Sunday, November 04, 2012

Isang Araw sa ika-Bente Uno ng Disyembre

Annotation:
Ito ay pang-lima sa 20 kabanata ng nobela ko na pinamagatang: "Isang Araw sa ika-Bente Uno ng Disyembre"










Kabanata 5: Si Ina

Napakagaan ng pakiramdam ni Toog. Para na siyang hangin. O para na siyang parte ng hangin. Hindi niya maintindihan.  Lumulutang siya sa ere. Napakagaan niya. Alam niya na nakawala na silang lahat sa katauhan ng mga puno. Isang riyalisasyon mula kay Bantulinao.

Mula sa kanyang pagkakalutang nakita ni Toog ang sitwasyon ng kanyang binabantayan. Sa gitna ng makakapal na mga usok nakita niya ang mga nakatumbang mga puno. Nais man niyang ipagtanggol ang buong kagubatan ngunit wala na siyang magagawa. Wala na ang mga puno. Wala na lahat ang kanyang binabantayan. Hindi na rin marahil siyang pwedeng tawaging tagapagbantay. Subalit nagsilapitan pa rin ang ibang mga samakal sa kanya. Nananangis sila. Humihingi ng saklolo.  Naawa si Toog sa kanilang kalagayan.

Habang lumulutang sila papalayo, naaninag ni Toog ang kanilang pinanggalingan. Nakikita ni Toog ang nagsisimulang namumuong usok.  Walang pinagkaiba ito sa nakita niya sa bundok nila Bantulinao. Ngunit saan na nga ba sila patungo?  Patuloy na lang ba silang maging parte ng hangin?     

Hinayaan na lang nila ang hangin.  Itinaboy sila sa iba't ibang direksyon. Hanggang parang patungo sila sa halos walang hanggan.  Pinilit na lumapit ng ibang mga samakal kay Toog subalit ang hangin mismo ang lumalayo sa kanilang lahat.  Hanggang sa tumigil ang hangin.  Isang napakagandang tanawin ang kanilang nakita.  Isang napakataas na bundok. Parang bato balani na dinadala sila sa bundok na yaon. Papalapit sila ng papalapit hanggang sa makita nila ang mga puting ulap sa tuktok. Hindi alam ni Toog kung ano yaon pero ramdam niya na doon sila patungo. Pumasok sila sa nakaabang na puting usok o ulap o kung ano man ’yun ay hindi niya alam hanggang nanilaw ang buong paligid.

Pagtagal, unti unting bumalik ang liwanag hanggang sa kalayuan nakita nila ang iba't ibang kabundukan na napupunuan ng iba't ibang mga puno. Parang napasok sila sa ibang dimensiyon. Hindi maipaliwanag ni Toog kung paano ito nangyari. Nananaginip lamang ba siya? O kung panaginip ito, sana ay hindi na siya magising. Mula sa itaas para silang mga nakalutang na ulap upang mamasdan ang kagandahan ng kanilang napasok.

Isang liwanag ng lihis ng araw ang nakita niya sa buong tanawin na parang walang katapusang bukang liwayway. Naglalaro ang mga ulap sa mga iba’t ibang kulay na dulot ng liwanag. Sa ibaba makikita ang napakaberdeng tanawin. Walang anumang nakatumbang mga puno. Lahat sila ay buong giliw na nakatayo. Sa ilang mga gilid nito mahuhugis ang paghahalikan ng ilog sa karagatan na sumasalamin sa naglalarong kulay ng kalangitan. May isang maliit na lawa rin na   kakikitaan ng mga nangagliparang mga ibong hindi na gala kundi permanente ng nananahan sa kalapit na kabundukan.

Palutang-lutang lamang sila dito hanggang sa mapansin nilang sila ay pababa papasok sa isang kagubatan. Parang may bato balani na naman na dumadala sa kanila sa iisang lugar. Nakita nilang lahat na papunta sila sa isang batis. At bago pa man mamangha si Toog sa linaw at ganda nito napansin niya agad na may nilalang sa gilid nito na parang kanina pa sila hinihintay. Ang nilalang ay nagtataglay ng matinding liwanag; ng puting liwanag; sa kahit saang anggulo ay makikita ang kaputian nito. Isa nga ba itong nilalang o dulot lamang ng kanyang imahinasyon? Subalit habang papalapit na sila, ramdam niya na totoo siya. Kahugis ng katawan nito ang limang dayo na kanyang nakita sa kagubatan. Isa ba itong unggoy? Subalit parang napakaamo ng mukha niya para maging isang unggoy. Mahahaba ang kanyang itim na mapapayat na dahon marahil pero parang hindi. Bulaklak ba ito o ano?

Nagwika ito sa kanila sa isang pinakamatinis na boses na animo'y pinaghalong mga tunog na mga laguslos ng batis at pinagsamang maaamong mga ibon.

"Magandang pagdating sa paraiso. Kilala ko kayong lahat at batid ko rin na malamang hindi ninyo ako kilala. Ako si Inang Kalikasan."

Natulala si Toog. Hindi niya mawari ang ibig ipahiwatig ng kaharap maging ng kanyang mga kasama. Sino si Inang Kalikasan? Isa rin ba siyang puno? Ano ang kanyang pakay? Saan siya nagmula?  Marahil nababasa ni Inang Kalikasan ang iniisip ni Toog kaya nagwika siyang muli.

"Lagi ko kayong pinagmamasdan sa ibaba maging ang iba ninyong kasamahan. Alam ko ang inyong mga hinaing at sa lahat ng iyon patuloy na nagiging panalo ang mga tao sa paggamit sa inyo.”

 Nahihiya man si Toog ay sumagot ito kay Inang Kalilkasan.

"Inang Kalikasan ang iyong pangalan ‘di ba? ano po ang mga tao?," pagtatakang tanong ni Toog.

"Ipagpaumanhin mo ang hindi ko pagpapakilala sa kanila. Lumapit kayong lahat dito at ipapakita ko kung sino sila."

Itinuro ni Inang Kalikasan ang kalapit na napakalinaw na batis. Lumapit sila dito. Iwinagayway ni Inang Kalikasan ang kanyang mapuputing galamay na mga animo'y magagandang sanga.  Mula sa malinaw na tubig, umangat ito ang naghulma ng mga mukha. Lumabas ang tatlong nilalang na kinorte ng iwinagayway na tubig. Parang nililok ni Ina ang mga tatlong katauhang nabuo. Nagulat ang lahat sa nakita. Nagsalilta si Ina.
   
"Sila ang mga sinasabi kong tao."

Tatlong tao ang nakatayo sa harap nila. Isang maputi, isang maitim, at isang katamtaman lamang.
Nagsalitang muli si Ina.

“Iba iba ang mga tao, may maputi may maitim at may katamtaman lamang. Maging ako ay nasa ganito ring hulma"

"Ibig sabihi,” tanong ni Toog.

"Hindi ako tao Toog."
"Ano ka po?"

"Ako kayo."

"Hindi ko po kayo maintindihan."

"Sa dinami-dami ng nakarating dito, walang pinagkaiba ang inyong mga reaksyon kung sino talaga ako. Marahil patuloy kayo sa pag-iisip na ako'y isang kathang isip lamang."

"Hindi ko po talaga kayo maintindihan."

"Ang mga tubig sa batis. Ang mga berdeng dahon ng mga puno. Ang malilinis na ilog lawa at dagat. Ang mga halaman, hayop, at tao. Ako 'yun."

"Kayo po kami?"

"Ang aking mga kamay na korteng mga sanga; ang aking mga buhok na animo'y malilinis na lupa; ang aking mga mata na animo'y kakulay ng malinis na batis lawa,  ilog at dagat, ang sinag ng aking kabuuan mula sa matingkad na araw, ang hanging lumalabas mula sa lahat ng parte, ito ang nagsasabing ako kayo.”

Kapansin-pansin ang katahimikan sa paligid kaya hindi na nag-atubili si Ina na magsalitang muli.   

“Subalit hindi niyo lang alam ang kaibahan ko ngayon sa nakaraan.”

Iwinagayway muli ni Ina ang kanyang mga kamay. Nawala na ang tatlong taong pinapaliwanag ni Ina at pinalitan ng isang napakalaking nilalang na hinulma ng tubig. Isa itong napakataas, napakamasinag, nakapakinis na nilalang.

“Ang aking mga buhok na animo'y malilinis na lupa. Ang mga mata nito ay kakulay ng mga bituin sa langit. nakakasinag ng kanyang kabuuan mula sa pinakamatingkad na araw, ang hanging lumalabas mula sa lahat ng parte, ito ay napakasariwa”

Tumabi si Inang kalikasan sa nagawang imahe. Nagmukhang bubwit si Ina. Animo'y isang higanteng ina ang katabi niya. Nagulat silang lahat.  Si Toog naman ay namangha Subalit sa loob niya, alam niya na malaki na ang kaibahan ni Ina.

"Marahil napapasin niyo ang kaibhan ko noon at ngayon. At patuloy akong nagbabago sa paglipas ng panahon."

Naisip ni Toog ang nangyari sa kanila. Pati na rin sa mga kasamahan ni Bantulinao. Si Bantulinao. Nasaan na nga ba si Bantulinao. Napatingin ang Ina kay Toog. At napagtanto kaagad ang kanyang nais itanong.

"Si Bantulinao. Pinili niyang bumalik."

"Bumalik sa..."

"Toog, dito sa paraiso, ang mga dumarating ay pinapapili ko kung nanaisin nilang bumalik o manatili dito."

"Subalit Ina, sa ganda ng paraisong ito, wala ng ibang magnanais na bumalik."

"Toog. Ang kagandahan ng paraiso ay hindi permanente. Ito ay nagbabago rin kasabay ko."

"Ibig sabihin si Bantulinao ay bumalik sa kagubatan?"

"Parang ganun na rin, Toog; pinili niyang maging tao."

"Nasaan na siya ngayon?"

"Malalaman mo rin."
   
**********

Nanatili sa isipan ni Toog si Bantulinao. Bakit ninais niya na maging tao? Ano ang kanyang hangarin? Gusto niya bang mailigtas si Ina? O nais lang niyang maramdaman ang pagiging isang tao. Naisip rin ni Toog ang mga iyon. Marahil katulad na katulad ito sa laman ng isipan ni Bantulinao. Oo. Pareho nga siguro. Tiningnan ni Toog si Ina. Katabi pa rin nito ang iwinagayway niya na dating imahen nito.

Naisip ni Toog na dapat gumawa na siya ng hakbang. Naisip niya na kung si Bantulinao ay ninais na maging tao, siya rin ay nais din niya. Napangiti si Ina.

“Kung gayon Toog. Matutupad ang iyong ninanais.”

Dumilim ang paligid.

Isa itong kadiliman na kailanman ay hindi pa nararanasan ni Toog. Pagnaka'y unti-unting nawawala ang kanyang nalalaman. Hanggang sa hindi na niya matandaan ang kanyang pinanggalingan; kahit ang  kanyang sarili.


=katapusan ng kabanata 5 =

Post a Comment

POST YOUR COMMENT BELOW

Bi Thumb rating