Hayaan niyo na akong ikuwento ito para malaman niyo kung paano nagsimula ang lahat at maintindihan niyo naman ang aming trabaho sa Business Process Outsourcing Industry.
Noong unang panahon na hindi pa naimbento ang telebisyon, kung sa malamang ay konektado na rin na wala pang nakakaisip na gumawa ng monitors para sa ating mga PC na konektado rin na wala pang nakakaalam na ang ibig sabihin pala ng acronym na nabanggit ay ‘Personal Computer’, may isang bata na nagngangalang Joselito. Hindi batid ng may-akda ang kanyang eksaktong gulang dahil hindi pa naman noon naiimbento ang kantang ‘happy birthday’ basta marahil kung iyong tititigan, ang batang ito ay nasa estado na malapit na siya sa pagkabinata. Nakatira si Joselito sa isang kuweba na wala pang ni isang bakas ng vandalism o hindi pa natutuklasan ng siyensya na ang mga paniki na nananahan sa loob nito ay mammals pala na gaya natin o sige na, sabihin na lang natin na wala silang alam noon kundi magkandirit (sa mga babae) at maghanap ng mga baboy ramo (sa mga lalaki) upang may makain; upang mapatunayan na kaya na nilang makapag-asawa ng kahit sinong babae na kanilang mapupusuan.
Alam ng lahat ito ni Joselito. Maging ang kanyang mga lolo at lola ay kinukwento sa kanya ang mga ito. Kung kaya, noong mapansin na niya ang mga senyales ng pagsimula ng pagbibinata alam na ni Joselito na kailangan na niya makakuha ng baboy ramo. Kailangan na niya makabuhay na ng pamilya. Kaya sa isang gubat malapit sa kanila, patagong naghintay si Joselito ng baboy ramo. Isip niya ito na ang magbibinyag sa kanya. Ito na ang magpapatunay sa lahat ng kababaihan na handa na siyang makabuhay; makapag-asawa ng kahit isa sa kanila.
Subalit wala pa ring dumating ni isang baboy ramo. Mga kulisap lamang ang nakita niyang dumadaan kasunod ni iilang pirasong suso na nakailang punta at balik sa sa kanyang kinaroroonan. Walang kumaluskos. Walang kahit anumang anino ng baboy ramo. Hanggang lumipas ang ilang oras, sa kanyang kagutuman, kinain na lamang niya ang iilang kulisap. Hinigop rin niya ang ilang mga dumaang suso at buong sipag na naghintay na parang wala naman na talagang dadating.
Habang nginunguya ang isang nahuling tutubi natanong din niya sa kanyang sarili. Ganito na lamang ba ako? Ito lamang ba ang kaya kung gawin? Nasaan na nga ba sila? Darating pa ba sila? Kailan pa ba ako magiging handang makapag-asawa. Masikap na hinintay ni Joselito ang baboy ramo. Inabutan na nga siya ng dilim. Wala pa ring dumaan. Umuwi siyang matamlay. Walang kabuhay buhay niyang sinindihan ang kanyang napulot na tuyong dahon ng niyog. At nagsimulang maglakad pauwi. Para siyang lumulutang sa hangin. Walang patutunguhan. Sa isip niya, walang kabuluhan ang lahat. Siguro hindi na niya pa kailangang mabuhay. Hanggang tuluyan siyang manghina. Marahil nagkaepekto na ang lason ng isang pulang ipis na kanyang nakain. Sa tindi ng sakit ng kayang sikmura ay napahinto siya. Lumuhod sa pinakadulo ng isang lambak. Tumingala siya sa langit. Itinaas ang kanyang mga kamay na akmang kaya niyang abutin ang mundo; akmang kaya niyang abutin ang langit.
“Mahal na Diyos ng sanlibutan! Dinggin mo ang aking panalangin! Ako ay nahihirapan sa aking sitwasyon! Alam mo kung ano ang aking nais! Dinggin mo ako! Dinggin mo ako!,” pasigaw na sambit ni Joselito sa harap ng napakalaking bilog na buwan. Nakailang sigaw rin siya ng pananaghoy; ng paghihingi ng saklolo hanggang sa lumakas ang hangin kasabayan ng malalakas na salpok ng mga tubig sa kabatuhan ng katabing karagatan. Umingay ang langit. Bumukas ito. Lumihis ang kakapiranggot na ilaw hanggang sa unti-unting lumaki na pawang walang katapusan. Tumingkad ang liwanag na halos ikabulag ni Joselito. Napaatras siya sa nasaksihan hanggang sa maaninag niya na pababa sa kalangitan ang iilang mga nag-uusap na mga tao na nakatuntong sa isang malaking bato na tinatawag na ‘EARTH’. May American, European, Indian, at kung anuanong lahi.
Kumaway sila kay Joselito. Sa isang kampay ay unti unting lumapit sa kanyang paaanan ang isang malaking sako na napupunan ng iba’t ibang klase ng mga prutas. Tumambad rin sa kanya ang iilang piraso ng mga makukulay na basket na may korte na prutas. Sa ‘di niya maipaliwanag na salita batid niya na kailangan niyang buksan ang sako ng mga totoong prutas. Bumaba ang isang amerikano at inilagay ang isang mansanas sa basket na hugis mansanas. Bumaba rin ang isang European at inilagay ang isang pinya sa basket na hugus pinya. Bumalik sila sa itaas at tumango sabay senyas sa isang maliwanag na parte ng kaulapan kung saan naroon ang isang puting puting matabang baboy ramo.
Hindi na nag-aksaya ng panahon si Joselito. Isa-isa niyang nilagay ang mga prutas mula sa sako sa dapat nitong kalagyan hanggang sa matapos siya sa kanyang gawain. Kinuha ng mga taong langit ang mga basket. Ikinatuwa nila ito sabay sabi ng ‘magaling magaling’ ng paulit ulit. Pagkatapos ay kumumpas sila sa katabing ulap kung nasaan ang puting baboy ramo. Bumaba ang baboy ramo sa lupa sa paanan ni Joselito. Pagkatapos ay bumalumbod sa leeg ng hayop ang taling tangan ng binata. Sa hangin o anuman na hiwaga ay lumapit kay Joselito ang kabilang dulo ng tali. Hinawakan niya ito hanggang sa mapawi ang liwanag. Dumilim muli. Subalit ngayon ay tangan tangan na niya ang pinakahahangad na baboy ramo; ang susi upang mapatunayan na kaya niyang buhayin ang sinuman na kanyang mapupusuan na nilalang.
Dali dali niyang dinala ang baboy ramo sa kanyang tahanan. Tamang tama malapit na mag-umaga. Ipapakita niya ito sa lahat. Laking tuwa ng buong kanayon sa kanyang dala. Sumigla ang lahat. Ito talaga ang pumawi sa lahat ng kanilang suliranin ng mga ilan nilang mga kababayan na naghihikahos na makahanap ng iilang baboy ramo sa karatig na bansa. Ang ilan ay nauuwi bilang utasan sa kabilang baryo. Ang ilan naman ay nakukuntento na lamang na maghintay at kumain ng mga kulisap.
Paglaon, paglipas ng ilang libong mga taon, marami na ang lumalapit sa lambak na pinagkunan ni Joselito ng puting baboy ramo. Lahat sila ay nangag-uuwi ng naturang hayop hanggang maging tupa, pagkatapos ay ginto hanggang paglaon ay naging pera na ang palitan na tinawag na US Dollars kapalit ng kahit anumang serbisyo sa kabilang ibayo. Ito ang naging simula ng panahon ng BPO o ang tinatawag na Business Process Outsourcing sa buong mundo.
Post a Comment
POST YOUR COMMENT BELOW