Tuesday, September 03, 2013

Playwrights Notes: USG-TG 2013: Ang Panibagong Pagpasada ng “Jeep”



PAMPITO ang University of San Carlos – Theatre Guild (USC-TG) sa mga produksyon na binigyan ko ng pahintulot na magpalabas ng isa sa aking mga pinakamamahal na dula sa orihinal na titulo nitong “Dyip.”  Pero hindi naman ito papahuli sa mga bersyon na nagpangiti sa akin sapagkat sa muli, napagtatanto ko na marami pa rin talagang nagkakagusto sa paraan ng pagdudula ng pangingiliti subalit may kaunting sampal sa mga manonood.



Kung itatabi sa iba pang mga bersyon na napanood ko, masasabing ang bersyong ito ay may ibubuga sa tindi ng debosyon ng lahat ng mga tao sa likod nito. Nakakapamangha ang mga naipamalas ng lahat mula sa preparasyon hanggang sa aktwal na pagpapalabas. Hindi kasi biro ang magdaos ng ganitong kalaking pagtatanghal sa labas ng kanilang unibersidad. At hindi lang daan-daan ang inaasahang pagbibigyan ng atensiyon kundi libulibong mga mag-aaral at ‘walk-ins’. Kaya agad akong sumaludo sa USC-TG noong pinalabas nila ang kanilang VTR. Inaamin ko na ako’y napaluha nang mapanood ito hindi sa dahil nagiging o.a. ako pero sa katotohanang hindi ko ito talaga inaasahan.
Ang kaisipang ang dula ko ay nakarating na rin sa Cebu ay ikinatuwa ko na, mas lalo pa kung malalaman ko na may isang malaking grupo na lubos na sineryoso ang pagpapalabas nito na parang isang napalaking magaganap na fireworks display sa kanilang buhay kolehiyo. Hindi ko pa dito napapasama ang punto na lahat sila ay mga mag-aaral at walang anumang mas maigting na karanasan sa malakihang produksyon. Kaya ako ay talagang sumasaludo.


September 1, 4:30 PM Show

Bihira lang ako na makakita ng isang dulang may pulang telon kaya siguro ito na ang nagpaalaala sa akin ng auditorium ng aking unibersidad kung saan naganap ang pinakaunang pagtatanghal. Inisip ko noon ang unang bersyon kung saan si Dexter ay sumayaw ng ‘ interpretative’ sa saliw na isang napakalambot na musika bilang prologo.
Sa  bersyon nila, gamit ang nakabagsak na telon, isang actor ang lumabas sa prologo.
Nakakamangha ang mga mata ng batang ito na di ko mawari sa umpisa ang pinaghuhugutan ng mamasa-masa niyang mata sa paghihimay himay ng mga linya. Gaya ng aking inaasahan, gagamitin nila ang mga sikat na kalsada ng Cebu na hindi ako pamilyar. Nakiramdam ako sa manonood at sa kanilang pagtawa ay agad kong napagtanto na siya ay epektibo. Tumaas ang telon at sa wakas ay nakita ko rin sa unang pagkakataon ang kanilang set. Malayu-layo ang jeep na marahil ay upang pagbigyan ng espasyo ang maaring magsayawan sa unahan. Ito na marahil ang pinakamahabang jeep sa lahat ng bersyon.
Pero hindi ko ito kinakitaan ng iba pang mga palamuti at detalye. May parte lang sa bandang baba ng jeep na siguro ay kailangan takpan ng kahit itim na papel sapagkat nakikita ko ang kabuuan ng pagkakahoy nito.
Photo Courtesy of: Eekim Karo
Pero agad ko naman ‘yun nakalimutan sa pagkakita ko sa matrona na may buhok na mala-asawa ng nanay ni Bart Simpson. Kuhang kuha nila ang gusto kong ‘look’ ng matrona. Sa kanya, naaalala ko si Melai. Natawa agad ako sa unang eksena. Kaya swabeng swabe ang tawanan sa bawat pagbuka ng kanyang bibig lalo na hanggang sa kanyang monolog.
Masasabi kong pinakamahirap na parte ng dula ang pag-uusap ng drayber at matrona. At siguro dahil ito sa mahaba nilang usapan. Sa mga ‘intimate theater venue’ siguro matatawid ang kanilang usapan pero sa ganitong kalaking entablado, natuwa naman ako dahil naisip nila na paminsan minsan ay lumabas sa realidad at tumayo sa labas ng jeep ang mga tauhan para maipamalas ang kanilang mga punto.
Nang dumating na ang dalawang tinatawag na Juan Tamad, napadausdos ako ng kaunti sa pagkasira ng kanilang lapel mike. Salamat sa adlib ng matrona at sadyang naitawid niya ang kakaibang tensyon. ‘The show must go on’ ika nga nila.

Nakilala ko sa unang pagkakataon ang kanilang Dexter at Clara. Si Dexter bilang isang simbolo ng mga matatapang na mag-aaral ay nabigyan naman nila ng buhay sa dula. Angkop na angkop ang kanyang malakas na boses at nakakapanggulat na emosyon sa bawat pagbigkas sa mga linya. Napaniwala naman niya ako sa kahalagahan ng pag-aaklas at tindi ng pangangailangan natin para sa sinasabing pagbabago. Kay Clara naman, inaasahan ko ang pagiging kikay, feeling sosyalera at maarte. Pero nalayo ako ng kaunti sa Clara ngayon.
Medyo naging ‘boyish’ na Clara ang nakita ko sa kanya. Siguro mas naging epektibo siya kung nilaro niya ang mga salita sa napakaarte na paraan. Isang tip dito na bigkasin ang ‘jeep’ bilang ‘Jeef” . Naisip ko rin na siguro, kailangan niya ring magtone down sa emosyon. Ang drayber naman ay magaling sa aspeto ng pag-iinternalize na drayber talaga siya. At napaniwala naman niya ako ng sobra.
Photo courtesy of Eekim Karo
 Pero may mga parte na parang nagiging tsismoso siyang drayber na nakikiaalam sa usapan ng kanyang mga pasahero. Natawid naman ng drayber ang mga eksena, pero nakakaistorbo lang ang sobrang paggamit niya sa mga ‘hand movements’ at ibang ‘gestures’ na parang nagiging para siyang ‘comical’.
Lubos akong natuwa dahil sa pagdagdag nila ng kakaibang original na musika sa produksiyon.
Marahil dahil naisip ko ang dating mga ‘formula’ ng mga pelikulang Pilipino na may kantahan at sayawan sa huli. Siguro nabigla lang ako dahil hindi ako pamilyar sa kanta. Sa huli naman ay nasalo naman ako sa masasabi kong ‘spectacle’ part ng produksyon na nakakaaliw.



September 1, 7:30 PM Show (Last Show)
Pareho halos ang ‘routine’ ng huli nilang pagtatanghal na may kakaibang pagpapalit sa katauhan ni Dexter at Clara na ginawa nilang sina Caloy at Gabriella. Kaya hindi ko talaga pinalampas na panoorin ang pangalawa nilang bersyon.
Photo Courtesy of Eekim Karo
Kakaiba sa nakaraang bersyon, ang matrona nila ngayon ay isang matandang bading na sobrang nakakatawa – uulitin ko; sobrang nakakatawa. Naalala ko sa kanya si Vice Ganda. Ang alam ko na matrona ay matapang, malakas ang dating at nakakarindi ang pag-iingay; ang pagtatambutso ng kanyang malulutong na bunganga kasabayan ng mga sasakyang humaharurot ay bumubusina sa kalye; pero sa kanya, nagkajumble jumble na lahat at nabigyan ng karagdagang kiliti ang mga tao. Siya marahil ang masasabi kong pinakamahusay na matrona na napanood ko.
Gabriella at Caloy
Nasabihan naman ako bago pa man ang palabas ng tungkol kay Caloy at Gabriella. Kakaiba ito sa akin sapagkat wala pang nakagawa ng ganitong kakaibang mas matinding pageexplore ng mga karakter sa Jeep. At dahil diyan ako ay lubos na natutuwa. Si Caloy ay ‘consistent’ naman sa kanyang karakter na walang pakialam sa mga welga. Medyo kaunting ‘push’ lang siguro sa pagiging maarte pero sa pangkalahatan naman ay mahusay naman siya sa mga eksena. Nadidisturb lang ako sa kapal ng kanyang make-up.  Sa pangalawang banda, hindi ko rin naman maiisip na ang lalaking si Caloy ay magiging sobrang maarte. Napapaisip rin ako sa ‘twist’ ng karakter na ito kung ano talaga ang paraan para mapalabas ang kanyang adhikain na maging parang si Clara sa orihinal na bersyon.
Photo Courtesy of Eekim Karo
Si Gabriella naman ay masasabi kong napakagaling dahil sa kanya ko nakita ang walang kaeffort-effort na pag-arte. Natural ang kanyang dating at wala akong anuman nakitang ‘lapses’ sa pagbigkas niya sa mga linya. Siguro madali lang para sa kanya na mag-internalize gamit ang pangalang Gabriella. Mas nagpadadgag pa dito ang kanyang maong na jacket na talagang napapaisip ako na siya nga ang simbolo ng mga nagwewelgang taga-Gabriella. Pero sa kabilang banda, parte rin siguro ng pag-explore ng karakter ang pagdagdag sa adhikain ng mga Gabriella para sa karapatan ng mga kababaihan at malabanan ang pang-aabusong sekswal sa kanila. Siguro kung uulitin ang dula, mas nanaisin ko lagyan ng mga ganitong pananaw si Gabriella.
Lubos rin akong naaaliw sa kanilang mga welgista.  Siguro ang masasabi ko lang ay minsan, nagiging sobra silang bibo at energetic na natatakot akong makalimutan ng mga manonood ang mga tatlong bida. Pero kahit ano pa man, nakakatawa talaga sila.  

Photo Courtesy of Eekim Karo
Ang jeep ng USG-TG sa kabuuan ay ang hindi ko makakalimutang bersyon sapagkat ito ang kaunaunahang nagpalabas ng dula ko sa malakihang aspeto ng pagtatanghal. Kaya sa ngayon ay lubos akong nagpapasalamat sa pag-imbita sa akin na mapanood ito at mabigyan na naman ng buhay ang masasabi kong dating naglalaro lamang sa aking isipan. Talagang kakaiba ang pakiramdam na mapanood mo ang iyong gawa mas lalo pa kung malaman mo na lubos nila itong sineseryoso mula sa paghahanda hanggang sa pagpapalabas. Sa muli, sumasaludo ako sa USC-TG at sa lahat ng mga tumulong dito. Maraming maraming salamat.


Bi Thumb rating