Thursday, September 20, 2012

X at K

Annotation:
Isang dula na nabuo ng dalawang magkaibigang X at K
Mga Tauhan:
K: Tagakuwento
X: Tagakomento

Tagpuan:
Sa baba ng entablado. Maaring gawin na ang nilalaman ng kuwento ay makikita sa entablado.



K: Baka pwede na magsimula

X: Sige go!

K: Pagkatapos ng mahabang paghihintay ay nakapagtapos din sa wakas sa pag aaral si selda.

X: Hindi ba pwedeng magsimula tayo sa ipinanganak siya?

K: Ayoko ng linear na kuwento. Wag ka ngang magulo!

X: Sige tuloy mo na.

K: Halos ginapang na lamang siya ng kanyang mga magulang para lamang makapag tapos at maging ganap na guro

X: Sandali! bakit naman Selda pangalan niya?

K: Ano naman masama doon?

X: Parang tunog kriminal eh. Madugo. Masakit sa puso pakinggan.

K: Selda.

X: Selda!

K: Hayaan mo na kasi. Kung ano ang unang naisip ng nakaisip yun na yun.

X: Sige tuloy mo na.

K: Matagal nga lamang siyang natapos dahil pahinto hinto siya sa pag aaral. Ngunit dahil sa matalino siya napag kalooban siya ng scholarship nung nagkolehiyo na ito.

X: Sandali.

K: Ano na naman!

X: Anlabo. Sabi mo kanina nagtapos na siya. Bale highschool ba yun?

K: Binabalikan ko lang naman. Nagtapos na siya ng kolehiyo okay?

X: So pinapafeel mo lang ang struggle niya.

K: Oo!

X: Sige continue.

K: lumaki sa siyudad si Selda kasama ang mga magulang at 3 pang kapatid na maliliit.

X: Noong nagraduate ba siya ng kolehiyo hindi siya malaki na?

K: Fine!

NAMUHAY sa siyudad si Selda kasama ang mga magulang at 3 pang maliliit na kapatid

X: Triplet?

K: Bakit mo natanong?

X: Bihira lang ang may matandang Ate tsaka tatlong kapatid na maliliit. Pwera lang kung triplet ang anak ng nanay ni Selda nang malapit na siyang magmenopause.

K: Alam mo andami mong comment.

X: Sige yaan mo na. Okay may kapatid si Seldang triplet tapos?

K: Nakatira sila sa isang maliit na paupahang bahay kung saan lilingon ka lang at doon na ang kusina, kubeta at higaan

X: Teka iniwan nila ang bahay nila sa probinsiya? Nasan ang tatay nila?

K: Patay na.

X: Paano namatay?

K: Matagal na. Nabaon na sa limot.

X: Iniwan nila ang bahay nila sa probinsiya? Anong probinsiya ba 'yun?

K: Nakikitira lang sila sa kamag-anak. Iloilo ang probinsiya.

X: Nagbarko sila tama?

K: Hindi nagsubmarine. Andami mong tanong!

X: Gusto ko lang naman na malinaw ang kuwento mo.

K: Baka gusto mo ikaw na magkuwento.

X: Tuloy mo na.

K: Kaya naman lubos ang kasiyahan ni Selda at ng kanyang mga magulang nang makapagtapos ito

X: Akala ko ba patay na...

K: Kaya naman lubos ang kasiyahan ni Selda at NG KANYANG INA nang makapag tapos ito

X: kala ko minumura mo na ako eh. Sige tuloy

K: Maliit lang ang tirahan nila

X: Nasabi mo na 'yun.

K: Inaayos ko lang linya ng kuwento sa utak ko.

X: O sige tuloy mo na

K: Naging guro si selda sa isang pampublikong elementarya at ang kanyang kita ay sapat lamang upang matustusan ang pamilya

X: So Education ang tinapos na kurso ni Selda.

K: Hindi. Fisheries tinapos niya. Ano ba. Malamang education!

X: Nakapasa na ba siya sa teachers board?

K: Kailangan ko pa bang sabihin 'yun?

X: Wag na. Sige kunyari kakilala na lang niya si Mayor. Okay go.

K: At wala na halos natitira para sa kanya pero sinisikap nitong mapag aral ang mga kapatid upang matupad ang kanilang mga pangarap at umahon sa kahirapan.

X: Napakaideal.

K: isang linggo nagsimba si Selda at papauwi na ito.

X: ok.. nagsimba at papauwi na... then..

K: natapilok si selda sa bangketa at aktong matutumba nang masalo siya ng isang lalaking naglalakad lamang

X: Bola ba si Selda para masalo? O sige naiimagine ko na rin.

K: selda: ayyyyy

X: ay soap opera ito..

K: selda: salamat at nasalo mo ako kung hindi....
lalaki: ako nga pala si Rikardo

X: Hahaha! O sige na love team na ito

K: Agad humiwalay si Selda sa lalaki na nagpakilala at nagpasalamat sabay talikod at naglakad.

X: R-18 ba ang kuwentong to? Naimagine ko si Selda na nakawig longhair at virgin pa. Sige tuloy mo pa. Nakakaexcite ito

K: Asiwa si selda sa mga ganung lalaki dahil alam niyang istilo lamang nila iyon upang makipagkilala at marami pa siyang pangarap kaya ayaw niyang mag nobyo

X: Nagkatumbahan lang nobyo na naiisip nitong Selda na 'to.

K: dahil maka Diyos si Selda walang Linggo na hindi siya nagsisimba at gawa ng pagkakataon o sadya ay nakikita niya si Rikardo sa malayo at nakatingin sa kanya

X: Stalker na? Teka di mo pa nadedescribe si Rikardo.

K: Di mukang sanggano si rikardo. Mukha siyang disente at mabait at kung susuriin mong maiigi ay may itsura ito.

X: mahilig ka siguro magbasa ng tagalog pocket book.. pang ilang series na yan?

K: He! Wag ka ngangmagulo.

Kaya't di nagtagal ay tila napapansin na siya ni Selda at hinahayaan na lamang niya pag tumitingin ito sa kanya

X: Subukan mong muka ni Tado si Rikardo. Tingnan natin kung hahayaan pa ni Selda na titigan siya.

K: isang maulan na linggo, nalimutan ni selda na magdala ng payong

X: Baka naabutan lang siya ng ulan sa daan at wala siyang payong.

K: Sige na. Naubutan na siya ng ulan. Tuloy ko na kuwento.

X: Go.

K: Tapos...

X: si Rikardo may dala ng payong?

K: paglabas ng simbahan ay tinangka ni selda na sumugod sa ulan para makauwi agad subalit naghihintay pala si rikardo sa labasan at may dalang payong upang silungan siya

X: Parang bihira sa isang lalaki na magdala ng payong.

K: Iba nga si Rikardo!

X: Ah baka may naglalako. Madamo diyan tig-50 lang na payong. Madali nga lang masira. O siya tuloy mo na ang kuwento mo sa stalker na si rikardo

K: di na naging mailap itong si selda at hinayaan na lamang niya si rikardo na silungan sya naging tahimik ang dalawa habang nglalakad at binasag na lamang ang katahimikan nang may dumaang sasakyan at natalsikan sila ng tubig ulan at wala ng nagawa kundi magtawanan na lamang

X: Nakakakilig. Teka wag mo sabihing babakat ang damit ni Selda ha.

K: Gago hindi! Manyak!

X: O sige tuloy.

K: pagkatapos nun ay naglakas loob na si Rikardo na kausapin si selda
rikardo: anong pangalan mo
selda: selda bakit?
rik: wala lang kasi...
selda: alam mo dito nalang ako sa tindahan sisilong may hihintayin pa kasi akong kaibigan. salamat ha

X: Uyyyyyyyy. Nakakakilig promise...

K: natulala si rikardo at tumakbong papunta sa tindahan si selda . napasigaw na lamang si rikardo ng "ingat ka ha selda"
may ngiti sa labi ni selda habang siya ay tumatakbo papalayo kay rikardo

X: kahit sino naman mangingiti sa ganun. Hahaha!

K: tumakbo papalayo si selda kay rikardo sa ilalim ng ulan sa pag aalangan nitong malaman ni rikardo ang kanyang tinitirahan kung hahayaan niyang ihatid siya nito sa kanilang bahay

X: ay kinakahiya ang sarili. Pero si Rikardo bilang stalker malamang alam na niya ang bahay ni Selda.

K: Hindi naman alam ni Selda 'yun.

X: Fine. Blinding the reader. Okay nice strategy. Okay go.

K: isa pa, ay pangit at masikip na iskinita ang kaniyang dinadaanan pauwi sa kanila.simula nung tagpo na iyon ay hindi na mawala si Rikardo sa isip ni Selda

X: Alam ko na ang title ng kuwento na 'to.

K: Ano?

X: Ang Hitad

K: Gago. Ayoko.

X: Sige tuloy mo pa
Ano na?

K: Sandali. Atat naman neto.

madalas ay sinasadya niyang dumaan sa simbahan upang makita lamang kung andun parin ba si Rikardo at hinihintay siya.

X: Hitad nga.

K: at sa bawat pagkakataong iyon ay hindi naman siya nabibigo.
achievement test ng mga estudyante ni Selda kaya maaga ang uwian nila.
Si Selda din naman ay nag-ayos ng mga kagamitan niya upang maghanda sa pag uwi.
pag labas niya sa gate ng eskwela natanaw niya sa malayo si Rikardo at nakatingin sa kanya.

X: Si Rikardo ata hindi busy. Baka gusto mong sabihin ang kinabubuhay niya?

K: Mamaya na kasi. Ginagawa ko pang mysterious ang karakter ni Rikardo eh. Nasan na ba ako.
Ayun. Nang magtama ang kanilang mga mata ay kinawayan siya ni Rikardo.
Di namalayan ni Selda na tinatahak na niya ang daan papalapit sa kinatatayuan ni Rikardo.

X: Tinatahak talaga. Baka pwedeng lakad na lang.

K: Wag kang magulo.

X: O siya siya. Tumatahak na si Selda kay Rikardo na parang batobalani

K: Anong batobalani

X: May tahak tahak kang nalalaman batubalani di mo alam. Magnet un! Sige go tuloy mo na.

K: Nang nakalapit na ito kay Rikardo ay di niya malaman kung ano ang gagawin at sinampal niya ito at nag wika:"sinusundan mo ba ako!siguro may balak kang masama sa akin noh!"

X: Oh my! With all those people?

K: at bigla umalis si selda na gulat sa kanyang nagawa.

X: Eh si Rikardo? Ano reaksiyon niya?

K: si rikardo naman ay napangiti at napaisip na: napansin na din niya ako.

X: Perfect!

K: dumeretso si Rikardo sa isang talyer na pagawaan ng mga dikalibreng sasakyan.

X: Ayun nalaman din kinabubuhay ni Rikardo.

K: pagpasok niya ."Boss okay na po ung 3 ford ddeliver na kay mayor gawa na po."

X: sosyal naman. Ikaw na ang may talyer na Ford ang laman!

K: Rikardo: mabuti naman sge kayo na bahala. ung jaguar ok naba? and ung BMW?

X: grabe naman. dapat hindi talyer pangalan..

K: dun sa talyer na iyon inuubos ni Rikardo ang kanyang oras maliban sa pag sunod sunod kay Selda
isang gabi naglalakad si selda sa parke malapit sa simbahan nang may dalawang lalaking humarang sa kanyang daaanan

X: Wag naman gahasa. Masisira ang pantasya ng mga babasa kay Selda.

K: O siya siya.

mga lalaki: miss, san ang punta mo mag isa ka ata.
selda: bakit ba! umalis kayo dyan
mga lalaki: sama ka nalang sa amin

X: Wag sabi gahasa eh!

K: Wala pa naman ah. Maghintay ka kasi!

X: O sige go.

K: nagpumiglas si Selda ng aktong hahawakan siya ng mga lalaki. Sinuntok si selda ng isa sa mga lalaki at nawalan ito ng malay

X: At nakakawala talaga ng malay ang suntok. Sige tuloy.

K: pag gising niya ay nasa isang abandonadong building na siya at kasama ang dalawang lalaki na aktong maghuhubad at may masamang balak sa kanya.

X: Building?

K: Gusali.

X: Ayoko na!

K: Bakit?

X: Wag sabi gahasa eh. Gasgas na yun.

K: Hindi pa naman siya nagagalaw.

X: Ano ka ba? Nawala na siya ng malay hindi pa nagagalaw?

K: Sige eto na. Hindi siya nawalan ng malay pagkasuntok sa kanya. Iginapos lang siya at puwersahan na sinakay sa van papunta sa gusali. Ano satisfied?

X: Oo. Sige tuloy mo na.

K: kringggggggggggggggggggggggg....

X: Cellphone?

K: alarm clock ni selda. panaginip lang pala ito

X: Putek! Gagohan ba ito? Panaginip flick ng story is trash!

K: Are you insulting me?

X: Sabi ba yan ni Selda sa kuwento mo o sinasabi mo yan sa akin ngayon?

K: Sinasabi ko yan sayo ngayon!

X: Yes it is trash!

K: Alam mo ang yabang mo.

X: Sinasabi ko lang ang totoo. You think you are fooling the audience with that dream thing well nagkakamali ka. They dont buy that!

K: Talaga lang ha. Then what do you want me to do with Selda!

X: Change her name and make her not trapped in dream sequences!

K: At ikaw na ba ang pinakamagaling na writer to give me feedbacks?

X: Hindi ako nagsabi niyan. Dont make me assume I am great because I have nothing to say except to tell you that your story needs full revision!

K: Fine fine. Ikaw na ang magaling. Ikaw na! Hands down to the Palanca Hall of Famer!

X: I don't need any icings. Maniwala ka na kasi. I can help you.

K: Help? Help or insult.

X: I want to help you to grow. Stop reading tagalog romance pocketbooks.

K: Wala kang karapatang baguhin ang mga gusto kong gawin

X: Fine. Read them but dont let it conquer your writing style!

K: Ha? Hindi naman ah.

X: Si Rikardo. Matipuno. Presko. Makisig. Matangkad. It all fit sa mga nababasa mong mga series na yan!

K: Maybe.

X: Si Selda. Parang pang R-18 ang karakter. Baka gusto mo na gawin siyang simpleng tao lang. Hindi kagandahan pero may paninindigan.

K: O sige sige. Tell me paano mo tatapusin ang kwento?

X: Parang inuutusan mo akong kainin ang kinagatan mong fried chicken!

K: mahirap kasi ang gusto mo

X: Hindi ang gusto ko ang mahalaga. Sinasabi ko lang sayo na magsulat ka ng kuwentong may tama sa mambabasa.

K: Sabi mo kanina kinikilig ka eh. Wala pa bang tama yun?

X: Oo yun maganda un. Be consistent. Pagpatuloy mo ang pagpapakilig.

K: Sige.

X: Teka baka puro pagpapakilig ang gawin mo. Ipaglaban mo ang nasa isip mo. Gawin mo ang lahat ng mga nararapat. Kung may gusto kang baguhin sa bansa ihain mo sa lamesa! Ipakita mo! Iparamdam mo! Haluhaluin mo ang mga rekado. Draw an up and down slope of tragedy.

K: Di kita maintindihan

X: As an art form writing is like music. Sino ba magtatagal sa pakikinig sa iisang tono lang. Ibaibahin mo ang tono na magandang pakinggan. Ihalo mo ang iba pang instrumento na angkop hanggang sa maganda ang kalalabasan sa pandinig.

K: O sige.

X: So paano? Siguro hindi mo na ako kailangan dito.

K: Sandali. Ano nga pala pangalan mo?

X: Tawagin mo na lang akong Pepe.

K: Pepe? Sandali!

(maglalakad si Pepe hanggang mawala sa entablado. Maiiwan ang kanyang sumbrero. Pupulutin siya ni K. Ipapalabas ang katapusan ng kuwento ni Selda. Hanggang sa unti unting mawawala ang ilaw)

=wakas=

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating