Thursday, September 20, 2012

Isang Araw sa ika-Bente Uno ng Disyembre

Annotation:
Ito ay ang una sa 20 kabanata ng nobela ko na pinamagatang: "Isang Araw sa ika-Bente Uno ng Disyembre"





Nais kung lumipad tulad ng agila

At lumutang lutang sa hangin

Magkaroon ng pugad sa puso ng kagubatan






Kabanata 1. Ang mga Dayo

Sa isang lugar malayo sa kapatagan; malayo sa mga usok mula sa mga pabrika at sasakyan na hindi pa kailanman nararating ng tao, makikita ang isang matatawag na malawak na kaharian ng mga dambulang mga puno; may banyan, balete, salisi, dalakit, kamagong, toog, apitong, mayapis, ipil, anang,  talisay gubat at kung anu-ano pa. Mayroon ding mga punong namumunga gaya ng santol, atis, chico, guyabano, durian at marami pang iba. Isa itong nakakamanghang tanawin sa sinumang dumalaw na anumang hayop. Berdeng-berde ang paligid at walang sinumang nangungulimbat sa mga hinog na bunga ng mga namumungang puno kundi mga hayop. Ilan sa mga ito’y mga pabalik-balik na mga makukulay at mapaglarong mga ibon; malaki man o maliit.

Magaganda ang lahat ng mga bulaklak sa paligid na karamihan ay sumasalo’ ng mga natitirang hamog ng umaga. Makukulay silang lahat habang pinagpipiyestahan ng mga bubuyog na ligaw na ’di mo malaman kung saan namamahay sa lawak ng kagubatan. May makikita kang santan, ilang-ilang, sampaguita, waling-waling, gumamela, at iba pa. May makikita rin na palipat-lipat na mga paru-paro na animoy kakalabas lamang sa bahay-uod na nakasabit sa pinakamalapit na puno.Walang sinumang nanghuhuli sa mga malalaking mariposa na aali-aligid sa iba’t ibang mga bulaklak na parang nakakalat lamang sa bawat sulok ng kagubatan. Kasabay ng mga bulaklak, napakasarap langhapin ang sariwang hangin na parang pinaghalong sariwang halimuyak ng mga ito at mga katabing mga puno.

Sa mga butas ng ilan sa mga dambuhalang puno, makikita ang mga nananahan na mga pilandok, usa, tamaraw o baboy ramo. May mga namamahay din ditong mga malalaking langgam na abala sa pag-iimpok ng mga makakain. Sa itaas naman ng isa o dalawang puno ay kakikitaan ng mga nakayakap na mga binturong. Paminsan-minsan ay palipat-lipat sila sa mga puno gamit ang kanyang malakas na buntot upang maghanap ng mga prutas o maliliit na kulisap bilang pagkain. May mga kagwang naman na parang lilipad-lipad sa bawat puno. Sa ibang mga sanga naman normal lamang na makakakita ka ng ilang kalangay,  at ilang makukulay na loro at kalaw.

Sa ‘di kalayuan, makikita ang isang lumilipad na isang haring ibon; ang agila. Mahahaba ang mga pakpak nito na animoy nais angkinin ang buong gubat. Wala ding maaaninag na takot sa mga mata nito bagkus buong kagalakang paglipad sa buong kagubatan.

Dumapo ang agila sa isang puno. Makikita ang kanyang pugad na gawa sa mga inikot na mga maliliit na mga sanga. Nagpiyestahan ang mga inakay nito sa kanyang dala-dalang pagkain. Humangin ng bahagya na ikinagalaw ng buong puno subalit hindi naman napaano ang pugad.

”Napakagaling talaga manghuli ng mga unggoy ang aking mga alaga Toog. Mga ilang taon na nga ba sila nananahan dito?”

Nagising si Toog. Ang kanyang katabing punong si Apitong ay nangbabara na naman sa kanya patungkol sa isang pamilya ng agila na namumugad sa isa niyang sanga. Pumikit muli si Toog at hindi pinansin ang katabi. Nagpatuloy pa rin sa pagsasalita ito.

”Mahigit sampung taon na sila Toog. Biruin mo sampung taon na!” ang sabi ni Apitong na sinagot lamang ang sariling tanong dahil sa hindi pagpansin ng kausap. Si Apitong ay isang malakas na puno na tumagal na rin sa kagubatan ng halos 40 taon. Sa katandaan nito mapapansin ang mga ilang naghilum na mga bali-baling niyang mga sanga gawa ng mga dumaang bagyo. Hindi naman ito gaanong nasira bagkus patuloy na naging matibay sa paglipas ng panahon. Lumaki siyang may napakaraming sanga upang pagpiyestahan ng ilang mga hayop. Napatigil lamang ito nang may dumapong isang malaking agila sa kanyang sanga isang araw upang mamugad sa kanyang pinakamatibay na sanga. Simula noon, hindi na siya nagsawa sa pagiging mapagmalaki sa kanyang mga namumukadkad na mga sanga kung saan namamahay ang isang hari ng kagubatan. Sa kanyang paningin, isa itong malaking pagkukulang ng kanyang katabing si Toog. At ito ang lagi nilang pinagtatalunan.

 ”Hay naku Toog. Tahimik ka na naman.  Malamang andiyan na naman ang iyong paninibugho sa pagkakaroon ko ng napakaraming mga sanga,” malakas na sigaw ni Apitong sa katabing puno.

Nagising si Toog at iginalaw ang kanyang tuwid na katawan nang bahagya kasabay ng paparating na sariwang hangin mula sa katabing ilog. Napatingin ito sa ’di kalayuan na siyang kakikitaan ng napakagandang tanawin ng karagatan sabay talikod kay Apitong upang magsalita.

”Matagal ko na ‘yan  natanggap Apitong. Isang katotohan na ako ay mananatiling isang punong tuwid na walang kasanga-sanga. Lumipas na ang mga  ilang taon kong pagkainggit Apitong. Wala na iyon. Masaya na ako na walang anumang balakid sa aking pamumuhay”

“Hindi mo batid ang saya ng dulot ng mga kiliti ng isang malaking pugad na may malilikot na mga inakay,” dagdag ni Apitong.

“Tama na!”

“...o ‘di kaya ay ang paglalaro ng mga mag-asawang agila na palipat-lipat sa aking matitibay na mga sanga...”

“Tama na Apitong!”

“...ang paglalaro ng mga maliliit kong mga dahon sa mga dampi ng hangin mula sa karagatan...”

“MAGTIGIL KA!”

“Akala ko ba ay nawala na ang iyong inggit Toog? Mapapansin yata ang iyong pagkabalisa sa aking mga winika. Kung makakarinig man ang mga agilang ito sa ating pinagtatalunan at magmakaawa ka na sila’y manahan sa walang kasanga-sanga mong puno malamang ito ang panahong ninanais na nilang magpatiwakal.”

“Hindi ko kailanman ‘yun nanaisin. Ang magpaawa ay isa sa mga gawaing kailanman ay hindi sumagi sa aking isipan. Alam mo naman ang kapangyarihan natin Apitong. Maari ko silang palayasin sa isang iglap lamang.”

”Isang ihip na nakamamatay. Isang ihip na makakapagbigay ng anumang sakit sa sinumang dayo sa kagubatan.”

”Kung gayun, maari bang lubayan mo na ako sa iyong pagpapakitang-gilas sa lahat ng iyong  kakayahan!”

May mga lumipad na iilang ibon sa ’di kalayuan. Mapapansin na nag-iiba ang init ng pagtatalo ng dalawang puno. Subalit hindi pa rin maawat si Apitong.

”Ang mga agilang ito sa aking sanga ay hindi na dayo sa kagubatan. Sampung taon na silang nananahan sa aking mga sanga Toog kaya wala ng silbi ang iyong kapangyarihan.”

”Wala rin naman masama kung subukan ko Apitong.”

”Subalit...”

Humangin ng malakas na ikinatakot na rin ni Apitong. Isang hanging napakalakas mula sa mga dahon ni Toog ang nagsilabasan. Natigilan ang mga agila subalit saglit lamang ito at nagpatuloy sa pagpapakain sa mga inakay. Walang anumang nangyari sa kanila. Mangiyak-ngiyak si Apitong sa pagtawa sa pagkasawi ni Toog sa kanyang nais gawin sa pamilya ng agila.

”Haha! Toog, Toog, Toog. Ang sabi ko nga sayo, sampung taon na silang nananahan sa aking mga malalakas na mga sanga... mga malulusog at napakaraming mga sanga...”

Tumahimik na lamang si Toog. Batid niya na ito lamang ang magiging paraan upang tumigil si Apitong. Subalit hindi pa rin. Patuloy pa rin si Apitong sa pagsasalita ng kung anu-ano. Kinuwento rin niya ang dali-daling pagkabali ng kanyang mga sanga at tumubong muli mga ilang linggo lamang; pati na rin ang tungkol sa isang kalapating kumikiliti sa kanya sa bawat umaga na nakakawala ng bagot. O ‘di kaya ang pagpapakita niya ng isang bahay-uod na nakadikit sa isang dahon sa kanyang kasingit singitan. Pinilit na lamang ni Toog na huwag intindihin ang lahat ng kanyang mga sinasabi. Basta ang alam ni Toog mapapagod din ‘yun sa kakadaldal.

Ang  puno ni Toog ay tuwid at walang kasanga-sanga kung kaya’t sa buong buhay niya sa kagubatan ay wala siyang naramdaman na sinumang humapon sa kanya na anumang ibon. Malamang may ibang panaka-nakang mga kagwang na humahapon paminsan-minsan subalit agad-agad naman itong lilipat sa ibang puno. Marahil dahil ito sa lubhang pagkanipis ng kanyang sanga na makikita lamang sa pinakatuktok ng kanyang puno. Ika nga ni Apitong ito ay ang mga sangang parang tinik sa liit na palagi niyang pinagtatawanan kung paminsan-minsan ay may naliligaw na mga iilang pipit. Hindi rin akmang tirhan ng mga pilandok ang paanan ni Toog dahil sa kaunting lilim na maidudulot nito kung kaya’t mas minamabuti nilang manahan sa ibang mga puno na may malalawak na lilim.

Si Toog ay isa sa mga nilalang na namamahay sa iba't ibang dambuhalang puno ng kagubatan. Hindi siya hayop hindi siya tao. Mga libo na ring taon siyang namamalagi sa kagubatang yaon at wala naman siyang naaalala sa simula ng kanyang pagpasok sa punong kanyang ginawa ng tahanan o kahit sa anuman niyang maisip na paraan kung paano siya napadpad doon. Ang alam nila, silang lahat ay naging parte na rin ng puno na kanilang tinitirhan. Sila ang puno o marahil sabihin na rin natin na ang puno ay sila.

Si Toog ang tinaguriang bantay sa buong kagubatan ng San Roque. Tinuring ito ng lahat dahil sa angking kataasan nito. Tanaw ni Toog ang lahat maging ang kagubatan sa kabilang isla. Pati na rin ang paparating na bagyo. Kapag may kumpol na ulap sa ’di kalayuan ay agad niya sinasabi sa lahat upang makapaghanda.  Makikita ni Toog ang buong San Roque.

Sa ilalim ng matinding sikat ng araw nakarinig si Toog ng mga kaluskos sa ilalim. Tiningnan niya kung ano ito nang mapansing may kakaibang nilalang na lumalapit sa puno ni Apitong. Ginising ni Toog si Apitong.

”Apitong...”

”Bakit ano na naman Toog.”

“Tingnan mo may paparating...”

Nagising nang  tuluyan si Apitong. Nakita nila ang tatlo na mga nilalang na palapit sa puno ni Apitong. Hawig sila sa mga iilang unggoy na pagkain ng mga agila subalit makukulay ang kanilang mga balat at tuwid kung lumakad sa lupa. Kakaiba ang kanilang mga kasangkapang mga dala. May isang may tangan na lubhang makulay na baging. Ang isa nama’y may tangan na animo’y itim na parihabang bato na nakapatong sa kanyang balikat.

“Toog, mga dayo!”

“Oo nga. Subalit ano ang kanilang pakay?”

”Toog nakikiliti ako! Ang isang unggoy ay umaakyat na sa akin.”

Batid ni Toog ang nais ng mga dayo. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon. Pumikit siya upang ilabas ang hangin sa kanyang makapangyarihang mga dahon. Tiyak na hindi na makakahinga ang mga dayong ’yan pag-alis nila sa puno. Tiyak na hindi na sila babalik pang muli.

”Toog sandali lang makinig ka. Kakaiba ang mga huni ng mga dayong unggoy!”

Napatigil si Toog at nakinig sa kanilang mga huni. Ang isang unggoy na may hawak na parihabang bato ay tumutok sa isa pang unggoy na nasa ilalim. Patuloy pa rin sa pag-akyat ang pangatlong unggoy. Malapit na itong marating ang unang sanga ni Apitong. Ang wika ng pangalawang unggoy na tuwid na nakatayo sa likod ng unang unggoy na may hawak na parihabang bato:

”This is Patricia Gyenthrow reporting  live visiting the Philippine Eagle in its natural habitat. Our comrade George Harold is currently on the climb in this lone tree that we track down from a group of monkeys they fed in the mountainside that we are successful enough to find a marvelous giant nest made by these magnificient eagle in the wild. This is considered as the largest eagle in the world measuring about one meter in height, has a 76-centimeter highly arched, powerful bill and I said earlier is feeding on  monkeys – the reason why it is called the monkey-eating eagle. George any developments there?,” kakaibang huni ng pangalawang unggoy. Dilaw ang ulo nito at napakaputi ng balat na parang binabad sa batis ng iilang ulit. Ang katawan nito ay may hubog na malayung-malayo sa mga pangkaraniwang mga unggoy. Patuloy ito sa pagsusubaybay sa nakaakyat na pangatlong unggoy.

“Paticia I am now about 30 meters from the ground of this Apitong tree and from here you can see the eagle’s nest at the top. In a little while we can be able to have a close encounter of the big nest…,” sabi ng nakaakyat na na unggoy. Sa isang ‘di maipaliwanag na dahilan humangin ng malakas mula sa malayo. Ang amang agila ay bumalik pala sa kanyang pugad. Wala itong anumang dalang unggoy bagkus isang takot sa panganib na dala ng mga ingay ng kanyang kabiyak at mga inakay. Lumipad ito sa baba ng pugad at hinampas nito ang unggoy na papaakyat. Napakapit ito sa kalapit na sanga. Umagos ang dugo sa kanyang ulo. Tumatak sa panuka ng agila ang dugo. Batid na ito ay walang pinagkaiba sa mga unggoy na kanyang hinuhuli.

”George are you alright? Oh my God. It was a sight of the eagle that it flew past George. Oh my God George you have to go down now! ,“ pasigaw ng pangalawang unggoy sa ibaba ng puno. Lubhang natakot ito at hindi alam ang gagawin.

“The eagle bitch just hit me! Are you still rolling? Cut the words that I just said! Oh God. It seemed that she is trying to defend his nest. She’s flying and slowly scratching me all over”

”George get down..NOW! “

“Alright. I will but I can’t move my arms and…”

“He’s falling! Stop filming this up and help him!”

Humangin ng napakalakas. Unti-unting dumausdus pababa ang pangatlong unggoy na parang naghihingalo. Hindi na ito makahinga. Duguan ito gawa ng ilang gasgas mula sa mga paa ng galit na galit na agila. Dali daling nagsitakbo ang tatlo patungo sa kanilang pinanggalingan hanggang sa hindi na sila matanaw ng dalawang puno.

Bukod sa pagtatanggol ng amang agila sa kanyang pugad, namangha si Apitong sa nagawa ni Toog. Hindi rin maiwasan ni Toog ang masiyahan sa pagdepensa niya sa katabi. Pinasalamatan siya ni Apitong at nangakong kailanman ay hindi na niya ito tutuksuhin.

 Napatitig si Toog sa ina at amang agila na nananahan sa sanga ni Apitong. Malayo ang tingin ng mga ito. May halong takot at pagkabalisa.

Kakaiba na ito.

***********************

Lumipas ang mga ilang araw, buwan at taon hanggang nakalimutan na ng tuluyan ni Toog at Apitong ang mga naganap subalit hindi sa mga agila. Pansin ni Toog na ang pangyayaring yaon ay nagsilbing peklat sa mag-anak. Ang amang agila ay ang higit na nababalisa. Dahil dito, paminsan minsan na lamang ang paghahanap ng amang agila ng pagkain sa gubat hindi gaya ng dati. Bihira na rin ang pag-uuwi niya ng mga malalaking unggoy sa kanyang pamilya. Kalimitan ay mga dayong uod o iba pang mga kulisap lamang ang kanyang tangan-tangan mula sa malayong paglalakbay. Subalit hinahanap-hanap pa rin ng lahat ang lasa ng karne ng unggoy kaya’t malalakas na ingay palagi ang dinudulot ng mga inakay sa pagdating ng amang agila kung iba ang tangan na pasalubong.

Laging nasa malayo na rin ang tingin ng inang agila simula noong dumating ang mga dayo. Marahil nasa kanyang pag-iisip pa rin na maaaring bumalik ang mga yaon at kunin ang kanyang mga pinakamamahal. Nararamdaman rin ito ng amang agila na sa bawat paglipad niya mula sa pugad batid niya na maaaring bumalik ang mga dayo at walang magtatanggol sa kanila. Kaya sa ganitong mga pagkakataon minamadali niya ang paghahanap ng makakain. May mga sitwasyon na hindi niya maimadali ang paghahanap nito kaya kalimitan ay umuuwi siya ng walang anumang dala. Marahil nangagtatago na ang mga unggoy. Marahil kinuha na rin sila ng mga dayo. Ang lahat ng ito ay gumugulo sa kanyang isipan.

Malalaki na ang mga inakay  kaya matindi na rin ang pangangailangan ng mga iyon na kumain ng mas marami. Isa itong matinding pagsubok sa mag-asawa sapagkat tag-hirap talaga makahuli ng mga unggoy. Napasilip si Toog sa itsura ng mga inakay. Malalaki na pala ito. Marahil handa na silang matutong lumipad at magkaroon ng sariling pamilya.

Isang araw, nakarinig si Toog ng napakalakas na alolong. Narinig rin ito ng iba pang mga puno. Buong tindig na sinilip ni Toog ang buong nasasakupan. Ligtas naman ang lahat. Ang dagat at katabing batis ay buong galak na pumapalakpak sa kalinisan. Ang mga puno ay nanatiling nakatirik. Maliban sa isang munting usok sa kabilang bundok. Malayo ito sa dagat. Malayo rin ito sa kanyang kagubatan.

Humangin.  Lumakas ito ng lumakas hanggang mapansin ni Toog na ito'y umiikot sa kanilang kinatatayuan.  Nagsalilta si Toog.

"Magpakita ka!," naisip ni Toog ang mga dayo. Maaaring bumalik sila. Maaaring gumanti sila sa kanilang  nagawa. Si Apitong ay takot na takot sa lahat ng mga puno subalit karamihan naman sa kanila ay nagtitiwala kay Toog na magiging ligtas ang lahat at walang anumang panganib.

Unti-unting tumigil ang paglagaslas ng hangin. Nanahimik ang buong kagubatan.

"MAGPAKITA KA SABI! Sino ka upang dumaan sa aming kagubatan?"

Sa huling salita ni Toog, lumabas sa likod ng sa isang matabang puno ang isang berdeng nilalang. Mapusyaw ito na may nanghihinang kulay na berde. Korteng naaagnas na puno ang kabuuan subalit nakalutang na hindi mawari ang buong katawan. Nagsalita ito. Humangin sa buong paligid ng kagubatan.

"Ipagpaumanhin niyo po at binulabog namin ang inyong kagubatan. Wala lamang po kaming ibang madaraanan."

May panginginig ang  boses nito. Mapapansing may takot ito sa bantay ng kagubatan. Malamang alam nito kung sino si Toog.

"Teka. Namin? NAMIN?,” wika  ni Toog na ’di alam ang gagawin sa nakitang panibagong mga dayo. Hindi niya mawari kung anong klaseng hayop sila. Parang pinaghalong hayop at puno. Hindi niya maipaliwanag ang lahat.

"Ganun nga po...," wika ng dayo na nginig na nginig.

"LUMABAS KAYONG LAHAT!"

Mula sa mga katabing mga puno naglabasan ang mga kasama ng dayong nagsalita. Lahat sila ay mga mapusyaw at may kulay na berdeng matamlay.  Lahat sila'y takot na takot na animo'y nawalan na ng pag-asa. Lahat sila'y unti-unting lumapit sa kinaroroonan ng kausap ni Toog.

" Batid ko na ikaw si Toog ang nakatalagang tagapagbantay ng parte ng kagubatang ito. Ako po si Bantulinao.  Ako po ang pinuno ng isang kagubatan sa kabilang bundok katabi ng iyong kaharian.”

”Pinuno? Wala akong kilalang ibang  pinuno ng kagubatan lalo na sa ganyang anyo!”

Pinilit ni Bantulinao na maging pormal. Pinagpatuloy niya ang pagsasalita.

”Mahirap na itong intindihin pa at ipaliwanag subalit kailangan ninyo itong malaman. Isang delubyo ang dumating sa aking kagubatan. Napakatinding delubyo! Sinalanta nito ang buo naming lahi. Mainit. Sobrang init. Ikinatunaw ito ng aming mga katawan. Ikinahina ito ng aming mga kalooban."

Hindi makapaniwala si Toog sa winika ni Bantulinao. Tumindig si Toog. Nakikita pa rin niya ang namumuong usok sa katabing kabundukan malayo sa karagatang tanaw na tanaw niya. Hinayaan na lamang niyang magsalita si Bantulinao.

"Nawalan kaming lahat ng  mga dahon at mga kasangahan. Tinangay nila lahat ng aming daang taong kinatitirikan. Inuulat ko sa inyo ito upang magsilbing babala sapagkat...”

”MAGTIGIL KA! Walang sinumang magbibigay ng  takot sa aming kagubatan. Ang takot ay tanda ng kahinaan. Hindi ko hahayaang daplisan mo ng anumang walang kahulugan ang mga bagay-bagay ang buo naming kagubatan!”

”Hindi po namin kayo mapipilit.”

"Kung gayon ano ang inyong iba pang ninanais na mangyari?”

"Nais po naming makadaan sa inyong lupain. Ibig naming makapaghanap ng panibagong pag-asa sa mga natitirang buto sa kabilang kabundukan. Marahil maaari kaming magsimula sumanib sa unang pagbutlak ng mga binhi.”

"Hindi na naman kita maintindihan.”

"Tagapagbantay na Toog. Hindi ko po mawari kung bakit hindi ninyo nalalaman ang ating pinagmulan.”

“Ano ang iyong ibig sabihin?”

“Maraming taon na tayong naninirahan sa sanlibutan nang unang ilatag ni Ina ang mga iilang binhi sa pamamagitan ng pitong malalaking agila. Unti-unting ibinagsak ng pitong mga agila ang bawat butil hanggang maging berde ang buong mundo subalit hindi pa ito naging sapat. Mula sa hangin ay humiling siya kay Bathala ng iilan pang mga buhay upang magbigay-gabay sa mga uusbong sa bawat butil na ito. Nang matapat sa sinag ng araw ang unang butil sumanib dito ang iilan sa mga buhay na hiniling ni Ina. Ito ang mga samakal na nagsimula nang nanahan sa iilang mga puno ng kagubatan.”

“At paano ko naman masisigurado na totoo ang iyong mga winika,” ang sabi ni Toog na hindi inanda ang pagkarinig ng salitang samakal. Inisip na lamang niya na mali lang ang kanyang pagkarinig o talagang wala lang halaga para malaman pa kung ano ang ibig sabihin noon.

“Hindi pa ba sapat ang aming katauhan upang magsilbing ebidensiya?”

Lumipad si Bantulinao at umikut-ikot kay Toog. Patuloy ito sa paglalahad.

”Hindi ko rin mapaniwalaan ang lahat ng winika ng aming mga ninuno sa simula. Kanina lang napagtanto ko na may katotohanan ang lahat ng mga kuwento.”

”Kailangan niyo nang lumisan. Hindi ko hahayaan bigyan niyo ng takot ang aking sinasakupan!”

”Toog, darating din ang araw at mapagtatanto mo rin ang ganito.”

”Maari na kayong lumisan.”

”Toog, Tayo ay mga samakal.”


=katapusan ng kabanata 1 =

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating