Saturday, September 29, 2012

Isang Araw sa ika-Bente Uno ng Disyembre

Annotation:
Ito ay pangalawa sa 20 kabanata ng nobela ko na pinamagatang: "Isang Araw sa ika-Bente Uno ng Disyembre"















Kabanata 2. Si Inda

Sa isang bahay malayo sa kagubatan malapit sa kanayunan malayo sa Mount Sicapoo kung saan walang anumang natitirang mga malalaking puno maliban sa mga ginunting na mga hinulmang mga halaman sa bakuran, maliliit na puno ng mangga at santol, may nakatirang mag-asawang sina Inda at Nono. Wala silang anak. Kaawa-awa ang kanilang kabuhayan. Nakakalbo na ang kanilang mga pananim, nauubos na ang kanilang mga manok, at nanunuyo na ang kanilang palaisdaan. Asin na lang ang kanilang inuulam araw araw.



Isang araw, habang walang ginagawa si Inda at si Nono naman ay nasa kanilang pananim, ay nakakita siya ng isang punso sa harap ng kanilang bahay. Ngayon lamang niya ito nakita. Parang tinumpok ito na lupa o putik na tumigas. May kataasan ito na nakatirik katabi ng puno ng santol.  Wala naman kasing magawa si Inda kaya nilapitan niya ito.



Ang punso pala ay mga limang hakbang mula sa kanilang bahay. Hanggang baywang ni Inda ito. Sa paningin ni Inda, alam niya na delikado ang kanyang ginagawa na lumapit sa punso. Sabi kasi ng mga matatanda, binabahayan ito ng mga lamang-lupa. May kaharian daw doon na namumuhay. Mga maliliit daw sila. May mga kapangyarihan. Puwede raw na bigyan ka nila ng mga kakaibang sakit kapag makaaway mo sila o kung matapakan mo naman sila, puwede ka nilang patayin.


“Tabi-tabi po …”

‘Yan raw ang dapat sabihin sa harap ng punso kung mapalapit ka dito. Dapat  daw ‘yun gawin sabi ng mga matatanda kahit na malaman mo na bahay lamang ito ng mga gumagapang na anay. Kung sa bagay, wala namang mawawala kung maniwala ka. Pero para kay Inda, naniniwala siya. Paglapit ni Inda sa punso, tumigil siya sa harap nito at sinabi ang mga kataga. Matagal rin na tinitigan ni Inda ang punso. Tumigil siya ng matagal dito. Pagkatapos ay pinaikutan niya ang bawat parte ng punso dahil baka may makita siya ritong kakaiba. May katigasan na ang lupa ng punso. Kahit anong parte ng punso ay hindi nakitaan ni Inda ng kahit isang anay o langgam. Siguro tama ang mga matatanda na may nakatira roon. Hanggang may nakita siyang malaking butas sa gitna ng punso. Malaki ang butas ng punso. Naisip ni Inda na baka ito ang pintuan ng mga lamang-lupa. Marahil dito sila pumapasok papunta sa kanilang kaharian. Nagmasid-masid muna si Inda sa paligid kung may ibang tao na maaring makakita sa kanya pero wala naman siyang nakita. Sinilip niya ang loob ng punso. Madilim sa loob. Hindi niya makita ang dulo ng butas. Parang wala namang kaharian doon. Hindi nakuntento, kinatok niya ito. Wala namang lumabas. Sumigaw rin si Inda ng “tabi-tabi po” ng paulit-ulit. Wala pa ring nangyari. Bingi siguro ang mga lamang-lupa.

Matagal din na pasigaw-sigaw si Inda sa butas ng punso. Sa ikatlo niyang lubos na pagsigaw ay humangin ng malakas. Pagkatapos ay nakarinig siya ng malakas na tunog ng lupa. Biglang napatigil si Inda. Lumayo siya sa punso. Pero wala namang nangyari sa may butas. May nahulog lang pala na isang bunga ng santol mula sa puno. Nakita niya ang nahulog na santol. Parang hinog na ito. Pinulot niya ang bunga. Alam niya na matamis ito. Kakainin niya sana ang bunga pero may naisip siya na iba. Naisipan niya na talian ang tangkay ng santol at ihulog sa butas ang prutas para malaman niya kung malalim talaga ang butas sa punso. At iyon nga ang kanyang ginawa. Ginamit niya ang tali sa tabi na dating pinagtatalian ng binenta nilang kalabaw. Inihulog ng bahagya ni Inda ang nakataling santol sa butas. Malalim na yata ang iniabot ng santol hanggang nakaramdam si Inda na nakaabot na ang bunga sa dulo. Baka wala naman talagang nilalang sa loob ng punso. Pinabalik-balik niya ang pagbawi ng tali sa loob hanggang maramdaman niya na bumigat bigla ito. Nagulat si Inda. Bigla niyang inahon ang tali. Sa sobrang puwersa niya, lumabas bigla sa punso ang dulo ng tali. Wala na ang nakataling bunga ng santol. May nakatali nang kumikinang na metal sa dulo ng tali. Isa itong binilog na ginto.

Pinakita ni Inda ang ginto sa kanyang asawa. Sobra ang pagkagulat ni Nono pagkakita ng kumikinang na metal. Sinabi ni Inda na pinadalhan lang niya ng santol ang punso pagkatapos ay pinalitan na ito ng ginto. Tinuro ni Inda ang punso. Umilaw ang mga mata ni Nono. Hinawakan niya ng mabuti ang ginto. Sinabihan niya si Inda na huwag niya ipagsabi sa mga kapit-bahay ang mga nangyari. Pupunta raw muna siya sa bayan.

Naiwan si Inda sa harap ng punso. Naisip niya na baka may nakatira talaga sa loob ng punso. Kung may nakatira man doon, baka gutom na siya, kung marami man sila, baka gutom na sila.
Pinailaliman na naman ni Inda ng santol ang punso. Habang binababa na niya ang santol naisip niya na baka magsawa na sila sa mga buto nito. Bigla niyang binawi ang santol. Pumunta siya sa bahay nila at nagtali ng asin. Kumuha rin siya ng lapis at papel. Magsusulat raw siya sa mga lamang-lupa. Pero naisip niya na baka hindi siya maintindihan. Pero sige lang, guguhit  na lang siya kasama ng kanyang sulat. Bumalik si Inda sa punso.

Gumuhit si Inda ng isang punso. Pinilit niya na maging parehas ang kanyang ginuhit. Katabi ng punso, ginuhit niya ang bunga ng santol. Sumulat si Inda sa papel:

“SANTOL. SARAP.”

Sinama ni Inda ang papel sa ipapadalang asin at santol. Nilagyan rin niya ng pangalan ang lalagyan nito na “ASIN.” Nilagyan rin niya ng lapis at malinis na papel ang kanyang ipapadala. Binaba niya ang mga ito sa punso.

Gaya ng nangyari kanina, bumigat muli ang tali. Pinalitan na naman ng ginto ang kanyang pinadala sa ilalim. Ngayon mas marami at mas kumikinang na mga ginto ang kanyang natanggap. May papel na kasama ang mga ginto. Sinulatan ng mga lamang-lupa sa ilalim ang blangkong papel na kanyang pinadala. Binasa ito ni Inda:

“ASIN. SANTOL. SARAP.”

Nagulat si Inda sa kanyang nabasa. Mayroon nilalang nga sa ilalim ng punso na namimigay ng ginto. Marunong rin pala silang sumulat. Binaliktad niya ang papel. Nakakita si Inda ng guhit.

Gumuhit rin pala ang mga lamang-lupa. Makikita sa papel ang kinopya na guhit ni Inda. Inulit lamang nila ito at tinabihan ng mas malaki pang guhit. Ang punso ay kanila pang pinalaki na halos ikapuno ng papel. Ito rin ang ginawa nila sa santol. Gumuhit pa sila ng mas malaki. Halos sumakit ang ulo ni Inda sa kakaisip. Hindi niya malaman kung totoo ba ang mga nangyayaring ito; gusto pa ba nila ng santol, asin, o ayaw na. Nasarapan kaya sila talaga sa kanyang mga pinadala kanina? Bakit kinopya lamang nila ang kanyang mga sinulat?

Bumalik uli si Inda sa bahay. Dumiretso siya sa kusina. Ang kanyang problema ay kung ano ang kanyang ipapadala sa punso. Ubos na pala ang kanilang asin. Napadala niya na palang lahat sa mga lamang-lupa. Wala na rin silang bigas. Kahit tuyo wala na rin. Dapat may ibigay siya sa mga lamang-lupa na makakain nila. Baka kasi magsawa na sila sa santol. Pero ano?

Nakarinig si Inda ng tila-ok ng manok.

Binaba ni Inda ang nakataling nagpupumiglas na manok sa punso. Pinangalanan niya ito ng “MANOK.“ Kasama ng manok ang isang malinis na papel. Alam ni Inda na matatalino ang mga lamang-lupa. Pinadala ni Inda ang lahat ng ito hanggang makaabot sa pinakailalim na parte ng punso. Gaya kanina, bumigat muli ang tali. Pinalitan na naman ng mga ginto ang kanyang pinadala. Mas marami pa ito. May papel na naman na nakasulat.

“MANOK. SARAP.”

Lubos na nagulat si Inda. Mabilis lang pala matuto ang mga lamang-lupa. Nasarapan sila ng sobra. Gusto pa nila ng manok. Habang binabasa ni Inda ang sulat, dumating na si Nono. Nakasakay siya sa kalabaw. Binili raw niya ito sa bayan kapalit ng ginto. Dala ng kalabaw ay maraming mga sako ng santol at iilang malalaking lubid. Tinagong bigla ni Inda ang mga ginto na kanyang nakuha. Lumayo siya sa punso. Tinali ni Nono ang isang sako ng santol hanggang sa puno ng santol. Pinadala niya ang isang sakong santol sa ilalim. Alam niya na papalitan ito ng mga lamang-lupa ng isang sakong ginto rin. Marami pa siyang dapat papalitan kaya minabilis niya ito. Pagdating sa ilalim, gumaan ang tali. Pagkatapos biglang bumigat. Dali-daling hinatak ni Nono ito. Walang ginto. Puro putik at mga nabubulok na bunga ng santol lamang ang mga naging laman ng sako.

Nagalit si Nono. Mga madamot pala ang mga lamang-lupa. Niloloko lang nila tayo. Sa kanyang galit pumunta siya sa bahay. Kukuha raw siya ng pala. Sisirain niya ata ang punso. Walang magawa si Inda. Habang papunta si Nono sa bahay, nakita niya na may sinulat ang mga lamang-lupa sa sako. Binasa niya ito.

“MANOK MANOK MANOK MANOK MANOK MANOK”

Nagulat si Inda sa kanyang nabasa. Sumulat ng higit sa isandaang beses ang mga lamang-lupa ng MANOK. Gusto pa pala talaga ng mga lamang-lupa ang manok. Ayaw na nila ng santol. Kailangang masabihan niya si Nono. Dapat maniwala siya. Pero sa paglabas ni Nono sa bahay ay sobra pa rin talaga ang kanyang galit. May dala siyang pala. Hindi niya pinakinggan si Inda.

Lumapit si Nono sa punso. Winasak niya ang matigas na lupa. Lumaki pa lalo ang butas ng punso. Halos naging balon na ito sa laki. Pagkatapos, nagtali muli si Nono ng lubid sa puno ng santol at tinalian niya ang sarili sa baywang sa kabilang dulo nito. Binitbit niya ang mga walang laman na sako. Pupunta raw siya sa ilalim. Siya na lang raw ang kukuha ng mga ginto. Wala naman daw mga lamang-lupa sa ilalim Baka raw mga Hapon noong unang panahon pa ang naglagay ng mga ginto sa ilalim. Hindi na niya pinakinggan si Inda. Sa suporta ng lubid, nagpailalim si Nono sa baba ng punso. Hanggang sa hindi na siya makita ni Inda mula sa ibabaw. Naghintay si Inda at pinakiramdaman ang lubid na nakatali sa puno ng santol. Hinahawak-hawakan niya ito. Wala pa ring pinagbago ang bigat ng lubid. Hanggang biglang gumaan ang lubid. Nagulat si Inda. Baka nakaabot na si Nono sa pinakailalim ng punso. Nakita kaya niya ang mga lamang-lupa? Nag-usap kaya sila? Baka binigyan nila si Nono ng mga ginto! Umilaw bigla ang mga mata ni Inda.

Nagkandahulog ang mga bunga ng santol. Biglang bumigat ang lubid. Sa sobrang bigat, halos mabunot na ang puno. Pinilit ni Inda na hatakin ang lubid. Sobra talagang bigat nito. Nakarinig siya ng sigaw ng kalabaw.

Sa ilalim ng punso, matagal talaga bago makaahon ang mabigat na dulo nito. Mabuti na lang at nakayanan ng kalabaw ang bigat. Hinatak ito  ng kalabaw hanggang sa lumabas ang iilang sako. Pinahinga ni Inda ang kalabaw at tumakbo malapit sa punso. Binuksan niya ang isang sako. Mga ginto! Libu-libong mga ginto! Sa wakas wala na silang magiging problema ni Nono! Mayaman na sila!

Binalik ni Inda ang lubid sa ilalim ng punso. Dapat lang na bumalik na si Nono sa ibabaw. Sobrang yaman na nila.

Naghintay si Inda sa wala. Hindi umahon si Nono. Natakot si Inda. Baka nahimatay na siya sa ilalim. Baka kung ano na ang nangyari sa kanya. Sinilip ni Inda ang punso. Wala naman siyang makita. Wala rin siyang marinig. Hanggang sa makatapak si Inda ng isang papel. Nahulog pala ito mula sa sako ng mga ginto. Namuti ang mga mata ni Inda. Nabasa niya.

“MANOK. SARAP.”




***********************



Nagpapasa-pasa na ang kuwentong yaon sa bawat bibig ng buong nayon. Marahil sa isang simpleng pagkapanalo lamang sa lotto ang dahilan ng kanilang swerte subalit sa sobrang pagkadamot ng matanda sa balato pinagtatagpi-tagpi na nila ang buong kuwento. Si Nanay  Inda na siya ngayong si Donya Talunay Felicidad ay siyang nagmamay-ari ng halos buong lupain ng San Roque; biyuda subalit kakikitaan ng pagiging malakas ang loob sa lahat ng bagay. Simula ng mamayapa ang kanyang asawa ay hindi na siya nag-asawa pang muli. Kung ano ang kinamatay ng kanyang kabiyak ay walang nakakaalam kaya ginawan na lamang ng kung anu-anong kuwento ang pagkamatay nito. Pinagpalit raw ng Donya ang kanyang kabiyak sa isang engkanto.


Yumaman raw si Donya Felicidad dahil sa mga kayamanan mula sa isang engkanto. Ito raw ang ginamit niyang puhunan upang lumago ang kanyang pataniman ng pinya na siyang naging isa na ngayong pinakamalaking pinyahan sa buong bansa. Habang tumatagal lumalawak ang kanyang mga pataniman hanggang sa sumabak na rin siya sa pandaigdigang merkado. Marami na siyang pinataob na mga negosyo sa parehong industriya. Ang ilang negosyo naman ay nagawa niyang bilhin dahil sa mga pagkalugi ng mga nito. Paglaon naipatayo niya ang La Felicidad Corporation and Associates, isang kompanya na sumasakop sa kabuuang network ng kanyang mga negosyo. Noong mga taong 1998, napagdesisyunan niya na mag-expand sa ibang negosyo. Katulong ang kanyang mga na-hire na mga  marketing advocates napagtanto na nasa market ngayon ang pagpapatakbo ng real estate na negosyo. Naging interasado si Donya Felicidad dito. Kumuha siya ng iilang advisors at inilahad na sa kanya ang posibleng pagpapatayuan ng kanyang pinaka-unang real estate business. Isang malawak na lupain sa gawing Luzon ang kanilang pinupuntirya na malapit sa posibleng kakatayuan ng National Highway ng gobyerno. Nakita ni Felicidad ang malaking oportunidad pagkakita pa lamang sa mga presentations ng kanyang mga empleyado. Ang lupain ay may 20 ektaryang lawak na walang sinumang nananahan maliban sa mga ligaw na mga hayop at halaman. Sapagkat malayo pa ito sa sibilisasyon, mura lamang ang presyo nito na pinagbibili na ng gobyerno. Hindi na pinatapos ni Felicidad ang presentation ay inaprubahan na niya ito at pinirmahan. Batid niya na magiging isa itong matagumpay na proyekto.

Buong galak na nakinig si Felicidad sa boardroom habang nagsasalita ang pinuno ng kanilang  proyekto. Marahil sa tagpong ito hindi na makapaghintay si Felicidad na makita ang isang komunidad na naging matagumpay ng dahil sa kanya. Iniisip niya na ito ay ang komunidad para sa mga mayayaman ng lungsod. Pinapangarap niya na ang mga kabahayan na ipapatayo rito ay para sa mga pinapangarap na mga vacation houses ng mga ilan sa mga negosyante o ‘di kaya’y mga may kaya na walang makitang angkop na lugar para sa kanilang mga pangarap na town houses. Malayo ito sa sibilisasyon subalit alam niya na maaari siyang lumikha nito sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga artipisyal na laot kung saan maaaring puntahan ng mga turista. Habang pinapakita ang mga draft ng planong real estate na talagang binigyan pa ng buhay ng mahusay na pagkakaguhit ng mga kilalang artist ng bansa, napapangiti siya ng bahagya sa maaaring maging tagumpay ng proyekto. Mahigit isandaang first class na mga bahay ang maaaring itayo sa lugar na yaon hindi pa dito kabilang ang 3 major pools sa bawat dimensyon ng lokasyon. Magkakaroon din ng isang malaking parke sa gitna na ihahalintulad sa Bonificio High Street sa Taguig. Dito idaraos ang anumang pagtitipon sa komunidad. Sa bandang gilid naman ay isang zoo kung saan maaaring mamasyal  ang mga bata. Lalagyan rin ng mga paaralan ang paligid ng parke, isang para sa daycare, elementarya at sekondarya. Tiyak na ito ay magiging isang magandang komunidad.

Lunes ng umaga, itinakda ang pagpunta sa site kasama ang mga inhinyero. Ito ang matagal na pinakahihintay ng matanda. Sa wakas makikita niya ang buong lugar. Inimbitahan rin niya ang lahat ng mga kanyang business partners. Isasabay na rin kasi gaganapin ang ground breaking ceremony dito. Lumipad sila gamit ang isang helikopter mula sa kanyang opisina. Alam niya na nauna na rito ang ilan sa kanyang mga tauhan upang ihanda ang pagbisita nila. Pagkaraan ay nakarating na rin sila sa lugar. Bumulaga sa kanya ang pagkamaberde ng mga tanawin. Ang bughaw na dagat na animo’y naglalaro sa mga katabing isla ay isa ring nakakamanghang tanawin.

Itinuro ng kasama nilang engineer ang lugar na pagtatayuan nila ng real estate community. Mula sa malayo, makikita na parang isa itong kumpol ng mga malalaking puno. At habang papalapit sila dito, napagtanto niya na ito ay isang kagubatan.

Bumaba sila sa isang marka na ekis na siyang inihanda na ng mga organizer ng ground breaker ceremony. Sa ’di kalayuan makikita ang mga tolda at lamesa. Pumasok kaagad ang matanda sa toldang de-aircon. Lubhang napakainit kasi ng lugar. Mga ilang sandali na rin ay magsisimula na ang ceremony. Matagal tagal rin na namalagi siya roon hanggang mapagdesisyunan niya na lumabas na rin. Nasa gitna pala sila ng isang malaking gubat. Nagtataasan ang mga puno sa paligid at kung tanggalin sila sa sitwasyong ito, pati na rin ang masayang musika na lumalabas sa malalaking speakers, maririnig mo ang mga nag-iingay na mga kulisap at huni ng mga ibon.

Tinawag na siya ng organizer upang umupo sa unahan. Marami-rami rin ang dumalo. Nakahanda na rin ang pala sa harap. Ito marahil ay magiging parte ng ground breaking. Humina na ang  musika. Sabay hudyat ng organizer sa emcee na simulan na.

“Maganda umaga sa lahat. Narito tayo ngayon upang saksihan ang ground breaking ceremony ng isa sa mga major projects ng La Felicidad Corporation and Associates. Ito ang pagpapatayo ng pinaka-una nitong LFCA Real Estates. Narito si Donya Talunay Felicidad upang magbigay ng ilang pagbati at pagkatapos itutuloy na niya ang ground breaking ceremony,” ang buong galak sa pag-announce ng emcee. Angkop na angkop ang barakong boses nito upang makatawag ng atensiyon sa lahat. Natuwa nang tuluyan ang matanda dahil sa galing ng kanyang organizer na kumuha ng isang pinakamagandang boses sa isang sikat na FM radio. Ngumiti ito sa matanda. Umiling ng bahagya ang donya sabay kuha sa mikropono.

“Salamat. Salamat sa lahat sa pagdalo. Ako ay nagagalak sapagkat kayo ay naging saksi sa pasimula ng aming proyekto upang magbigay ng bagong pag-asa sa mga naghahanap ng angkop na tahanan. Inuulit ko. Hindi ito basta bahay; isang tahanan. Alam ko na marami na ang nagsusulputang mga real estate links sa buong bansa, ang ilan sa kanila marahil ay  nakikita niyo sa mga paliparan, malls, o kahit sa mga grocery stores. Marahil nagtataka kayo kung bakit kailangan ko pang sumiksik sa industriyang ito; at pinili pa namin na malayo pa ito sa kabihasnan. Ito ay sa kadahilanang nakikita ko na hindi pa napupunan ng ibang real estate company ang talagang nais ng madla sa isang angkop na matitirhan. Hindi ito basta sa convenience lamang na kailangang maging malapit sa mga kapehan, opisina, o mga naglalakihang malls. Hindi ito basta sa affordability na kakikitaan ng maliit na espasyo na mapagkakamalan mong isang bahay ni dwarfina. Hindi rin ito basta sa designs o anumang kaartehan kung saan karamihan naman ay madaling masira. Again, this is not just for convenience, affordability, nor designs; it is because we build lives out of nothingness. Ano ang ibig kung sabihin dito?Sa  LFCA Real Estates we need not go near those malls, offices, or schools; we make them. As much as our great houses were crafted and designed by the top architects from Europe and Australia we made all in just one place; one world; one community. Imagine yourself living in a world paying with just one bill for all like doing your groceries without cash or credit cards just bringing your trolleys with what you need inside the world. The pleasure is endless with all that you can possibly think of. And this will be really be possible with  LFCA Real Estates. Thank you very much”

Kinamayan siya halos lahat ng  mga naroon. Sa lakas ng mga palakpak nasa isip na ng matanda na tiyak na magiging patok ang kanyang negosyo. Tiyak na marami ang maiingganyo.

Pagkatapos, hinawakan ng matanda ang pala sabay hukay. May binukas rin na champagne na ibunuhos sa hinukay ng pala. Ito na ngayon ang hudyat ng proyekto.

Bumalik na agad ang matanda sa toldang de-aircon. Dito niya kakausapin ang head engineers. Ipinakita sa kanya ang mapa ng lugar pati na rin ang mga iilang pictures ng mga lokasyon. Mga iilang papeles rin ay kanyang pinirmahan.

“Engineer Myers, as a head engineer may I  know hanggang kelan ang project?”

“5 years po Madam.”

“What? 5 years? Give me the timeline of the plan.”

Pinakita sa kanya ang timeline ng contruction. Napansin niya na 1 year dito ang pagpuputol sa mga puno.

“Engineer Myers, we can cut this short. 1 year is so long to get rid of the trees.”

“But it has been an estimate that it will take a year to clear…”

“We have now permission from DENR to clear the area and they did not indicate in what way it is.”

“Yes. But it will take a year to cut trees..”

“This will just take 6 months Engineer Myers. We will  burn the area.”



=katapusan ng kabanata 2 =

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating