Friday, October 12, 2012

Si Baldo at ang Mga Siga ng Kalye Trese


"Ihagis mo ang bola Popo tapos kunyari sasaluhin ko bago dumating si Shirley," sabi ni Baldo na abala sa kakapraktis ng kunyaring bola habang itinatapon sa hangin. Si Popo naman ay nagtataka kung dapat pa ba niya talaga ‘yun gawin gayong makailang beses na nila tinatapunan si Shirley ng bola sa magkakaibang araw. Tuwing mag-aalas otso ng umaga kasi ay nag-aabang na sila sa gawing kanto ng Kalye Trese para abangan si Shirley na alam nila na papasok na sa eskwelahan sa oras na yaon. Kapag matamaan na si Shirley ng bola, sabay sabay naman silang kakaripas ng takbo sa magkakaibang direksyon  at magkikita na lang sa napagkasunduang tagpuan.  Batid kasi nila na magtititili na naman si Shirley para humingi ng tulong na siya namang hudyat sa pagsisidatingan ng mga usisero at usisera. Pero sa paulit ulit na nangyayari na ganun, paglaon ay hindi na rin sila pinapansin ng mga tao. Gayun rin naman si Shirley. Pagkatama ng bola sa kanya, magpapagpag na lang siya ng kakarampot na dumi at tsaka patuloy na babaybay sa Kalye Trese para dumiretso sa eskwela.


Limang bata ang may kinalaman sa araw araw na gulong ito na tinuturing din na sikat na sikat kahit sa kabilang kalye kung puro kabalustugan lang ang pag-uusapan. Sila ang tinatawag na mga ‘Siga ng Kalye Trese’ sa pambubulabog sa mga nagdaraan lalo sa mga kababaihan na gaya ni Shirley.  Si Baldo ang tumatayong lider ng grupo. Payat siya na nakasuot ng kunya-kunyaring salamin at kahit kailan ay hindi nawawalan ng tangan sa kamay ng kahit anong nakulambit na mga laruan galing sa iba pang mga bata. Si Popo naman ay ang batang mahilig lagi maglaro lalong lalo na ng baseball. Noong rumaket ang grupo sa isang malapit na eskwelahan ay naipasa sa kanya ni Baldo ang nakulambit nilang bola at gloves na hanggang sa ngayon ay ayaw na niyang bitawan. Napagdesisyunan na lang nila sa siya na ang taga-tago nito hanggang sa inangkin na niya nang tuluyan. Kasama rin sa grupo si Byorn. Anak raw siya ng Europeo. Kung saan man ‘yun parte ng kalye ng mundo nagmula ay hindi rin nila alam. Basta isang araw raw ay nabuntis na lamang ang nanay niya at itinurong ama ang napadaan lamang na turista na abalang kumukuha ng mga larawan sa Malate Church. Wala rin namang makapagsasabi kung totoo nga. Pero bali balita na sinusustentuhan ng Europeo ang nanay ni Byorn kaya siguro lagi silang maraming pagkain sa bahay; kaya siguro lumaki siyang napakataba. Kahapon nga ilang bulto ng tsokolate na ang dumating. Galing raw sa tatay niya. Ang isa pa nilang miyembro ay si Archie na tinuturing na pinakamatalino sa pangkat dahil sa siya lang ang nakapag-aral sa kanila. Tumigil na lamang siya dahil sa kapos sa pera ang kanyang magulang. Pero hindi niya kailanman nakalimutan ang mga leksiyon ng nakaraang taon. Minsan dinadala pa niya ‘yun sa grupo para pag-usapan subalit kahit kailan ay hindi sila naging interesado. At ang panghuli naman ay si Pipito na ubod ng kulit. Siya ang tanging bata sa pangkat na mahilig mangiliti at manggulo kahit wala naman sa lugar. Ilang beses na nga siyang tinitiwalag sa grupo pero siya pa rin ay mapilit na sumasali. Pabulong na nga lang na sinabi ni Baldo na gawin na lang nila siyang saling pusa.

Masasabi ring kinatatakutan ang mga siga ng Kalye Trese pero hindi naman sa puntong lahat ng tao ay natatakot sa kanila. Ang mga ilan lamang naman ang mga takot tulad ng mga mangilan-ngilan na mga puntirya nila laging biktima na kalimitan ay mga mag-aaral na dumadaan sa mismong kalye na yaon. Kukunin nila ang kanilang anumang gamit na dala, laruan man o pagkain sa paraang padahas hanggang sa hindi na makapalag ang biktima.

Oo naging suki na rin sila ng mga ilang patawag sa baranggay. Kilala na nga sila ng mga opisyal doon na pagkatapos naman ng panunumbong ay nauuwi lang sa wala. Kamag-anak kasi ni Pipito si kapitan. Aamin lang si Pipito na siya ang may pakana ng lahat. Sa kakulitan niya ay alam na ni kapitan na ang tanging makakapagdesiplina kay Pipito ay ang kanyang sarili. Kaya lagi na lang sila nakakalabas ng brgy hall. Maiiwan si Pipito para sermonan. Ganyan lagi ang nakagawiaan kapag mahuli. Ituro lang si Pipito at ang lahat ay magiging plantsado.

“Ano hindi mo ba ihahagis?,” sigaw ulit ni Baldo kay Popo.
“Baldo wala pa naman si Shirley ah?,” dahilan ni Popo. Napatingin rin si Byorn, Archie, at Pipito sa kanya sabay tawa nang palihim sa kanilang mga sarili. Alam nila na isang napakalaking kasalanan ang magtanong sa pinuno. Yaon ang nasasaad sa kanilang isinumpa sa grupo na tinatawag nilang kredo. Unang una ito sa listahan. Pangalawa ay ang pagbabawal na makalimutan ang una sa kredo. At ang pangatlo, ay ang pagbabawal na kalimutan ang pangalawa sa parehong kredo. Nanginig si Popo. Hindi na niya halos magalaw ang kanyang mga kamay sa takot.

“Lagot ka kay Baldo Popo!,” sabi ni Archie. “Isang napakalaking kasalanan ang magtanong sa pinuno,” paulit ulit na dagdag niya.

“Ano ang sabi mo Popo?,” pasigaw ni Baldo kay Popo. Nag-umpukan papunta sa kabila sa likod ni Baldo sina Byorn, Archie, at Pipito na parang may mangyayaring napakaimportanteng pagtatanghal sa dalawa. Tumahimik si Popo. Dala dala pa rin ang bola ay napatitig lang siya sa lupa na takot na takot. Ganoon lagi ang eksena sa oras na malaman ng grupo na lumalabag ang isa sa nakasumpaan; sa kredo. Hindi naman kasi yaon maiiwasan. Sino ba naman ang hindi makakaiwas na magtanong sa taong lagi mong kasama. At kung alam mo na magtatanong ka mahirap na pigilan ang utak mo na balangkasin pa ang mga salita para gawin itong simpleng pangungusap. Halimbawa sa simpleng ‘kamusta Baldo?’, kailangan mo itong sabihin bilang ‘kamusta, yan ang salitang gusto kong itanong sayo Baldo.’ Si Baldo naman ay agad naman ngingiti at sasagot. Matutuwa siya dahil ang kanyang mga miyembro ay sumusunod sa kanyang panuntunan. Mag-lilimang buwan na ang mga siga ng Kalye Trese kaya alam ni Baldo na dapat kabisado na ng lahat ang kanilang kredo kaya noong mga oras na yaon na narinig niyang nagtanong si Popo, alam niya na ito ay dapat na patawan ng parusa.

“Ayon sa nakasaad sa panuntunan ang sinumang lalabag ay kailangang  magdamit ng babae at kumembot sa bahay ng mga Ubando”, sagot ni Archie na buong pagmamalaki na kabisadong kabisado niya. Wala naman kasi talagang kasulatan ang panuntunan ng mga siga ng kalye trese. Sa katunayan gumawa si Archie noon para sa kanila pero pinunit lang naman agad ito ni Baldo dahil hindi rin naman raw niya maintindihan. Baka raw pinagloloko lamang siya nito sa mga kung anuanong kinahig ng  manok ang nasa piraso ng papel. Kaya ang naisip ni Baldo na paraan upang makatanda ang lahat ay ang pagbigkas ng kredo araw araw. Sa bawat umaga na sila ay magkakasama, kailangan na sambitin ng lahat ng miyembro nang sabay sabay ang kredo kahit umuulan pa o bumabaha. Gayun lamang ang paraan ni Baldo para malaman niya na batid ng lahat ang kredo.

“Ano ang ating kredo mga kasamang siga ng kalye trese?,” pasigaw ni Baldo na naisip na gawin muli ang ritwal kahit nagawa na nila ito kaninang umaga. Sapagkat bawal magtanong at mahirap ang magbalangkas pa ng tanong upang gawing pangungusap, agad na nagsipormal na lang ang lahat kasama si Popo na kahit may atraso ay sumabay sa pagsambit ng kanilang pasalitang panuntunan. Nagsilinya ang lahat. Sabay sabay nilang sinabi ang kredo na may kasama pang magkahalong sigaw at kakatuwang aksyon:

Kami ang mga siga ng kalye trese sumasaludo
Isisigaw nang malakas walang anumang barado
Bukod sa susundin namin ang pinunong si Baldo
Magkikita kami mula Linggo hanggang Sabado
Para sabihin itong kakarampot naming kredo

Unang kredo!

Una sa lahat sa utak ikandado
Isang kasalanan ang magtanong sa pinunong si Baldo
Balangkasin ang utak lahat parang rekado
Upang maalis ang tanong gawin mo tarantado

Pangalawang kredo!

Pagbabawal ito na makalimutan ang unang kredo
Mga linya nito kailangan lahat ay kabisado
Walang mahirap huwag kang kabado
Kung ayaw mo mabugbog sarado

Pangatlong kredo!

Pagbabawal ito na makalimutan ang pangalawang kredo
Madali lang yan parang sumuot ka lang ng sando
Walang kulang walang yamado
Sumunod ka lang sagot ka ni Baldo

Yaman din lang na sinumang lumabag sa mga kredo
Matulala ka na magsisi at siguradong dedo
Kailangan ay magdamit babae kumembot nang ganado
Nang sandaang beses paikot na parang hinahalong arroz caldo
Sa tapat mismo ng bahay ng mga Ubando.

Napangiti si Baldo na lagi niyang ginagawa sa tuwing matapos ang kanilang pagsasambit sa kredo. Siya kasi ang may gawa ng lahat ng ‘yun pati ang mga kakatuwang galaw na nakuha niya sa ilang nag-eensayo ng cheering sa katabing paaralan sa kalye trese. Hindi siya sumasabay sa kanila. Nakatayo lang siya sa gitna nila para pagmasdan kung sino ang nawawala at kung sino ang kailangan ng ensayo sa pagkabisa. Masaya siya sa araw na iyon dahil kabisadong kabisado ng lahat ang mga galaw. Walang sinumang pumalpak. ‘Di gaya noong nakaraang Linggo na napansin niyang si Byorn ay sunod sunod na nagkakamali. Hindi naman agad naniwala si Baldo na may sakit ito gaya ng kanyang laging dinadahilan. Galit na sinigawan niya si Baldo noon sabay sabi na kapag hindi niya siniseryoso ang samahan ay maaari na siyang tumiwalag. Mabuti na lamang at gumaling agad siya at masiglang nagawa ang kanilang ritwal na walang pagkakamali.

Pagkatapos ng ritwal na yaon,  kinaugalian na kailangan na tumahimik ang lahat; walang tawa, walang ngiti, walang emosyon. Ito raw kasi ang tanda ng paggalang sa kredo; na ito ay seryoso ay hindi isang biruan lamang. Wala rin dapat mangahas na maunang magsalita. Si Baldol lang ang may karapatan nito. Kung sa bagay kahit natapos na si Baldo sa pagsalita, kalimitan na tahimik pa rin naman ang lahat sa kadahilanan nga na bawal ang magtanong sa pinuno ng kahit ano; ng kahit tungkol pa sa nilalaman ng kredo. Kahit may gusto silang itanong noong mga unang araw ng pagbibigkas nila ng sinasabing ritwal, naging laman ng isip ng mga miyembro kung bakit nga ba Ubando ang ginamit sa katapusan ng ritwal. Paglaon ay nalaman rin nila ito nang makita ang ID ni Shirley isang araw noong tinapunan nila ito ng bola. Ang apelyido pala ni Shirley ay Ubando. Kaya doon sa tapat ng kanilang bahay lagi ang kanilang punta sa tuwing may lumalabag.  Naglakad si Baldo papunta doon sa araw na yaon. Batid ng lahat na ito na ang nalalapit na parusa ni Popo sa paglabag sa unang kredo. Halos lahat na ata ay nakadaan na ng gayong parusa pero nakakahiya pa rin talaga sapagkat ang bahay nila Shirley ay daanan ng halos lahat ng mga taong papasok sa Kalye Trese.

Sumaludo si Byorn kay Baldo at nagpaalam upang kunin ang damit na susuotin ni Popo. Pagbalik niya, bitbit na niya ang isang pink na dress ng kanyang maliit na kapatid.  Sabay sabay silang tumawa nang maibigay na nila ito kay Popo at nagtago sa bandang gilid ng bahay.  Hihintayin nila itong suotin ni Popo at kumembot. Sa likod naman ng halamanan, kailangan nilang  bumilang ng isandaang beses na mga kembot.

Mabilis na isinuot ni Popo ang dress. Hindi na niya inanda ang mga dumadaan. Humarap siya mismo sa tapat ng gate sa harap ng bahay ng mga Ubando gaya ng napapaloob sa kredo. Dahan dahan niyang ikinembot ang kanyang pwet. Umuga uga ang dress na parang sumusunod sa alon ng kanyang katawan. Kumembot siyang muli na mabilis na mabilis. Halos mamatay sa kakatawa sila Byorn sa kaaawa awang kaibigan na nagsisimula nang pagkumpulan ng mga dumadaan. Ang lahat ay nagtataka kung bakit ang isang batang lalaki sa kay gandang umaga ay nakadamit pambabae at nakaharap sa gate nila Shirley para gumiling ng gumiling; umikot ng umikot na parang trumpo. Sinubukan nila na kausapin si Popo subalit hindi naman sila sinagot nito sapagkat abala siya sa pagbibilang. Kailangan kasi na isandaang ikot ang gawin niya sa oras na ‘yun.

Sa halos apatnapung ikot ay nagulat siya nang marinig ang pagbukas ng mataas na gate ng bahay ng mga Ubando. Nakita niya si Shirley na nakauniporme at nakahanda nang maglakad papasok. Natigilan si Shirley sabay titig kay Popo. Hanggang mapagdesisyunan ni Shirley na lumapit dito. Matagal tagal rin siyang tumitig sa paikut ng paikot na Popo hanggang sa unang pagkakataon, bukod sa pag-iyak niya na kadalasan na naririnig ni Popo sa kanya dahil sa pagtatama niya ng bola dito ay narinig niyang nagsalita si Shirley.

“Iwan mo na kasi ang grupo mo. Wala kang mapapala sa kanila,” ang sabi ni Shirley sabay hawak sa braso ni Popo. Hindi siya pinansin ni Popo at patuloy pa rin sa pagiling pero hindi pa rin tumigil si Shirley. “Pinaglololoko lang kayo ni Baldo. Alam ko ang kredo niyo na walang kwenta na puro pabor sa kanya.”

Patuloy pa rin sa paggiling si Popo. Hindi siya dapat tumigil pero siguro may punto rin naman si Shirley. Kaya pabulong niya itong kinausap na sa bawat ikot nito ay nagsasalita siya kahit mahirap pa.

“Ano ka ba! Mga kaibigan mo sila. Wala na akong ibang kaibigan kundi sila”

“Kaibigan ba ‘yang pinagtatawanan ka nila; pinapahiya?”

“Parusa ko kasi ito. May kasalanan ako na dapat kung pagdusahan.”

“Ano ba ang kasalanan mo?”

“Nagtanong kasi ako kay Baldo.”

“Anong kasalanan ‘yan? Pinagloloko lang kayo ni Baldo. Kailan naging kasalanan ang magtanong?”

“Nasa kredo namin ‘yun”

“Dapat alamin mo naman kung paano naging kasalanan ang magtanong.”

“Hindi ko magagawa yun”

“Bakit nga?”

“Kasi bawal ang magtanong kung bakit bawal magtanong.”

“Kagaguhan! Sige gumiling ka nang gumiling. Hanggang kailan ka ba sa kanya magpapauto. Hay naku. “

Bitbit ang malaking bag ni Shirley ay nagpatuloy na itong maglakad palampas kay Popo. Alam rin niya na nasa paligid lang ang ibang mga miyembro ng mga siga. Pero wala siyang pakialam. Kung tatamaan man siya ulit ng bola ay hindi na lang din niya papansinin. Balisa si Popo na naiwan sa tapat ng bahay nila Shirley habang ginagawa niya ang pang animnapu na pakembot na pag-ikot. Naisip niya bigla ang sinabi ni Shirley sa kanya. Bakit nga ba niya ito ginagawa para kay Baldo? Ano ang kanyang mapapala? Naisip niya na parang wala naman talaga. Pero pinagpatuloy pa rin niya ang pag-ikot hanggang natapos na siya sabay hubad sa dress na basang basa na ng pawis. Tinapon niya ito kay Byorn at kinuha ang kanyang bola at gloves upang lumapit muli kay Baldo. Gulat na gulat sina Byorn, Archie at Pipito kay Popo sa bilis na paglapit niya kay Baldo. Hinubad niya ang kanyang gloves at itinapon sa mukha ni Baldo ang bola. Hindi na ito naiwasan ni Baldo. Ikinabasag ito ng kanyang kunya kunyaring salamin na agad na bumagsak sa lupa. Hingal na hingal si Popo sa paghagis ng mga ito sa pinuno nang walang anuman takot gaya ng dati. Aawat sana ang tatlo pero sumenyas na lamang ni Baldo na huwag na silang makialam. May paninidigan na isinigaw ni Popo ang nais niyang sabihin hindi lang sa grupo ng mga siga ng kalye trese kundi pati na rin kay Baldo.

“BAKIT BAWAL MAGTANONG SA’YO BALDO?”

Mulat na mulat ang mga mata ng lahat sa nangyayari. Si Popo na napakaliit ay malakas na lumabad hindi lang kay Baldo kundi sa kredo. Tumahimik lang ang lahat pati si Baldo na sa malayo lang nakatingin. Dahil walang sumagot sa tanong ni Popo, agad itong binawi ang dress na binigay niya kay Byorn,isinuot itong muli at kumembot ng kumembot habang patuloy na nagsasalita.

“Ganito ba ang parusa?  Hala nakadalawa na ako Baldo. O sige kekembot ako nang kekembot. Magtatanong pa ako. Uutangin ko na ang iba mamaya sa harap ng gate nila Shirley.  Dalawang daang kembot na ang utang ko ha. Ito pa ang tanong ko. GINAGAWA MO BA KAMING TANGA?”

Tinitigan ni Baldo ang nasa lupa na niyang salamin sabay yuko para lamang apakan ito na parang isang nakakadiring ipis. Hindi pa rin siya nagsalita. Hinayaan niya pa rin si Popo.
“ Baldo alam mo, ang tanga tanga ko!  Ngayon ko lang napagtanto na matagal mo na kaming inaapak apakan gaya ng salamin na yan!,” sigaw ni Popo. “Sayo na ang gloves mo! Sayo na rin ang bola mo! Hindi ko na ‘yan kailangan! Matagal mo na kaming binobola!”

“Hulihin siya!,” sigaw ni Baldo sa ibang mga kasama na agad naman nilang ginawa. Pinagtulungan nilang hawakan si Popo. Hindi ito pumalag at pinagtawanan pa ang nangyayari.

“Ano ba ang gagawin mo sa akin Baldo? Naku tatlong daan na kembot na ang utang ko,” malakas na loob na tanong ni Popo na sadyang ikinagulat ng lahat sabay kembot ng kembot ng walang tigil. Nagtanong na naman kasi si Popo sa pinuno. Pero hindi pa rin humaharap si Baldo sa kanya kaya hindi nila alam kung ano ang reaksyon ng kanilang pinuo sa nangyayari hanggang sa magsalita na rin ito pagkapulot ng natapong bola.

“Nakakatawa Popo dahil napakadali mo pa rin talagang mapaikot. Nakalabit ka lang ni Shirley eh kumaliwa ka na sa amin.”

“Gago ka! Matagal ko na to iniisip! Byorn, Archie, Pipito! Magising na kayo! Ginagamit lang tayo ni Baldo!”
Nagtinginan ang tatlo subalit wala rin naman silang ibang ginawa pagkatapos kundi pagtulungang huwag pumalag ang kaibigan. Hindi rin naman kasi sila pwede magtanong. Ayaw nilang maparusahan at mapahiya. Patuloy na lang silang mahigpit na humahawak sa mga braso ni Popo na hindi naman nila alam kung bakit. Basta utos ito ni Baldo na kailangan nilang sundin.

“Mukhang nagiging magulo na nga ang ating pangkat,” ang sabi ni Baldo na nakatalikod pa rin. “Siguro napapanahon na rin para tayong lahat ay magpahinga.”

“Baldo! Ako ay nagnanais na malaman ang ibig mong ipahiwatig sa iyong sinabi,” sabi agad ni Archie na bumitaw sa pagkakahawak kay Popo. Nakakamangha si Archie sa pagbalangkas ng simpleng tanong na ‘ano ang iyong ibig sabihin’.

“Archie, salamat ng marami dahil hanggang sa ngayon ay nagiging isa ka pa rin sa mga matatapat sa pangkat. Alam ko na kahit kailan ay hindi ka pa napaparusahan dahil alam mo kung paano sumunod sa aking mga patakaran.”

“Tangina Baldo ang galing mo magpaikot! Gago!,” sabi ni Popo. Pero hindi naman siya pinansin ni Baldo na nakatalikod pa rin sa kanilang lahat. Patuloy pa rin si Baldo sa pagsasalita.

“Binuo ko ang Mga Siga ng Kalye trese mga ilang buwan na ang nakakaraan para magkaroon rin kayo ng kamulatan sa katotohanan. Ang alyansang ito ay sumasalamin sa riyalidad! Ito ang totoong mundo!”

“Ngayon namulat na kami Baldo. Ano magkalimutan na tayo!,” sigaw ni Popo na malaya na sa pagkakahawak sa kanya ng tatlo na balisang balisa sa nangyayari.

“Sandali,” wika ni Archie. “Mahirap magsalita dahil kailangan kong iwasan ang magtanong kaya ngayon gusto ko malaman ang ibig mo pang sabihin.”

“Wala. Ayoko na magpalawig pa. Basta ang sasabihin ko sa inyo, lumapit lang kayo sa akin. Kung sino ang lumapit sa akin at kumamay ay nais pang magpatuloy sa alyansa.”

Nagkatitigan ang lahat. Si Popo ay agad na lumayo. Hindi alam ng tatlo pa ang gagawin. Nagkabulungan sila. Hanggang sa makapagdesisyon ang tatlo. Tinulak nila si Archie bilang tagapagsalita. Magsasalita na sana si Archie nang biglang tumunog ang napakalakas na sirena. Napaatra ang lahat patabi ng kalsada. Limang malalaking trak ang dumaan sa kalye trese. Lulan nito ay mga malalaking kalalakihan na may mga malalaking instrument na parang manggigiba ng bahay. At sa pinakaunang pagkakataon, sumigaw si Baldo ng napakalakas hanggang halos hindi nila mapansin na humarurot na ito ng takbo patungo sa direksyon ng mga trak.

Hinabol nila si Baldo na halos mangiyak ngiyak na. Napakabilis pala nito tumakbo hanggang sa marating nila ang pinakadulo ng kalye trese. Nakakagulat sa sa parteng ito ng kalye ay may mga barungbarong na mga nakatayo. Hindi nila tinigilan sa paghabol si Baldo hanggang sa maabutan nila ito na yumakap sa isang babae at malilit na ibang bata. Lumapit silang lahat kay Baldo upang tanungin ito kung ano ang nangyayari. Alam nilang bawal ‘yun kaya hindi na nila ginawa. Si Baldo na lamang ang nagsabi na ditto siya nakatira at sila ang kanyang pamilya. Pinakilala ni Baldo ang kanyang nanay at tatay sa amin pati ang kanyang maliliit na kapatid na ngayon lamang talaga namin nakita. Talagang hindi makapaniwala ang apat na dito pala nakatira si Baldo. Kaya pala hindi siya makapag-aral. Kaya pala lagi siyang balisa. Sa isang saglit na pagpapakilala ng lahat, biglang nagkasenyasan ang lahat na tumakbo sa harapan ng kani-kanilang bahay. Hinawakan ni Baldo ang braso ni Popo at sa kabila naman ay kay Archie na dumugtong na rin kay Byorn at Pipito kasama ang iba pang mga nakatira roon. Naglakad sila at hindi kumilos na parang mag people power sa EDSA. Lumakas pa lalo ang sirena at nakita nilang huminto sa kanilang harapan ang limang trak at mga ilang bulldozer. Kung bakit naroon sila hindi  nila alam. Bawal kasi magtanong.

Naghawak bisig ang lahat ng mga tao upang harangin ang mga dumating. Karamihan sa mga yaon ay mga pulis. Ang iba naman ay mga parang usisero lamang. Matagal rin ang kanilang pagtigil sa harap hanggang sa may bumaba na mama na may hawak na parang malaking apa ng sorbetes. Nakakamangha sapagkat napalakas nito ang kanyang boses.

“Nakailang palugit na ho kayo. Bawal na ho yan. Ang kukulit na ninyo. Idedemolish na ho namin ang bahay ninyo ha. Sana ho matiwasay tayong tumabi. Nakikiusap ho kami sa inyo.”

Nagkagitgitan na sa bandang kinatatayuan nila Baldo hanggang sa may isang mama na naglakas loob na magtanong.

“Matagal na kami dito nakatira. Sino kayo para palayasin kami dito?”

“Naku ho, bawal na ho ang magtanong. Madami nang pag-uusap ang nangyari. May panuntunan ho tayong sinusunod. Ito ang katibayan o na hindi sa inyo ang lupa at kailanman ay hindi niyo pwede tanungin ang batas.”

“Gaguhan pala ito eh! Bakit naman hindi kami pwede magtanong? Eh papel lang papel na yan, galing lang naman yan sa puno yan ah! May nagtype lang niyan sa kompyuter at nilagyan ng pangalan ng pontio pilato na umagaw sa lupa namin!”

“Inuulit ko ho. Bawal na ho ang magtanong. Kaya ngayon may kautusan na ng batas na lumisan na kayo dito. Ayaw naman namin na may masaktan; ayaw namin na may maparusahan.”

“HINDI KAMI AALIS!”

Napalingon si Popo. Si Baldo ang mangiyak ngiyak na sumigaw. Napahawak ng mahigpit si Baldo sa kanya. Gayun rin si Popo, si Byorn, si Archie, at si Pipito. Sabay nilang hinarap ang mga hinayupak. Alam nila na maipagtatanggol nila ang lupa ng kanilang kaibigan at bukas na bukas din lahat sila ay bibigkas muli ng kredo dahil naiintindihan na nilang lahat ang ibig sabihin nito.

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating