hindi ko na iyon iniintindi. Kunyari na lang na nagbabasa ako dahil panakaw nakaw kong tinititigan ang ngayon nang paparating na kapitbahay ko; na ngayon nang paparating na aking pinakamamahal na itim na salwal.

Napansin ata nila ang pagkakatayo ko kanina. Oh my. Papalapit na sila sa amin. Ano ang gagawin ko? Talagang lumakas ang tibok ng aking puso. Walang tigil na parang hihimatayin na ako. Hinawakan ko ang grey ko na salwal. Hinimas himas na sana’y okay siya. Pero hindi. Nakakahalata siya talaga sa akin. At napakabilis ng pagkakataon para sa isang silip kong muli at nasa harap ko na ang mama. Hindi ako tumingala. Sa baba niya ako tumingin. Nangusap ng tahimik bigla ang aking mga mata nang masilayan ko siyang muli. Ang itim kong salwal! Mahal ko! Okay ka lang ba? Pinaplantsa ka ba niya ng tama? Maganda ba ang kabinet mo?

Parang isang nananaginip na trumpo ako ng mga tagpong iyon nang ginising ako ng mama sa aking mga pantasya ng pangungusap sa salwal niya. Tumayo agad ako na kunyari ay abala ako sa pagbabasa at siya ang nang-istorbo sa akin. Tiningala ko siya. Naaninag ko agad ang galak sa kanyang mga pisngi na lubhang kapansin-pansin naman nang siya ang magsalita.

“Ay may bago ka na palang salwal,” sabi ng mama na tuwang tuwa sa akin. Gumusot ng kunti ang suot niya. Siguro ito rin ay ikinagulat ng itim na salwal.

“Oo. Siya nga pala ang bago kong grey na salwal.”

“Mabuti naman at may bago ka na. Natutuwa kami sa’yo”

“Kamusta naman ang itim na salwal ko…mo pala”

“Eto, nung nalaman ko na hinayaan mo na siyang umalis, naku ang saya saya ko! Salamat! Salamat!”

Niyakap ako ng mama. Hindi ako sa kanya gumanti ng yakap. Ewan ko. Siguro dahil sa hindi ko alam ang dapat na tamang reaksyon sa gitna ng pagkakaalam ng itim ko na salwal na pinagpalit ko na siya. Alam ko na nasaktan ko siya. Parang ayoko na ng pakiramdam na ito na sa tagpong ‘yun ay nais ko nang tumakas. Pero hindi talaga pwede. Kailangan ko itong harapin ng buong lakas kahit masakit pa sa aking loob. Hindi naman madali na masaksihan na suot suot ng iba ang dati mong pagmamay-ari. Nakangiti ako pagkatapos niya akong yakapin pero sa loob looban ko, nagdurugo ang puso ko na may isang parang sugat na kahit kailan ay hindi gumagaling. Ang sakit malaman na may iba nang sumusuot sa kanya pero mas masakit pala na masaksihan pa na suot siya ng iba. Mas makapangyarihan ata ang nakikita kaysa sa naiisip. Pero hindi ko pwede ipakita ang pagdurusa ng puso ko. Sa likod ng fountain, inisip ko na doon nakalagak ang dapat na pananangis ko; para mapawi kahit paano ang sakit. Ngumiti pa rin ako nang ngumiti hanggang sa magpaalam sila. Tumalikod ang mama. Kahit kailan ay hindi lumingon ang itim kong salwal; kahit kailan ay hindi siya nagsalita; kahit kailan ay hindi niya ako pinansin.

Umupo akong muli at binuklat ang librong dala ko. At sa pagkakaalam ko na wala na sila, umiyak ako. Umiyak ng umiyak ng umiyak kasabay ng fountain ng park.  Tinanong ako ng grey na salwal kung bakit ako umiiyak. Hindi ko kailanman sa kanya masasabi  na ang sakit sakit ng nangyari kanina. Sinabi ko na lang sa grey na salwal ko na: “wala lang, nakakaiyak lang talaga ang shades of grey”.


Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating